Inday TrendingInday Trending
Tulong Mula Sa Banyaga

Tulong Mula Sa Banyaga

Naipit na naman sa kahabaan ng trapiko si Karam ng gabing iyon. Pauwi na sana siya sa kaniyang bahay sa Forbes Park na nasa Makati galing sa main branch pwesto ng negosyo niyang milktea shop at itong napakahabang traffic na ito ang siyang bumungad sa kaniya.

“Trapik lang ʼyan, Pilipino ako. Kaya ko ʼto!” pagpapakalma niya sa sarili habang natatawa-tawa pa.

Siyam na taon na siyang naninirahan dito sa bansang Pilipinas kaya kahit papaano ay sanay naman na siya sa ganoong klaseng kalakaran. Ang totoo nga ay minahal na niya ang ganitong buhay, kahit pa isa siyang purong dugong banyaga.

Si Karam ay isang Syrian national. Siyam na taon na ang nakalilipas nang magkaroon ng giyera sa kanilang bansa kaya naman nagpasya ang kaniyang mga magulang na paliparin siya mula roon patungo rito sa ‘Pinas upang ilayo siya sa panganib.

Natawa si Karam nang magbalik sa kaniyang balintataw ang mga alaalang iyon ng kaniyang nakaraan. Iyong nakaraan na parehong naging kalungkutan niya at kasiyahan…

“Help me, please! Help me!” paulit-ulit noong pakiusap ng labing walong taong gulang na si Karam sa mga taong nagdaraan sa kalsada. Kababa lamang niya noon mula sa taxi, galing sa airport, nang tambangan siya ng tatlong nakatatakot na kalalakihan. Kinuha ng mga ito ang kaniyang mga gamit, kasama na ang kaniyang cellphone, pera at ang papel kung saan nakasulat ang address ng condo unit na dapat ay kaniyang tutuluyan nang mga panahong iyon dito sa Pinas.

Halos malugmok noon si Karam. Naiiyak na siya sa sobrang takot, lungkot at gutom dahil walang ni isang gustong lumapit sa kaniya—hanggang sa mapadaan ang mag-asawang mambabasura na sina Susan at Jomar.

“Toy, bakit ka umiiyak?” tanong ni Susan sa kay Karam na noon ay basang-basa na ng luha ang mukha.

“I-Iʼm sorry I donʼt understand Filipino… Can’t speak Filipino,” sagot naman ng nahihirapang binata.

Nahirapan silang magkaintindihan noong una. Mabuti na lang at talagang matiyaga ang mag-asawa. Matapos maintindihan ang kwento ng nangyari kay Karam ay kinupkop nila ito. Pinakain, inalagaan, minahal, hanggang sa tuluyan na nitong ma-contact ang kaniyang pamilya.

Iyon nga lang, matapos ang pangyayaring iyon ay nahirapan na siyang hanapin muli ang mag-asawang Pinoy na siyang tumulong sa kaniya. Nakailang pabalik-balik na siya sa bansa at nakapagpakasal sa isang Filipina, ngunit talagang nahirapan na siyang hanapin ang mga ito. Napailing na lamang sa pagbabalik-tanaw si Karam. Matapos niyang umasenso ay nagkaroon siya ng magandang buhay kaya naman madalas ay tumutulong siya sa mga Pilipino na nakikita niyang may kaparehong buhay katulad ng mag-asawang tumulong sa kaniya.

Traffic pa rin at napakabagal ng usad ng mga sasakyan, kaya naman kung saan-saan napapatingin noon si Karam—ngunit mukhang iyon pa ang naging daan para mahagip ng kaniyang mga mata ang mag-asawang mambabasura na natutulog sa gilid ng kalsada! Ang mga ito ang noon ay tumulong sa kaniya noon!

“Ate Susan, Kuya Jomar!” tawag niya sa natatandaan niyang pangalan ng mga ito. Matatas na siyang managalog ngayon kayaʼt sigurado na siyang magkakaintindihan na sila.

“K-Karam? Ikaw na ba iyan, Karam?!” gulat na gulat na sabi ni Susan nang makilaka siya nito.

“Ate Susan, ang tagal ko po kayong hinanap! Miss na miss ko po kayo ni Kuya Jomar!” mangiyakngiyak pang kwento ni Karam.

“Diyos ko, salamat po! Ang tatas mo nang managalog, anak. Miss na miss ka rin namin ng Kuya mo,” sagot naman ni Ate Susan.

Nagkayakapan ang tatlo hanggang sa pasakayin na ni Karam sa kaniyang kotse ang mag-asawa. Doon ay mas lalong humaba pa ang kwentuhan nila. Napag-alaman ni Karam na na-demolish pala nang mga panahong iyon ang bahay na tinutuluyan ng mga ito kaya naman nagpalaboy-laboy na lamang ang dalawa sa loob ng ilang taon.

Ngunit hindi na sila magtitiis ngayon…

“Apat na taon na ang lumipas nang bilhin ko po ang bahay na ito. Dito rin po ako tumira ng halos isang taon hanggang sa makumpleto ko na ang pagpapaganda rito… Kasi gusto ko itong iregalo sa inyong mag-asawa na siyang tumulong sa akin noon,” pagsisiwalat ni Karam matapos niyang dalhin sa isang bahay sa isang subdivision ang mag-asawa.

“Karam, anak, sigurado ka ba? I- Ibibigay mo sa amin ito?” gulat at di makapaniwalang tanong naman ni Kuya Jomar.

“Opo, kuya. Please accept it. I owe this to you, really.”

Bukod doon ay binigyan din ni Karam ng trabaho si Kuya Jomar sa kaniyang milk tea shop habang negosyo package naman ang kay Ate Susan. Talagang tuwang-tuwa ang mag-asawa! Higit sa lahat, pinaka-natutuwa ngayon si Karam, dahil bukod sa makakasama na niyang muli ang mga ito ay nasuklian niya pa ang kabutihang ipinakita nila sa kaniya noon, kahit isa siyang banyaga.

Advertisement