Inday TrendingInday Trending
Sa Kabila ng Estado sa Buhay ay Tinanggap ng Dalaga ang Mahirap na Nobyo; Napakasuwerte Pala Niya Rito

Sa Kabila ng Estado sa Buhay ay Tinanggap ng Dalaga ang Mahirap na Nobyo; Napakasuwerte Pala Niya Rito

Tatlong taon nang magkasintahan sina Karina at Eljohn. Sabay din silang gumradweyt ng kolehiyo at pareho pa sila ng natapos na kurso, ang business administration. Mahilig ang dalawa sa pagnenegosyo kaya nagkakasundo sila.

Nagmula si Karina sa mayamang pamilya. Nagmamay-ari ng isang kilalang pagawaan ng mga sapatos ang mga magulang ng dalaga. Si Eljohn naman ay simpleng binata na nagbebenta ng mangga at pinya sa palengke. Ang mga magulang ng binata ay parehong OFW kaya mag-isa lamang ito sa tinitirhang bahay. Bilib na bilib nga ang dalaga sa binata dahil nagawa nitong makapagtapos sa pribadong unibersidad kahit mahirap lang ito, iyon ay dahil matalino ito at nakakuha ng scholarship.

Ipinagtataka nga ni Karina kung bakit sa tagal ng pagsasasama nila ng nobyo ay hindi pa rin siya dinadala sa bahay nito. Ni hindi pa siya nito ipinakikilala sa mga magulang na OFW. Palaging sinasabi ng binata na magulo raw sa tinitirhan nitong bahay at hindi pa naaayos. Nahihiya raw itong papuntahin doon ang nobya sapagkat hindi nga sanay ang dalaga sa hindi maayos na lugar. Palagi rin daw busy ang nanay at tatay niya sa abroad at walang panahon na maipakilala siya sa mga ito.

Isang gabi ay dinalaw siya ng nobyo sa kanilang bahay ngunit habang ineestima niya ito sa sala ay hindi naman naalis ang simangot sa mukha ng nanay niya.

“Bakit narito na naman ang lalaking iyan, anak?” inis na tanong ng ginang.

“‘Ma, maayos po na pumunta rito si Eljohn. Hindi niyo po ba gusto iyon? Dito sa bahay niya ako dinadalaw?” sagot niya sa ina.

“Kahit kailan ay hindi ko matatanggap ang lalaking iyan sa pamamahay na ito!” malakas na sabi ng nanay niya na imposibleng hindi marinig ng nobyo na nasa sala habang silang mag-ina ay nasa kusina.

“‘Ma naman! Napag-usapan na natin iyan, ‘di ba? Mahal ko si Eljohn, siya lang ang lalaking gusto kong makasama habang buhay. Nasa tamang edad na kami at kung yayayain niya akong pakasal ay hindi ako tatanggi,” tugon niya.

Mas lalong nanlaki ang mga mata ng kaniyang ina.

“Susmaryosep ka, anak! Gusto mo talagang mamat*y ako nang maaga, ano? Ano na lang ang sasabihin ng papa mo kapag nalamang may balak kang pakasalan ang hampaslupang iyan? Ano ang ipapalamon niyan sa iyo? Eh, hamak lang na tindero ng prutas sa palengke ang lalaking iyan! Nasabing nakagradweyt sa magandang unibersidad dahil lang naman sa scholarship, pero ano ang narating ng natapos niya? ‘Di ba sa pagtitinda pa rin bumagsak?” saway ng ina.

“Ang hindi ko maintindihan ay kung bakit iyan palagi ang mahalaga sa inyo? Ang estado sa buhay ng isang tao? Na porket mahirap ay ganyan niyo na lang mata-matahin, nagsisikap iyong tao at nagtapos din ng pag-aaral para maging matagumpay sa buhay. Ginagawa niya ang lahat para maipakita sa inyo na malinis ang hangarin niya sa akin. Anong masama kung nagtitinda lang siya ng prutas? Marangal na trabaho iyon, ‘ma!” pagtatanggol niya sa nobyo.

Tinaasan lang siya ng kilay ng mama niya.

“Hala sige, matigas ang ulo mo, eh ‘di sumige ka! Tingnan ko lang kung saan ka dadalhin ng p*nyetang pagmamahal na iyan! Tandaan mo na hindi ka sanay sa dukhang pamumuhay, kapag naranasan mo na ang paghihirap kasama ang lalaking iyan ay sasabihin mo ring tama ako,” hayag pa ng ina.

Hindi na niya sinagot pa ang ina at dali-daling pumunta sa sala at hinila palabas ng kanilang bahay ang nobyo.

“O, s-saan tayo pupunta?” nagtatakang tanong ng binata na kakamot-kamot pa sa ulo.

“Hindi tayo tanggap dito, mahal. Pupunta tayo sa lugar na tanggap ang pagmamahalan natin o kahit saan, basta makaalis lang tayo sa lugar na ito,” inis niyang sagot kay Eljohn.

‘Di naman siya pinigilan ng binata at mabilis itong sumunod sa kaniya. Nagtataka pa rin ito kung bakit sila basta na lang umalis sa kanila. Pumara ng taxi ng nobyo niya at doon sila sumakay. May sinabing address ang binata sa drayber ngunit hindi niya alam kung saan iyon.

“S-saan tayo pupunta?” tanong ng dalaga.

“Di ba sabi mo gusto mong pumunta sa lugar na tanggap ang pagmamahalan natin? Pwes, doon tayo pupunta, mahal ko,” sagot ng nobyo.

Napangiti si Karina dahil baka sa bahay na nito siya dadalhin ng binata. Ito na yata ang oras na makikita niya kung saan ba talaga ito nakatira. Naiisip din niya na baka nasa Pilipinas na ang mga magulang ni Eljohn at ipapakilala na siya sa mga ito. Mas pinamulahan siya ng pisngi nang sumagi rin sa isip niya na yayayain na siya nitong pakasal sila. Nakaramdam ng kakaibang kilig ang dalaga. Wala siyang pinagsisisihan na minahal ang tulad ni Eljohn na kahit mahirap ay mabuting tao. Napakasuwerte nga niya rito dahil may pangarap ang binata para sa kanilang dalawa kaya nga nagdodoble sikap ito sa pagtatrabaho para sa kinabukasan nila. Bukod sa responsableng lalaki ay malaki rin ang respeto nito sa kaniya bilang babae, hindi ito tulad ng ibang mayayamang lalaki na akala mo’y kaya nang bilhin ang lahat.

Ilang minuto lang ay tumigil sila sa isang napakalaking bahay. Pagkatapos nilang bumaba sa sinakyang taxi ay agad silang tumapat sa malaking gate. Maya maya ay bumukas iyon at sinalubong sila ng isang may edad na kasambahay.

“Good evening, sir. Kanina pa po kayo inaantay si senyora,” sabi nito.

“Salamat po, Manang Pasing,” magalang na sagot ni Eljohn saka inakay na siya sa loob.

Sa oras na iyon ay parang lutang si Karina. Hindi niya alam kung ano ang iisipin. Bakit siya dinala roon ng nobyo? Napakalaki at napakaganda ng bahay na iyon at kilala pa ito ng kasambahay.

“T-teka, bakit ba ako dinala rito ni Eljohn? Bakit kilala niya ang mga tao rito?” sunud-sunod na tanong ni Karina sa isip.

Ang alam niya ay laki sa hirap ang kaniyang nobyo pero bakit narito sila ngayon sa lugar ng mayayaman na gaya ng mundong kinabibilangan niya?

Iginiya siya nitong maupo sa sala. Maya maya pa ay may may edad na babae na lumapit sa kanila.

“Aba, siya na ba ang sinasabi mo sa akin, Eljohn? Napakaganda mo naman, hija, nice meeting you,” hinalikan pa siya sa pisngi ng ginang na mukhang may sinasabi sa lipunan dahil sa pananamit nito.

Naguguluhang napatingin siya sa nakangiting nobyo, gusto niyang mawalan ng malay sa oras na iyon. Pinaglalaruan ba siya ni Eljohn?

“Pasensiya ka na, hija. Hindi talaga sinasabi ng anak kong si Eljohn ang tunay na estado niya sa buhay sa iba, lalo na sa babaeng mamahalin niya dahil gusto niyang mahalin siya ng babaeng mapupusuan niya ‘di dahil sa estado niya kundi dahil sa kung ano siya, kung ano ang pagkatao niya. Namana niya ang ugaling iyan sa kaniyang papa. Alam mo ba na ako’y galing din sa hirap? Ngunit minahal ako nang totoo ng kaniyang ama na nagmula sa mayamang angkan. Parehong-pareho sila ng papa niya na hindi sinusukat ang pagkatao ayon sa katayuan sa buhay. Kung nabubuhay lamang siya ngayon ay tiyak na magugustuhan ka rin niya, hija,” hayag ng ginang.

“Gaya mo mama, ay napakabuting babae nitong si Karina. Wala na akong mahahanap na mas higit pa sa kaniya kaya ikaw ang saksi sa gagawin kong ito, mama,” wika ni Eljohn na biglang lumuhod sa harap ng nobya at inilabas pa ang isang mamahaling singsing.

“Alam kong ikaw na tamang babae para sa akin, Karina. Ikaw na ang nais kong makasama, mahal na mahal kita. Humihingi ako ng tawad kung inilihim ko sa iyo ang tunay kong pagkatao, pero hindi naman lahat ng iyon ay peke. Totoo ang sinabi ko sa iyo na OFW ang mga magulang ko. Si mama ay dating domestic helper sa Saudi at ang aking ama ay dating inhinyero sa Amerika. Kahit lumaki siya sa marangyang buhay ay mas pinili ni papa noon na tumayo sa sarili niyang mga paa at hindi umasa sa pera ng aming angkan. Bigyan mo ako ng pagkakataon na mapatunayan pa sa iyo ang pag-ibig ko, will you marry me?” sinserong sabi ng binata.

Sa sandaling iyon ay tila napako sa kinauupuan niya si Karina. Kahit ang dila niya ay umurong sa lahat ng natuklasan niya sa pagkatao ng nobyo.

Nang hindi siya makasagot ay muling nagsalita ang ina ni Eljohn.

“Sagutin mo na ang anak ko, hija. Hinding-hindi mo pagsisisihan kung siya ang mapapangasawa mo. Napakasipag ng anak kong ‘yan at napakamadiskarte. Gaya ng asawa ko’y nagawa rin niyang tumayo sa sariling mga paa at hindi umasa sa salapi ng kaniyang ama. Kumuha siya ng scholarship at nagtinda ng prutas sa palengke para makatapos sa kolehiyo at isa pa, palagi niyang sinasabi sa akin na mahal na mahal ka niya, hija,” sabad ng ginang.

Napag-alaman din ni Karina na bukod sa pagtitinda ng nobyo sa palengle ay nagmamay-ari rin ito ng malaking kumpanya na ipinamana rito ng yumaong ama.

Sa kaniyang mga nalaman ay ano pa nga ba ang iniintay niya? Wala na siyang makikitang katulad ni Eljohn. Napatunayan na rin naman nito ang sarili sa kaniya kaya sigurado na siya sa isasagot niya.

“Yes, Eljohn…I will marry you. Wala ka nang dapat na patunayan pa sa akin dahil matagal mo nang ipinakita at ipinaramdam sa akin na mahal mo ako at mahalaga ako sa iyo. Mahal na mahal din kita. Para sa akin, ikaw rin ang gusto kong makasama ko sa habang buhay,” aniya.

Walang pagsidlan ang kasiyahan ni Eljohn sa pagsagot sa kaniya ni Karina. Pagkaraan ng dalawang araw ay nagpakasal na ang dalawa at nang mabalitaan ng mama at papa ni Karina ang tungkol sa tunay na katauhan ng kaniyang asawa ay ‘di makapaniwala ang mga magulang niya na mas mayaman pa ang mister kaysa sa mga ito.

Maligaya si Karina dahil nakilala at napangasawa niya si Eljohn na masipag, matiyaga, at marespeto gayundin naman ang lalaki na napakasuwerte na siya ang naging misis dahil sa pagkakaroon niya ng busilak na puso, na hindi tumitingin sa katayuan nito sa buhay.

Advertisement