
Lihim ni Mommy at Daddy
Mula nang magka-huwisyo si Elisa ay ‘di niya na nakilala pa ang kanyang ama. Tanging mommy niya na lamang ang kasama niyang lumaki.
Masasabi niyang hindi sila mahirap pero hindi rin naman mayaman. Kumakain sila ng tatlong beses sa isang araw at kahit na paano ay nabibili ang kanilang gusto. Grabe ang pagiging malapit ni Elisa sa ina, lalo pa pag naririnig ang kwento ng kanyang mga tita.
“Alam mo ang mommy mo may sakit nang ipagbuntis ka. Pero inilaban ka niya kahit sabi pa ng doktor ay pwedeng manganib ang kanyang buhay.” kwento ni Tita Emily minsang dalawin sila nito.
“Kaya nga po mahal na mahal ko si mommy. Kahit na kaming dalawa lang ay kakayanin namin. Sino ang may sabing kailangan ng ama sa isang pamilya?”
Bumuntong hininga ang kanyang ina nang marinig iyon, “Anak. Nagpapasalamat ako na mahal mo ako kasi ganoon rin ako sayo. Triple pa.. pero sana ay wag ka namang magsalita ng ganyan sa daddy mo,” pakiusap nito.
Hindi na sumagot pa ang labing walong taong gulang na dalaga. Pero ang totoo ay nagngingitngit ang kalooban niya. Ang bait lang rin talaga ng kanyang ina dahil ayaw pa rin nitong magsalita ng masama sa kapwa. Sigurado naman siya na iniwan ito ng lalaki.
Ang makapal ang mukha niyang tatay na basta na lamang naglahong parang bula.
Noong una ay wala siyang pakialam, pero habang nagkakaisip siya at nakikita ang mga sakripisyo ng kanyang mommy ay lalong lumalalim ang galit niya sa lalaki. Ni wala nga siyang alam tungkol rito, tanging ‘James’ lang na pangalan nito.
Kapag kasi nagtatanong siya noong bata siya ay mailap ang mommy niya sa detalye, palagi ring naluluha ang mata nito at napapahawak sa dibdib. Tanda na hanggang ngayon, nasasaktan pa rin ang ginang.
Mabilis lumipas ang mga araw at nagulat na lamang isang hapon si Elisa dahil maraming iniluto ang mommy niya. Naku, kabilin-bilinan pa naman ng kanyang mga tita na huwag itong hahayaang mapagod dahil operada. Bagamat hindi niya alam kung saan dahil muli, mailap ito sa detalye.
“Hala pawis na pawis ka, mom! Ikaw naman, sana sinabi mo po na magluluto para natulungan kita. Ano po bang mayroon?” wika niya habang pinupunasan ang likod ng ginang.
Napangiti naman ito tapos ay umupo, “Alam mo anak… matagal akong hindi nagsalita kasi hindi ako handa talaga. Pakiramdam ko ay hahagulgol ako sa harap mo noon kung sakali, at ayaw kong mangyari iyon dahil gusto kong makita mo na matatag ako…” paliwanag nito.
Kumunot ang noo ni Elisa, “Mommy ano po ang sinasabi mo? Tungkol ba ito sa magaling na lalaking nang iwan sa atin?” Ni hindi niya matawag na ‘daddy’ ang lalaki.
Sa halip na sumagot ay iginiya siya ng ginang sa kwarto nito, kung saan lagi niya itong nasasaksihang umiiyak.
“Anak, anniversary namin ngayon ng daddy mo. A-Ayan siya,” nakangiti pero lumuluhang itinuro nito ang isang vase.
Hindi ba doon inilalagay ang abo ng yumao? Ibig sabihin… tama nga ba ang nasa isip niya?
“W-Wala na po siya?” ‘Di alam ni Elisa pero biglang gumuhit ang sakit sa kanyang dibdib. Diyos ko po, dalawang araw lamang ang pagitan ng birthday niya at ng pagkawala nito, parehong taon.
Kahit na humahagulgol ay pinilit ng mommy niya na magpaliwanag.
“Dalaga pa lang ako ay mahina na ang puso ko. Pakiramdam ko lumakas lang ito nang makilala ko ang daddy mo dahil ipinaramdam niya sa akin ang totoong pagmamahal. Na siyang nagbunga… ikaw,” wika nito at hinaplos ang mukha niya.
“Pero ‘di pa pala tapos ang pagsubok. Sabi ng doktor, malaki ang chance na mawala ako dahil sa panganganak. Pero ‘di ako payag na ikaw naman ang mawala kaya itinuloy ko. Kapit kamay kami ng daddy mo kahit na sobrang… sobrang hirap at sakit. Para sa’yo, anak. Nang lumabas ka ay nakaligtas naman ako kaya lang ay unti-unting humina ang puso ko. Tinaningan na nga ako eh.
Laking tuwa ko dahil biglang may heart donor. Sabi ko, salamat sa Diyos dahil madudugtungan ang oras na kasama ko ang aking mag ama pero mali ako. Dahil daddy mo pala anak ang heart donor, ibinigay niya ang puso niya para magkasama pa tayong dalawa!”
Pumatak sunod-sunod ang luha ni Elisa, at nagyakapan silang mag ina. Napasulyap pa siya sa hawak na litrato ng ginang, naroon ang kanyang ama na tila kinakausap siya sa loob ng tiyan. Ang ganda ng ngiti ng lalaki, halatang mahal na mahal siya.
Diyos ko po… ang taong kinamuhian niya mula nang magkamalay siya ay ang nagsakripisyo ng buhay para hindi siya mawalan ng nanay.
“Daddy, I’m so sorry..” bulong niya.
Nagulat silang dalawa ng mommy niya dahil kahit na sarado ang bintana ay umihip ang malakas na hangin sa kwarto. Nagyakapan sila, nangako na magpapakatatag. Alam ni Elisa na nakangiti ngayon ang kanyang ama dahil sa wakas ay nalaman niya na rin ang totoo.