
Babalik Ako At Dudurugin Kita!
“Kaunting ire pa, Vangie! Kaya mo ‘yan!” sigaw ni Aling Ylodora, ang sikat na kumadrona sa lugar nila.
“Hindi ko na ho kaya! Malalagutan na ako ng hininga!” naghuhumiyaw na pagmamakaawa ni Vangie sa matanda habang patuloy ang agos ng kaniyang luha. Kasabay na rin ang bagsak ng kaniyang pawis at sakit na hindi niya maintindihan kung saan nanggagaling.
Parang hinihiwa ang buo niyang pagkatao, at walang sigaw at iyak ang makapagpatahimik sa nararamdaman niya. Gusto na lang niyang matapos na ang paghihirap na ito.
“Isa pa! Nakikita ko na ang buhok ng bata! Hinga ng malalim at isang mahabang ire, huwag mong puputulin!” sigaw muli ni Aling Ylodora sabay dukot ng bata sa kaniyang puwerta. Umire naman ng isang malakas, malalim at napakahaba sabay buong lakas niyang inilabas ang bata. Kasabay na nga noon na nawalan na siya ng malay sa panganganak.
“Aling Ylodora? Nasaan po ang anak ko?” nanghihinang wika ng babae nang maidilat niya ang kaniyang mga mata.
“Ayos ka na ba, Vangie? Sumipsip ka muna ng tubig at kailangan mo ng lakas. Halos sampung oras kang walang malay,” pahayag ng matanda sa kaniya.
Halata namang nagulat ang babae sa kaniyang narinig at mabilis siyang napalunok, ngunit tuyong-tuyo ang kaniyang lalamunan. Mabilis niyang kinuha ang baso ng tubig at ininom ito. Saka naman pumasok sa kwarto si Don Jaime.
“Iwan niyo ho muna kami,” wika ng lalaki at lumabas ang kasambahay pati na rin ang kumadrona sa kwarto.
“Don Jaime, pwede na po akong umalis. Pwede na po kaming umalis ng anak ko, hindi ho kami manggugulo,” mabilis na pahayag ni Vangie sa lalaki.
“Alam mo, Vangie, sinabi ko naman sa’yo na ayaw ko ng sabit. Hindi mo kasi ininom ang mga pills mo, ayan tuloy! Nabuntis ka! E hindi ko naman sigurado kung ako lang ba talaga ang gumagalaw sa’yo kaya mas lalong hindi ko sigurado kung ako ba ang tatay ng batang isinilang mo,” saad sa kaniya ni Don Jaime.
“Hindi ko naman ho ipapakupkop sa inyo ang anak ko, hindi rin ho kami manghihingi ng sustenso. Ang sa akin lang ay ibigay niyo po ang anak ko at uuwi na kami sa probinsya. Kaya ko pong buhayin ang anak ko ng mag-isa,” matapang na sagot ni Vangie.
“Sa una pa lang ay malinaw na ang relasyon natin. Sinabi ko naman sa’yong hindi ka pwedeng mabuntis. Pero anong ginawa mo? Nagpabaya ka,” wika ni Don Jaime na may nadidismayang boses at pa iling-iling pa ang ulo nito.
“Nasaan na po ba ang anak ko? Ibigay niyo na siya sa’kin at mawawala na ako sa buhay niyo!” bulyaw naman muli ni Vangie, kasabay nang pagbagsak ng kaniyang mga luha.
“Wala na, pinat*y ko na ang bata. Ayaw ko ng anak sa labas!” baling ni Don Jaime sabay dura sa mukha ng babae.
“Hindi! Hindi maaari! Demonyo ka, papatay*n kita!” sigaw ni Vangie at humagulgol ito. Susugurin pa sana niya ang lalaki ngunit mabilis na nakalabas si Don Jaime at saka naman pumasok ang mga guwardiya na siyang bumugbog sa kaniya.
Matagal nang pumanaw ang mga magulang ni Vangie at pinangbayad utang naman siya ng kaniyang panganay na kapatid na si Vanessa kay Don Jaime. Nagbanta kasi ang donyo na tatapusin ang buhay nila kapag hindi nakapagbayad ng utang dahil doon kilala ang lalaki.
Pumayag na magpagamit at maging babae ng don si Vangie kapalit ng hangin na nalalanghap niya sa mundong ito, kapalit ng buhay nila ng kaniyang kapatid. Ngunit nang mabuntis siya ay nagbago ang lahat. Halos p*tayin siya ng lalaki at hindi siya makapaniwala na pati ang sanggol na walang muwang ay nagawa nitong bawian ng buhay.
Pagkatapos mabugbog ni Vangie na parang lantang gulay ay itinapon lamang siya sa malayong lugar na parang basura. Walang pera, walang kakilala at higit sa lahat ay nawalan ng anak. Hindi pa man siya nakakapagpagaling mula sa sensitibong panganganak ay isang sugat na sa kaniyang pagkatao ang alam niyang hindi na maghihilom pa kahit na kailan. Ang sugat sa kaniyang puso.
Hindi rin siya hinanap ng kanyang kapatid na lalo pang nagpalugmok sa kaniyang pagkatao. Ngunit bumangon si Vangie at isinumpa sa kaniyang sarili na babalik siya at dudurugin si Don Jaime.
Kaya naman nang lumipas ang halos sampung taon ay nagkaroon na ng lakas ng loob si Vangie na hanaping muli ang donyo upang ilagay mismo sa kaniyang mga kamay ang batas. Natutunan niyang mabuhay ng mag-isa, walang pinagkakatiwalaan at hindi na maloloko ng kung sino pa man. Kumapit siya sa kahit anong patalim na siya ring nagligtas sa kaniya sa kalungkutan noon.
Hanggang sa isang araw, nakita niyang naglalakad ng nakatungkod si Don Jaime. Nanginginig ang kaniyang kalamnan sa galit dahil hanggang ngayon ay buhay pa rin ang matanda. Nabalitaan niyang yumao na ang mayamang asawa nito.
Palapit na sana siya nang biglang umatras ang kaniyang mga paa nang makita niya ang isang pamilyar na babae na humalik sa walang pusong si Don Jaime.
Ito ang kaniyang kapatid na si Vanessa, ibang-iba na ang itsura nito. Mukha na rin itong donya at may sinasabi sa buhay. Kaya naman minanmanan muna niya ang dalawa at nagtanong-tanong sa mga taong nasa palagid.
“Hindi po ba’t si Don Jaime ang naglalakad na iyon?” tanong ni Vangie sa matandang nagbebenta ng prutas. Tumango lamang ang matanda sa kaniya.
“Kilala niyo ho ba ang babaeng kasama niya?” tanong muli ni Vangie sa ale.
“Ay oo naman, siya na yata ang pinakamatagal na naging babae ni Don Jaime. Siya na rin ang naging kasa-kasama ng matanda lalo na nung nabalo na siya,” sagot sa kaniya nito.
Tila hindi naman siya makapaniwala sa kaniyang nalaman. Iniisip niya kung napilitan lamang ba ang kaniyang kapatid o kung inaapi rin kaya ito ni Don Jaime katulad ng mga bangungot na naranasan niya rati.
Kaya naman sa isang idlap ay nag-iba ang plano ni Vangie, sasagipin na muna niya ang kaniyang kapatid tsaka niya lalagutan ng hininga ang matanda.
Hanggang sa hinintay niyang makakuha siya ng tiyempo at nahuli niyang mag-isang namimili si Vanessa sa bayan.
“Ate,” pahayag ni Vangie sa babae. Mabilis naman humarap ang kanyang kapatid at niyakap siya nito.
“Vangie? Buhay ka?!” saad ni Vanessa habang hindi makapaniwala sa kaniyang nakikita.
“Oo, ate, tumakas na tayo. Ililigtas kita sa walang pusong si Don Jaime saka ko siya babawian ng buhay, ” galit na wika ni Vangie.
“Anong sinasabi mo? Malaki na ang pinagbago ni Don Jaime, hindi na siya katulad ng dati. Maniwala ka sa akin,” sagot naman ni Vanessa.
“Kaya naman kakalimutan mo na lang ang ginawa niya sa anak ko? Na pinatapon niya ako sa kung saan. Ni hindi mo man lang ako hinanap? Mas nagawa mo pang makisama sa lalaking dapat na sabay nating sinisira!” baling ni Vangie.
Sasagot pa sana si Vanessa ngunit naputol ang kanilang pag-uusap nang biglang siyang yakapin ng isang binatilyo.
“Mama, uwi na tayo,” sabi nito kay Vanessa at saka naunang sumakay sa sasakyan.
“May anak ka? May anak kayo? Binuhay niya? Tang*na mo, Vanessa!” galit na bulong ni Vangie.
“Saka na tayo mag-usap, huwag kang nagsasalita sa bata ng ganyan,” matapang na pahayag ni Vanessa sa kaniya at mabilis na sumakay ng sasakyan.
Mas lalong tumindi ang galit ni Vangie kay Don Jaime at sa kaniyang kapatid. Pakiramdam niya’y inapi siya ng mundo at lahat ng mga taong nakapalibot sa kaniya.
Kaya naman pumunta siya kaagad sa mansyon at sumugod sa bahay ni Don Jaime. Malayo pa man siya ay nanunumbalik na ang masasamang alaala ng kaniyang nakaraan. Dala niya ang baril sa kaniyang bag at handa na siyang iputok ito sa bungo ng lalaking sumira sa kaniyang buhay.
Nagtataka naman siyang walang mga guwardiya sa paligid na pumipigil sa kaniya kaya mabilis lamang siyang nakapasok at nadatnan ang matanda sa hardin.
Mabilis niyang dinukot ang baril at itinapat sa ulo ng matanda.
“Naaalala mo pa ba akong hayop ka?!” nangigigil na pahayag ni Vangie sa matanda.
“Vangie,” nanginginig na sagot ng matanda.
“Ibaba mo iyan, wala kang dapat ikagalit sa akin,” dagdag pa nito.
“Wala? Wow! Nagpapatawa ka ba? Pagkatapos mo akong babuyin, pagsawaan at ipatapon sa malayong lugar ay wala akong dapat na ikagalit sa’yo? Pagkatapos ng ginawa mo sa anak ko?! Animal ka, Don Jaime!” baling ni Vangie at mas lalo pang dumiin ang hawak niya sa baril.
“Ibaba mo iyan, Vangie. Walang kasalanan si Don Jaime, ginawa lamang niya ang nararapat at kailangan mo siyang pakinggan sa sasabihin niya,” wika naman ni Vanessa na nasa kaniyang likuran.
“Marami kayong mga babaeng ginamit ko at alam ko na sa mata ng Diyos ay hindi na niya ako mapapatawad. Hindi kapatawaran ang hihingin ko sa’yo pero sana pakinggan mo ako. Marami na kayong mga babaeng nabuntis ko at lahat ng iyon ay pinaliligpit ni Silvia, ang asawa ko. Hindi ako ang nagpapapat*y sa kanila, kung ‘di siya,” paliwanag ng lalaki.
“Noong nakapanganak ka ay kailangan kong tapusin ang buhay anak mo, dahil kung hindi, ang mga tauhan ni Silvia ang siyang liligpit sa’yo at sa bata,” dagdag pa nito.
“Pero binigay niya sa akin ang bata, ‘yung batang nakita mo kaninang umaga ay anak mo ‘yun. Anak mo iyon, Vangie,” saad naman ni Vanessa na siya namang kinagulat ni Vangie.
“Matagal kong nilihim ito kay Silvia, dahil pagod na akong maglibing ng sarili kong mga dugo’t laman. Patawarin mo ako kung hindi ka namin nahanap, pero alam ng Diyos na ginawa namin ang lahat para naman mapalaki ng maayos si Vanjo, ang anak natin,” pahayag ni Don Jaime.
“Anong pakulo ito? Talagang naplano niyo na kaagad kung paano ako papaikutin? Talagang sinakyan mo pa ang matandang ito, ha, Vanessa? Kapatid ba talaga kita? Ate ba talaga kita?” naguguluhan at umiiyak na pahayag nito. Hindi siya makapaniwala sa sunod-sunod na mga rebelasyong naririnig niya.
“Maniwala ka man sa hindi, anak mo ang binatilyong nakita mo kanina. Ako ang tumayong nanay niya pero hindi ko inilihim sa kaniya ang katotohanan. Alam niyang matagal ka na naming hinanap,” pahayag ni Vanessa. Doon na tuluyang lumambot si Vangie.
Tila nanghina ang kaniyang mga kamay at tuhod na siyang nagpaluha sa kaniya lalo kaya napatakip na lamang siya ng kaniyang mukha.
Nakausap naman niya si Vanjo at napatunayang anak niya niya ito. Pina-DNA test niya ang binata na siyang lalo pang nakapagsuporta sa rebelasyong nalaman niya.
Ngayon ay kinalimutan ni Vangie ang lahat ng galit na nararamdaman at isa lamang ang gusto niya, at iyon ay ang maging ina sa kaniyang anak. Si Vanjo na rin ang nagkwento sa kaniya ng lahat ng pagtago-tago nila ng kaniyang tiyahing si Vanessa sa asawa noon ni Don Jaime. Hindi nagtagal ay nagkaayos-ayos na silang lahat. Pero hindi na muling nakisama pa si Vangie kay Don Jaime, bagkus ay kumuha na siya ng sariling tahanan kung saan isinama niya ang anak na matagal niyang hindi nakasama dahil sa paglalaro ng tadhana.