Inday TrendingInday Trending
Natupad na Pangarap

Natupad na Pangarap

Kahirapan ang nagbibigay pasakit kay Carmina na dati-rati’y wala silang inaalalang problema. Maayos sana ang buhay nila noon, na kahit anong hilingin niya ay agad-agad masusunod. Subalit dumating ang pagkakataong nagkaroon ng malalang karamdaman ang kanyang ama na ngayo’y paralitiko dahil sa ‘di agad naagapan ang karamdaman. Isa pa roon ay ang pagsasara ng pinapasukang pabrika ng kanyang ina.

Wala silang magawa ng kanyang kapatid kundi ang tumigil na lamang sa kanilang pag-aaral. Bitbit sana na niya ang diplomang dapat sana’y mukukuha na niya ng kasalukuyang taon.

“Kay saklap naman ng kinahinatnan ng buhay natin. Nagkasakit na nga si itay, nawalan pa ng trabaho si inay, tapos ay kailangan pa nating huminto sa pag-aaral,” sabi ng kapatid na si Nigel.

“Hayaan mo at makakaraos din tayo,” wika na lamang ni Carmina.

Gunita niya ang mga masasayang araw na gusto niyang maging doktor ngunit ang sisidlang pangarap ay napunta sa paghihintay. Panganay siya sa kanilang magkapatid na mula ng magkasakit ang kanyang ama ay siya na ang kumakalinga rito dahil wala ng panahon ang kanyang ina sa pag-aasikaso rito. Simula noon ay tumutulong pa siya sa pagtitinda ng turon at banana cue sa lansangan.

“Inay, makakapagtapos pa kaya kami sa pag-aaral?” tanong ni Carmina sa kanyang ina.

“Anak hindi sa lahat ng pagkakataon ay ganito tayo, may awa rin ang Diyos basta’t maniwala lang tayo sa kanya, Dahil ang bawat pagsubok ay may kaakibat na kaginhawaan kung ito’y iyong malalagpasan,” tugon ng kanyang ina sa kanya.

“Ano na lang kaya kung mamasukan na lang ako bilang kasambahay? Para naman makatulong ako sa gastusin dito sa bahay at sa pambili ng gamot ni itay,” tanong niya rito.

“Salamat, anak! Pero bata ka pa para magbanat ng buto, hayaan mo na lamang ako magpuno ng pangangailangan natin.”

Isang araw, ‘di inaasahang pangyayari ang bumulabog sa kanila.

“Inay… Inay, si itay!” pabulyaw at humahagulgol na sabi. Hikbi ni Carmina habang nakaratay ang kanyang ama na wala nang buhay. Iyon na marahil ang pinakamabigat na nangyari sa buhay ng kanyang pamilya—ang mawalan ng Padre de Pamilya. Tulala at wari malayo ang kanyang iniisip habang nagsisipag-iyakan ang kanyang ina at bunsong kapatid.

Isang linggong nagluksa ang pamilya ni Carmina, pagkatapos ng pagluluksang iyon ay kasunod ng pagbabago sa estado ng kanilang pamumuhay. Kung dati-rati’y naglalako siya ng turon at banana cue sa lansangan, ngayon ay namasukan siya bilang kasambahay. Samantalang ang dati niyang ginagawa ay pinagpatuloy ng kanyang kapatid. Simula noon ay nahirapan siyang makibagay sa takbo ng kapalaran. Natuto siyang makipamuhay sa mura niyang gulang at doon niya naranasan ang hirap ng kanyang napasukan. Minsan na rin siyang inalok upang sumayaw sa lilim ng ilaw ngunit inisip niya ang nararapat na hindi niya gagawin angbagay na iyon.

Ang pagkakataong makapag-aral ay minsan na rin sumagi sa kanyang isipan na sa kanyang pagtatrabaho’y inalok ng kanyang amo.

“Hija, gusto mo pa bang magpatuloy sa iyong pag-aaral?” tanong sa kanya ng kanyang amo.

Biglang napatingin si Carmina sa kanyang amo subalit ang bagay na iyon ay parang napaka-imposible sa katayuan niya. Iniisip niya na mahirap pagsabayin ang pag-aaral at pagtatrabaho.

“Hija, gusto mo pa bang magpatuloy sa iyong pag-aaral?” ulit nitong sambit. Ngunit sa pagkakataong iyon, hindi na niya pinalagpas ang pagkakataon na muling makapag-aral siya. Tumango na lamang siya at sumagot.

“Opo…” tugon niya dito.

“Simula bukas pupunta ako sa eskuwelahang papasukan mo, gabi ka na lang pumasok para naman ‘di maantala ang pagtatrabaho mo,” usisa ng kanyang amo.

“Maraming salamat po,” pasasalamat niya sa kanyang mabait na amo.

Sa kanyang sahod, doon niya kinukuha ang panggastos niya sa pagpapaaral sa kanyang bunsong kapatid.

Isang gabi tinanong niya ang amo niya kung bakit ganito na lamang angipinapakita sa kanya nito. At doon na niya nalaman na may anak na pala ang kanyang amo. Na dapat sanay katulad nang gulang niya pero sadyang binawian ito ng buhay sa murang edad dahil sa isang aksidente noon.

“Kami ang magkasama ng aking anak sa kotse ng bigla na lamang kaming araruhin ng nakapabangga sa aming truck. Nakaligtas ako sa tiyak na kapahamakan ngunit ang aking anak na si Elvira ay nasawi,” bunyag ng amo.

Nakikita ng kanyang among si Madam Sylvia sa kanya ang buhay ngnamayapang anak kaya maganda ang pakikitungo nito sa kanya. Tinuturing ni Madam Sylvia si Carmina na parang tunay na anak.

“Eh ma’am asan po si sir, ang asawa po ninyo?”tanong niya rito.

“Simula nang mamayapa ang aming anak, sinisi niya ang lahat sa akin, lumayas siya na wala man lang paalam. ‘Di ko nga mabatid kung bakit iniwan niya ako, siguro tama nga siya na dapat ako managot sa lahat,” maluha-luhang sagot ng amo.

Pagkatapos ng usapang iyon ay doon niya nalaman ang lahat ng mga bagay na waring itinatanong sa kanyang sarili na kung bakit ganoon na lamang ang pakikitungo ng kanyang amo. Ganun pa man, kahit mahirap hatiin ang oras bilang katulong ay umaasa pa rin siyang mapagtapos niya ang kanyang kapatid at makakuha siya ng titulo sa kolehiyo.

Mabilis na lumipas ang mga taon at ang kanyang kapalaran muling nagbago. Unti-unti na niyang naabot ang mga bagay na matagal na niyang pinangarap sa buhay. Napagtapos niya sa pag-aaral sa hayskul ang kanyang kapatid na malapit na ring mag-kolehiyo. Nakapagtapos na rin siya ng pag-aaral sa kolehiyo sa kursong medisina. Sa pagkakataong iyon ay inaalay niya ang diploma’t medalyang nataggap niya sa kanyang mga minamahal—sa kanyang inay, kapatid at sa kanyang mabait na amo na si Madam Sylvia.

Nagpapasalamat din siya sa mga pagsubok na dumating sa kanyang buhay. Dahil sa pagsubok na dumating sa kanilang pamilya ay nakamit niya ang matagal na niyang inaasam-asam. Ang makapagtapos sa pag-aaral. Nabago ang lahat dahil sa mga bagay na ‘di niya inaasahan. Sa pagkawala ng kanyang ama at pagkawala ng trabaho noon ng kanyang ina ay natuto siyang kumilos para baguhin ang kanyang kapalaran.

Matapos makapagtapos at makapasa sa board exam ay agad na nakapagtrabaho si Carmina sa isang kilalang ospital sa Makati. Nakapagpatayo rin siya ng malaking bahay para sa kanilang pamilya. Sa ngayon ay kuntento na siya sa itinatakbo ng kanilang pamumuhay. Natupad na ang pangarap niya para sa kanyang ina, sa kapatid at sa sarili. Pangako niya’y patuloy pa siyang magsisikap para sa kapakanan ng lahat.

Advertisement