Inday TrendingInday Trending

“Okay, guys, ready na tayo. Magte-take na ako!” mahinang bulong ni Ace sa kaniyang maliit na mikropono na naka-connect sa mga bluetooth earphones ng kaniyang team. Siya kasi ang may hawak sa camera at nakatokang kumuha ng video ng kanilang public experiment ngayon.

Isang grupo ng mga kilalang vlogger sa Pilipinas ang team nina Marky. Ngayon ay may special edition sila ng ginagawa nilang ibaʼt ibang klase ng public experiment, dahil naka-isang milyong subscribers na sila. Balak nilang maghanap ngayon ng mga good samaritans na walang kagatol-gatol na tutulong sa batang pauupuin nila sa gilid ng kalsada upang manlimos.

“Copy!”

“Noted ʼyan.”

“Game!”

Ang sunod-sunod na sagot ng kaniyang mga ka-team.

Kumuha sila ng tunay na batang pulubi na inutusan nilang manlimos sa daan. Umupo lamang doon at umaktong nagugutom.

Nagsimula na ang pagrerecord ng pagdaan ng napakaraming tao sa pwesto ng kanilang ksabwat na pulubi, ngunit wala pang lumalapit dito upang tumulong o kahit magtanong man lang kung ayos lang ba ang bata. Ilang minuto na ang lumipas… hanggang sa naging isang oras.

“Kuya Marky, lipat tayo ng pwesto. Walang pumapansin kay Popoy dito,” ang sabi ni Pinky, isa sa staff ni Marky.

“Sige. Justine, maghanap tayo ng bagong location. Paki na lang, thanks,” ang seryoso namang sagot ni Marky. Malaki ang panlulumo niya sa nangyayari ngayon dahil parang walang may pakialam sa bata. Parang nagdadalawang isip siyang i-upload ang ganoong klaseng katotohanan sa kaniyang mga viewers.

“Kuya Marky, may location na tayo, tara!” Sumagot na si Justine, sa wakas.

Sa pagkakataong ito ay sa mas mataong lugar na sila pumwesto. Ulit muli sila sa umpisa.

Doon ay nag-umpisa nang gumanda nang bahagya ang kanilang content dahil may mangilan-ngilang tao nang nag-aabot ng barya sa bata. Iyon nga lang ay hanggang doon na lang.

“Seryoso ba ʼto?” may inis nang bulong muli ni Marky sa kaniyang mikropono. “Wala man lang nagbibigay ng mas maayos na tulong kay Stella!” tukoy niya sa batang pulubing kinuha nila bilang artista.

“Chill ka lang, Kuya Marky. Maghintay pa tayo nang kaunti,” pang-aalo ni Pinky kay Marky na halata na nilang nauubusan ng pasensiya. Alam nila na hindi kayang tagalan ng kanilang Kuya Marky na makita ang ganoong klaseng sitwasyon dahil nga isa itong mabuting tao. Kung maaari nga lang ay ito na ang lalapit kay Stella para siya na lang ang tumulong dito.

Isang oras pa ang muling lumipas at talagang nawawalan na ng pag-asa si Marky—mabuti na lamang at naparaan doon ang isang babaeng may dalang maleta at bag. Nabuhayan ng loob si Marky dahil sa nakita!

“Ayos ka lang ba, bunso?” Nilapitan nito si Stella at tinanong. Agad namang umiling ang bata.

“Bakit? Nagugutom ka ba?” muling tanong ng babae.

“Opo,” kimi at maiksing sagot naman ng kanilang artista.

Doon ay agad na dumukot sa kaniyang bag ang babae at iniabot ang isang balot ng tinapay at packed juice. “Bunso, wala akong kahit ano kundi ito lang. Pero sa ʼyo na ito, ha? Kawawa ka naman, e,” ang sabi nito.

Napakunot ang noo ni Marky sa sinabi ng babae kaya naman minabuti na niyang lumabas upang sabihin dito na public experiment lamang ang lahat. Ipinaalam din niyang tunay na pulubi si Stella.

“Ate, maraming salamat po sa paglapit kay Stella para magbigay ng tulong. Pero pwede ko bang maitanong kung bakit mo nasabing wala kang kahit ano kundi ang tinapay at juice na ʼyan?” tanong ni Marky rito.

“Palaboy lang din po kasi ako…” ang sagot ng babae kay Marky.

Nagulat si Marky sa narinig. “Talaga? Pasensiya ka na. Hindi ako makapaniwalang palaboy ka rin. Malinis ka kasi saka may maleta ka pang dala.”

“Ah. Nakikiligo kasi ako araw-araw sa CR ng isang fastfood chain kapalit ng libreng paglilinis ko ng mga salamin nila. Doon din ako minsan kumukuha ng pangkain dahil inaabut-abutan nila ako, e,” ang nakamamanghang sagot naman ng babae.

“Bakit, wala ka bang trabaho?” si Marky ulit.

“W-wala, e… m-may sakit kasi ako. Isa akong c*ncer patient at inabandona na ako ng pamilya ko,” sagot ng babae.

Doon natulala si Marky. Nagsimulang mag-ulap ang kaniyang mga mata, pati na rin nina Pinky at Justine na nasa kabilang linya.

Kung sino pa ang may mas mabigat na pinagdaraanan, iyon pa ang nakaisip na tumulong sa kapwa.

Talagang naging makabagbag damdamin ang content ng kanilang video ngayong araw, at dahil ito ang nag-iisang good samaritan na kanilang natagpuan ngayon, ito ang magkakamit ng tulong na handang ibigay ng kanilang team.

Anak mayaman si Marky. Bukod sa pagba-vlog ay mayroon siyang ilang negosyo tulad ng printing press, mga computer shops at isang coffee shop. Mayroon din siyang mga studio typed apartments na pinauupahan at doon niya balak patuluyin sina Stella at ang kanilang good samaritan na si Mitch. Pinuno niya ng groceries ang buong apartment na iyon. May magarang mga kagamitan tulad ng TV, DVD, mga gamit sa kusina, kutson, sofa set at iba pa. Binigyan din nila ang mga ito ng damit, sapatos at ilan pang mga personal na gamit.

Samantala, ipinangako ni Marky na pag-aaralin niya si Stella, habang si Mitch naman ay tutulungan nila sa pagpapagamot.

Matapos mai-upload ang video na iyon ay napakaraming netizen ang gustong magpaabot ng tulong sa mga ito!

“Maraming salamat, Marky at sa iyong team!” labis ang naging pasasalamat nina Mitch at Stella sa kanila.

“Hindi po, Ate Mitch. Ikaw dapat ang pinasasalamatan. Ikaw ang tunay na bayani.”

Isang yakap ang iginawad ni Marky at ng kaniyang buong team sa mga ito.

Advertisement