Inday TrendingInday Trending
Sobra ang Galit ng Babae sa Tiyuhin Kaya Nang Pumanaw Ito’y Pinabayaan Lang Niya ang Labi Nito; Pagsisisihan Niya Pala ang Lahat

Sobra ang Galit ng Babae sa Tiyuhin Kaya Nang Pumanaw Ito’y Pinabayaan Lang Niya ang Labi Nito; Pagsisisihan Niya Pala ang Lahat

Inis na inis si Shirley nang malamang ang nilipatan nilang bahay ng kaniyang asawa ay katapat pa ng bahay ng tiyuhin niya. Kinamumuhian niya ang nag-iisang kapatid ng nanay niya na si Tiyo Cuto. Mainit ang dugo niya sa matandang lalaki dahil ito ang dahilan kung bakit maagang pumanaw ang nanay niya, sa sobrang sama ng loob sa kapatid.

Marami kasing bisyo ang tiyuhin niya. Lulong ito sa iba’t ibang uri ng sugal at mahilig ding mambabae kaya sakit sa ulo ito ng kaniyang ina noon. Nang mabalitaan ng nanay niya na nakabuntis ito ng batam-batang dalaga ay inatake sa puso ang kaniyang ina na dahilan ng maaga nitong pagpanaw. Kaya halos isumpa niya ang tiyuhin kapag nakikita niya ito.

“Sa dinami-rami ng puwede nating lipatan, eh dito pa sa malapit sa bahay ng matandang iyon. Kahit kailan ay hindi ka nag-iisip, Donato!” gigil niyang sabi sa mister.

“Pinakamura dito at good buy na rin itong bahay, darling,” sagot sa kaniya ng lalaki.

“Wala akong pakialam kung mura, kahit mahal huwag lang dito sa malapit sa bahay ng buwisit kong tiyuhin! Alam mo naman na ayaw na ayaw kong mapapalapit sa matandang iyon, kumukulo ang dugo ko kapag nakikita ko iyon, eh!” nakasimangot na sabi niya.

Inakbayan naman siya ng mister at pilit na pinakalma.

“Huminahon ka nga muna, darling. Eh, ‘di palagi mong isarado ang pinto at bintana ng bahay natin para kunwari ay walang tao. Saka hindi pa naman alam ng tiyuhin mo na sa tapat ng bahay ka niya nakatira. At kung malaman niya, sigurado namang mahihirapang pumunta iyon dito dahil mahina ang katawan noon, ‘di ba? At hirap na ring makalakad?” wika ni Donato.

“Tse! Bahala ka, basta ayokong makikita ang pagmumukha ng matandang iyon!” nakangusong sabi niya sa mister.

Sa sobrang galit ni Shirley ay nakalimutan na niya na ang ibang kabutihang nagawa sa kanilang magkakapatid ng tiyuhin nila. Tatlo silang magkakapatid na babae na maaga ring naulila sa kanilang ama. Nang pumanaw ang nanay nila ay ang tiyuhing si Tiyo Cuto ang nagpaaral sa kanilang magkakapatid hanggang sa kolehiyo. Kahit mabisyo ang kanilang tiyuhin ay mahal sila nito bilang mga pamangkin. Nang lahat sila ay may diploma na, nalimutan na nila ang mga naging sakripisyo nito sa kanila. Isang araw, nabalitaan nila na iniwan na rin ito ng dalagang nabuntis nito at pumunta ang babae sa ibang bansa kasama ang mga magulang. Mula noon ay hindi na nakita ng tiyuhin nila ang anak. Ang sabi nga nilang magkakapatid ay tama lamang ang ginawa ng babae dahil walang kuwenta nga naman ang tiyuhin nila, maraming bisyo at babaero kaya dapat lang na layasan ito.

Kaya ngayon ay mag-isang naiwan sa lumang bahay nito ang kanilang Tiyo Cuto, walang nais na dumalaw rito lalo na siya na hanggang ngayon ay malaki pa rin ang hinanakit sa tiyuhin niya.

Isang araw, nanlaki ang mga mata ni Shirley nang silipin niya sa bintana kung sino ang kumakatok.

“S-Shirley, Shirley!” sigaw ng Tiyo Cuto niya. Matanda na ito at hirap na hirap nang magtawag pero pilit pa ring nilalakasan ang boses.

Sa inis ay pinagbuksan na niya ng pinto ang matanda. Nakakahiya nga naman kung patuloy itong magsisisigaw sa labas. Baka marinig pa sila ng mga kapitbahay.

“Ang ingay niyo naman! Halika dito sa loob, dali, dali,” sabi niya habang nakabusangot ng mukha. Halos hilahin niya ito sa loob ng bahay niya.

“Shirley!” masayang wika nito, akmang yayakapin siya pero pinigilan niya.

“Ano ka ba tiyo, ang baho mo! ‘Di ka pa yata naliligo!” nandidiring sabi niya.

“Pasensiya na, ayos pala itong bahay na nabili ni Donato, ano? Katapat pa ng bahay ko,” wika ng matanda.

“Paano mo ba nalaman na nandito ako?” taas kilay na tanong ni Shirley.

“Nakita ka ng mga dati nating kapitbahay, iyong si Pepito? Nagtitinda ng inihaw, ‘di nga naniniwalang pamangkin kita, eh. Sabi ko’y oo! Mayaman na ang pamangkin kong iyon kako, kaya nakabili ng bahay na maganda na katapat pa ng bahay ko,” nagmamalaking sabi ng matanda.

“Mura lang naman na nabili ito ng asawa ko. Pinatayo ang bahay na ito ng dating may-ari pero hindi nagawang tirhan dahil naisipan mag-migrate na lang sa Amerika kaya ayon, ibinenta. ‘Di ko naman alam na katapat pala ng lumang bahay mo itong maganda at malaki naming bahay. Well, ano ba talaga ang kailangan mo at naparito ka, tiyo?” sabi niya.

“Wala, gusto lang kitang makita, pamangkin. Ilang taon na rin Shirley, dati eh…”

“Tiyo, marami pa kasi akong gagawin tapos baka umuwi na si Donato nang maaga. Bibisita rin ang mga biyenan ko mamaya, puwede bang sa ibang araw ka na lang magkuwento?” wika niya kahit ang totoo hinihiling niyang huwag nang bumalik ito.

Malungkot na umalis ang matanda. Napangisi naman siya dahil tagumpay ang balak niyang paalisin ito.

Mabilis na nagdaan ang mga araw, laking pasasalamat ni Shirley dahil hindi na nga ito nagpakita sa kaniya. Pero ganoon na lamang ang pagsimangot niya nang mabalitaan na inatake sa puso ang tiyuhin at isinugod sa ospital.

Siya at ang mga kapatid niya ay pare-pareho ang reklamo nang makapunta roon, “Ano ba ‘yan! Istorbo naman!”

Ni wala man lang nalungkot nang pumanaw ang kanilang tiyuhin. Lahat ay problemado, nagpapasa-pasahan kung saan ibuburol ang matanda.

“Ay, hindi puwede samin, kalilipat lang namin ng bahay, malas ‘yan,” wika ni Shirley.

“Hindi rin puwede sa amin, maliit lang ang bahay namin, walang lugar sa pagbuburulan,” sabi ng isa sa mga kapatid niya.

“Lalo naman sa amin, saka baka bukod sa sakit sa puso ay may iba pang nakakahawang sakit si Tiyo Cuto noong nabubuhay pa, mahawa pa ang mga anak ko,” sabad na reklamo ng isa pa.

Ang pinaka-iniisip din nila ay kung sino ang magbabayad sa bill ng ospital, kaya unti-unti ay isa-isa silang nagsi-alisan. Walang may gustong sumalo ng responsibilidad. Nag-uwian sila at iniwan ang katawan ng kanilang tiyuhin sa morgue. Kung mabubulok ito doon o walang aako, wala na silang pakialam.

Lumipas ang ilang linggo, nabalitaan na lamang ni Shirley na nailibing na ang tiyuhin nila. Ibinurol ito sa bahay ng nagmagandang loob na dati nilang kapitbahay na si Pepito, ‘yong tindero ng inihaw na ikinuwento sa kaniya ng Tiyo Cuto niya nang dumalaw ito sa kanila. Ang lalaki ang naging punong abala sa burol hanggang sa pagpapalibing, katulong ang iba pang mabait na tindero sa palengke na naging kaibigan ng tiyuhin niya.

Hindi lamang iyon ang balitang gugulantang sa kaniya dahil nang mapadako siya sa palengke para bumili ng manok at isda ay namukhaan siya ng isa sa mga tindera roon.

“Miss, kilala mo ba si Mang Cuto? ‘Yung matandang inatake sa puso?” tanong ng aleng mukhang tsimosa.

Napasimangot siya.

“A, eh, naku hindi ko kilala iyon. Bakit mo naman naitanong?”

“Nakita ko kasi na pumasok siya sa bahay mo, ilang linggo na rin ang nakalipas. ‘Di ba ikaw yung nakatira doon sa magandang bahay? Ako nga pala si Helga, doon lang ako nakatira sa malapit sa bahay mo. Ang yaman mo siguro, ano? Kasi ikaw ang nakabili nung magandang bahay na iyon, ‘yon lang kasi ang pinakamalaki at magandang bahay sa street natin, eh. ‘Yong iba kasi gaya ng bahay namin, eh, luma na at bulok,” natatawang sabi ng tindera.

“G-ganoon ba? H-hindi ko siya kilala, kumatok lang iyon sa bahay ko at nanghihingi ng pagkain. Dahil may mabuti naman akong puso kaya pinapasok ko sa loob at pinakain,” pagsisinungaling niya.

“Naku, napakabait mo pala kung gayon. Akala ko eh, kilala mo siya, alam mo ba nakakaawa ‘yung matandang iyon. Balita ko, pinag-aral niya ang mga pamangkin pero nang makatapos ang mga iyon ay pinabayaan na nila ang tiyuhin nila at kinalimutan na. Nang atakehin sa puso ang matanda ay ang mga dati pang kapitbahay at kaibigan dito sa palengke pa ang nagmalasakit kaysa sa mga walang kuwenta niyang pamangkin. May nakapagsabi rin sa akin na dati daw siyang lulong sa sugal at babaero pero matagal na raw nagbago at pinagsisihan ang mga nagawa noon kaya nga napakasuwerte ng mga tumulong sa kaniya dahil sa kanila napunta ang malaking pera na naipon ng matanda sa bangko,” hayag ng tindera.

“A-ano?!” gulat na sambit ni Shirley.

“Oo, may malaking perang naipon si Mang Cuto sa bangko at nagkakahalaga raw iyon ng tatlong milyong piso. Bukod daw sa personal na ipon ay nakuha raw ng matanda ang malaking halagang iyon sa dati niyang pinagtatrabahuhan nang magretiro siya roon. Nakalagay raw sa last will and testament ni Mang Cuto na dapat ay sa mga pamangkin ibibigay ang naiwan niyang pera ngunit sa isang kundisyon, kung ang mga ito ang mag-aasikaso sa kaniya kapag siya ay namat*y pero kung hindi ay ibibigay ang lahat ng kaniyang mga pinaghirapan sa kung sino man ang mag-aasikaso sa kaniyang burol at libing, kaya kay Pepitong tindero ng inihaw at sa mga kaibigan niyang tindero iniwan lahat ng pera ng matanda dahil pinabayaan ng mga pamangkin ang kaawa-awang si Mang Cuto. May nakarating din sa akin na tsismis na sa naging anak din daw niya dapat ibibigay ang mana pero sa kasamaang palad ay binawian na raw ito ng buhay sa ibang bansa,” bunyag pa ng tsimosang tindera.

Sa natuklasan ay laking pagsisisi ni Shirley. Nang ipamalita niya ito sa mga kapatid niya ay napamura na lang sa panghihinayang ang mga ito. Napagtanto nila kung gaano sila kawalang kuwentang pamangkin na mas naging tunay na pamilya pa ang ibang tao kaysa sa kanilang mismong mga kadugo ng tiyuhin nila.

Advertisement