Inday TrendingInday Trending
Palaging Nabubuntis ng Lalaki ang Asawa Kaya Ikinagalit Iyon ng Kaniyang Biyenan at Pinayuhan Siya; Sundin Niya Kaya Ito?

Palaging Nabubuntis ng Lalaki ang Asawa Kaya Ikinagalit Iyon ng Kaniyang Biyenan at Pinayuhan Siya; Sundin Niya Kaya Ito?

Isang taong nang nanliligaw si Tupe kay Nadia. Naiinip na nga siya at atat na sa matamis na oo ng babae.

“Nakapanggigigil! Sagutin lang ako nito, paliliguan ko ito ng halik mula ulo hanggang paa,” sambit ng lalaki sa isip habang kaharap ang nilligawan.

“O, ba’t ganyan ang pagkakatitig mo sa akin, aber?” nakasimangot na tanong ni Nadia sa kaniya.

Walang anu-ano’y biglang hinalikan ni Tupe sa labi si Nadia. Masuyo at puno ng pananabik. Dahil mahal din naman ng babae ang lalaki ay pinabigyan nito at sinuklian pa ng mas matamis na halik ang labi ng manliligaw.

Sa mga oras na iyon ay isa lang ang ibig sabihin ng mga halik na iyon. Tinatapos na niya ang matagal nang paghihintay ni Tupe. Ganap na silang magkarelasyon.

Masyadong nakalimot ang dalawa sa kanilang limitasyon at dahil sa pagiging agresibo ni Tupe sa nobya, ilang buwan lang ay nagkaroon na ng bunga…

“T-Tupe…b-buntis ako,” naluluhang sabi ni Nadia.

“Ha?!”

Laking gulat ni Tupe nang sabihin ng nobya na nagdadalanao ito. Iyon ng bunga ng kanilang kapusukan.

Sa nangyari ay wala silang nagawa kundi harapin ang maagang pagharap sa buhay mag-asawa dahil napagkasunduan ng kanilang mga magulang na sila’y ikasal.

“Apat na buwan pa lamang na magkasintahan ang dalawang iyan pero kay aga naman ng kasalan,” bulong ng isang babaeng tsismosa sa simbahan habang ginaganap ang kasal nila.

“Napakabilis naman niyang si Tupe, nagkalaman agad ang tiyan ni Nadia. Paano pa kaya kung makapanganak iyan? Siguradong may kasunod ulit,” natatawang sabi naman ng isa pa.

Nang maging mag-asawa na sina Tupe at Nadia ay tipong nagkakasundo naman ang dalawa sa mga bagay-bagay lalo na sa kama.

“O, dahan-dahan lang, honey, baka sipain ka ng anak mo,” natatawang sabi ni Nadia nang subukan siyang g*lawin ng mister.

“Hayaan mo nga siya. Napakabango talaga ng misis ko, umm,” nakangising tugon ni Tupe sabay halik sa pisngi ng asawa.

Kahit nagdadalantao ay pinapanay-panay pa rin ng lalaki ang kaniyang misis. Ang sabi ay puwede pa rin naman basta maingat lang daw. Napakatinik talagang mister ni Tupe, ‘di ba?

Hanggang sa isinilang ni Nadia ang malusog na sanggol na lalaki. Ang panganay nila ni Tupe.

“Uy, kyut kyut ng beybi natin!” tuwang-tuwang sabi ng lalaki habang karga-karga ang anak at pinipisil-pisil ang pisngi nito.

“O, huwag mo namang hawakan nang ganyan sa pisngi ang bata at sensitibo pa ang balat niyan,” wika ng misis.

Maingat na inilapag ni Tupe sa kama ang sanggol at biglang hinaplos ang pisngi ni Nadia.

“Eh, ‘di ikaw na lang ang hahaplusin ko, will you believe honey, ma-appeal ka pa rin kahit bagong panganak,” nakangising sabi ng mister.

“Tse! Tigilan mo nga ako!” sagot ni Nadia.

Ngunit hinagkan siya ni Tupe sa pisngi at may ibinulong.

“Diyos ko naman, Tupe!” malakas na sabi ni Nadia.

Nang maging mag-asawa sila, ang tingin ni Tupe kay Nadia ay laging hinog na mangga, kaya nga gumagapang pa lang ang panganay nila ay…

“N-nahihilo yata ako, Tupe. P-parang gusto kong masuka,” sambit ni Nadia.

“Ano? T-teka, b-baka…” gulat na sabi ni Tupe nang malamang nahihilo at nagsusuka ang misis makalipas ang ilang buwan.

Nang magpatingin sila sa doktor ay hindi na siya nagkamali sa kutob niya.

“On the way ang misis mo, Mr. Reyes. She is pregnant,” wika ng doktor.

“Na naman?” gulat na sabi ng biyenan niyang si Aling Guding at doon na niya narinig ang mala-armalight na bibig nito.

“Aba, aba! Tupe, baka ang balak mo’y mag-poultry kayo ni Nadia. Aba’y isipin mo muna ang magiging kinabukasan ng pamilya mo kung saka-sakali! Ni hindi pa natututong lumakad ang apo ko’y may kasunod na, alalahanin mo Tupe, tao ang anak mo, hindi sisiw! Kaya mo bang buhayin ang susunod mo pang mga anak eh, ang liit lang ng suweldo mo bilang service crew sa restawran! Hmp!” malakas na sambit ng may edad na babae.

Sa mga sinabi ng biyenan ay nagkibit-balikat lang si Tupe at hindi iyon pinansin. Ano bang karapatan nito na pagsalitaan siya tungkol sa paggawa nila ng anak ng kaniyang asawa? Anong masama, eh nagmamahalan naman sila ni Nadia? Mahal na mahal niya ang misis kaya sila palaging nagkaka-anak, ‘di ba, iyon naman ang importante?

Mabilis na lumipas ang mga buwan at isinilang na ni Nadia ang pangalawa nilang anak na isang sanggol na babae ngunit isang araw ay muli na namang humirit si Tupe.

“Isang buwan na si Beybi Jenny, honey b-baka puwede na siguro tayong…”

“Ha? T-teka muna, Tupe…” gulat na sabi ni Nadia.

Mabuti na lang at naroon ang kaniyang biyenan.

“I-inay? Ba’t dito kayo sa kuwarto namin naglalatag?” tanong ni Tupe.

“Bakit? Masama bang tabihan ko ang panganay mo? Mabuti’t may titingin kung sakaling mababasa ng ihi sa pagtulog. Bakit, may angal ka?” sagot ni Aling Guding.

Hindi na nakaangal pa si Tupe. Alam niyang hindi iyon ang dahilan kung bakit gustong matulog doon ng biyenan niyang babae sa kuwarto nilang mag-asawa.

“Masyadong pakialamera! Pati ang buhay naming mag-asawa’y gustong panghimasukan,” inis na bulong niya sa isip.

Kinaumagahan ay kinausap ni Nadia ang ina tungkol sa ginawa nito.

“Akala mo ba inay ay hindi ko alam kung ano ang plano niyo? Kung bakit doon kayo natulog sa kuwarto naming mag-asawa ay dahil gusto niyo kaming bantayan. Inay naman, hindi niyo na dapat gawin iyan,” wika ng babae sa ina.

“Aba’t ako pa pala ang masama? Ang sa akin nama’y para lamang matuto ang asawa mo ng tamang pagpa-plano ng pamilya, pero kung ang mabuting hangad ko sa inyo’y mamasamain niyo pa, eh ‘di sumige kayo sa kagustuhan niyo!” tugon ni Aling Guding.

At buhat noon ay hindi na nga nakialam pa ang biyenang babae sa buhay nilang mag-asawa. Ngayon ay buntis na naman si Nadia sa pang-apat na nilang anak ni Tupe. Mukha na rin siyang losyang dahil napabayaan na rin niya ang kaniyang sarili.

“O, bakit tila malungkot ka yata?” tanong ni Tupe nang umuwi ito galing sa trabaho. Naabutan pa nito na habang nagluluto siya’y nagpapad*de pa siya ng bata.

“N-naisip ko lang, ganito bang talaga ang buhay may asawa? Laging malaki ang tiyan, laging nakatali sa bahay at mga anak. Ni hindi ko na nararanasan ngayong mamustura para mamasyal man lang sa labas,” naluluhang sabi ni Nadia.

Parang binuhusan ng malamig na tubig si Tupe. Tinitigan niya ang asawa, at nakita niya sa loob ng nakalipas na ilang taon na malaki ang ikinupas ng ganda nito. ‘Di na gaya ng dating naroon ang buhay at sigla sa anyo ni Nadia. Sa lilipas pang mga taon, para niyang nakini-kinitang sa pagdami ng kanilang anak na sinasabi niyang bunga ng kaniyang pagmamahal sa asawa, unti-unting mabubura ng paghihirap ang natitira pang kagandahang iyon ng misis niya. Sa naisip ay ‘di napigil ni Tupe ang awang kamay niya na humaplos sa ‘di halos nasasayaran ng suklay na buhok ni Nadia.

“H-honey, patawarin mo ako. A-ang mabuti pa’y maligo ka, magmake-up at isuot mo ang pinakamaayos mong damit. Kakain tayo sa labas, isama natin ang mga bata. Ipinapangako ko sa iyo na simula ngayon ay magpa-plano na tayo nang tama para sa ating pamilya. Tama si inay, dapat ay sinunod na natin ang payo niya dati,” hayag niya sa misis.

Mula noon ay hindi na nasundan pa ang mga anak nila ni Nadia. Nang malaman iyon ng biyenan niyang si Aling Guding ay laking tuwa nito. Sa wakas ay napagtanto rin ng manugang ang kahalagahan ng maayos na pagpa-plano ng pamilya at pagiging responsableng ama at asawa.

Advertisement