
Lumipat ang Magdyowa sa Apartment na Katapat ng LRT; May Dahilan Pala Kung Bakit Doon Sila Tumira
Ilang buwan nang magkarelasyon sina Sonny at Hilary at nagsasama na rin sila sa iisang bubong. Sa araw nga na iyon ay ipinagdiriwang din nila ang kanilang monthsary.
Masayang-masaya naman si Hilary dahil bagong lipat sila ng nobyo sa isang bago at malaking apartment.
“O, sweetheart, okey na ba sa iyo ito? Talagang ang lugar na ito ang pinili ko para sa ating dalawa,” wika ni Sonny.
“Wow, ang laki at ang ganda naman dito, sweetheart! Kumpara dun sa dating apartment, eh, mas gusto ko rito. Napakabait mo talagang boyfriend, sweetheart,” tuwang-tuwang sagot ng kinakasama.
“Mabuti naman at nagustuhan mo. Gusto ko kasi ay umiba tayo ng lugar. Magulo at maingay dun sa dati nating apartment, at least dito ay tahimik.”
Nang may mapuna si Hilary sa bintana…
“Ang lapit pala nitong apartment sa LRT, halos gilid lang, kitang-kita ang nagdaraan.”
“Oo, katapat nga lang natin ang LRT. Huwag kang mag-alala, puwede mo namang isara palagi ang bintana upang hindi mo marinig ‘yan,” wika ni Sonny.
“Sa bagay, kapag isinara ko na itong double-hung window eh, hindi ko na maririnig ang ingay na manggagaling sa LRT,” sagot ni Hilary.
“Maghanda ka na, sweetheart, at sa lalabas tayo kakain. Ise-celebrate natin ang monthsary natin,” malambing na sabi ni Sonny sabay halik sa pingi ng kinakasama.
Kinilig naman ang babae.
“Ay, ang sweet mo talaga. Sige, magbibihis na ako. Intayin mo ako, okey?” nakangising tugon ni Hilary.
Kinaumagahan, nagpaalam na si Sonny kay Hilary na papasok na sa trabaho. Magiliw namang inasikaso ng babae ang lalaki bago ito umalis. Ipinaghanda ito ng agahan at pinabaunan para hindi magutom sa opisina. Nang makaalis ay dumungaw muna sa bintana si Hilary para tingnan kung talagang nakalayo na si Sonny. Maya maya ay kinuha niya ang selpon at may pinindot na numero.
“Hello, punta ka dito sa bago naming apartment. Text ko sa iyo ang address. Intayin kita dito ha?” sabi niya sa kausap niya sa kabilang linya.
Matapos ang tawag na iyon ay agad siyang naghanda para maligo. Inilabas din niya ang pinakaseksi niyang damit at halos ubusin ang pinakapaboritong pabango sa buo niyang katawan.
‘Di nagtagal ay may kumatok sa pinto at nang buksan niya iyon ay mas lalong lumapad ang ngiti niya dahil hindi siya binigo ng kausap niya kanina sa selpon.
“Mabuti naman at dumating ka, darling. Hindi ka ba nahirapang hanapin ang address ng bago naming apartment?” malambing niyang sabi sa lalaking bagong dating na agad na hinalikan siya sa labi.
“Hindi naman, darling. Malapit lang din pala ito sa dati niyong apartment,” sagot ng lalaki.
Walang kaalam-alam si Sonny na may ibang lalaking kinakalantari si Hilary, iyon ay walang iba kundi si Polo. Ang number 2 sa buhay ni Hilary. Nakilala niya ang lalaki sa peysbuk, natipuhan niya dahil mas bata at mas magaling sa kama kaya may lihim din sila nitong relasyon.
“O namiss kita, darling. Ano pang hinihitay natin? Atat na ako sa iyo, para makarami tayo,” sabik na sabik na sabi ni Polo na niyaya na niya sa kama.
Ilang oras silang nagpakalunod sa kaligayahan. Pagkatapos ay nagpaalam na rin ito at sinabing tatawagan na lang o itetext kung kailan ulit puwedeng pumunta.
Kinagabihan, sila naman ni Sonny ang nagpakaligaya.
“Alam mong hindi ako mahilig sa ibang babae, sweetheart ‘di ba?” wika ng lalaki habang masuyo siya nitong hinahalikan.
“Oh, alam ko iyon, sweetheart kaya nga mahal na mahal kita,” sagot ni Hilary.
“K..kaya huwag mo akong lolokohin, Hilary…” sambit pa ni Sonny.
“O-oo, S-Sonny. H-hinding-h-hindi,” nauutal na tugon ng kinakasama. Na sa isip ay nag-aalala na baka matuklasan ng lalaki ang lihim niya.
Lingid sa kaalaman ni Hilary ay may hinala na sa kaniya si Sonny na mayroon siyang ibang lalaki. Humahanap na lamang ito ng tamang tiyempo para mahuli ang dalawa.
Kinaumagahan, habang nasa opisina ay malalim ang iniisip ni Sonny.
“Malaki na ang nagagastos ko kay Hilary. Napabayaan ko ang sarili kong pamilya, ang aking mag-iina dahil sa kaniya. Kapag napatunayan kong inaahas ako ng ibang lalaki, tapos na ang lahat sa amin. Ibabalik ko siya sa kangkungang pinanggalingan niya,” sambit niya sa isip.
Oras na ng uwian. Paglabas niya sa opisina ay sumakay siya sa LRT. Sa bintana siya pumuwesto at tila may inaabangan doon.
Ilang minuto lang ay umakyat ang kaniyang dugo sa ulo nang makita mula sa kinaroroonan niya ang bintana ng kanilang apartment. Mula kasi roon ay tanaw na tanaw niya ang kuwarto nila ni Hilary.
“Sinasabi ko na nga ba, tama ang kutob ko! May kasama siyang ibang lalaki!” gigil niyang sabi nang makita sa bintana ang kinakasama at ang lalaki nito na tila may ginagawang kung ano.
Nakalimutan naman ng gag*ng Hilary na isara ang kurtina sa bintana, huli tuloy ang kalokohan niya.
Laking gulat ng babae at ni Polo nang biglang bumukas ang pinto ng kuwarto at lumitaw ang galit na galit na si Sonny.
“S-Sonny!” gulat na gulat na sabi ni Hilary na hindi nakakilos nang dumating siya.
“Tama ang plano ko na dito sa kuwartong katapat ng LRT tayo lumipat para huling-huli ko ang kataksilan ninyo!” singhal niya sa dalawa.
Nagmakaawa sa kaniya si Hilary na hindi na uulit at nadala lang sa tukso ngunit wala na siyang balak pang pagbigyan ang babae. Tapos na ang kahibangan niya, gagawin na niya kung ano ang tama na dapat ay matagal na niyang ginawa. Hinarap niya si Hilary, pinigil ang damdamin.
“Tinatapos ko na ang lahat sa atin, Hilary. Wala akong mapapala kung pap*t*yin ko kayo ng kalaguyo mo, magiging krim*nal lang ako at ayokong mangyari iyon. Puputulin ko na ang ating relasyon at babalik na ako sa aking pamilya. Sana ay mapatawad pa nila ako sa lahat ng kasalanan ko sa kanila nang dahil sa pagpili ko sa iyo noon. Mula ngayon ay binubura na kita sa buhay ko, kayo na ng lalaki mo ang magbabayad nitong apartment dahil pati sustento ko sa iyo ay inaalis ko na,” hayag ni Sonny na nilisan na ang lugar na iyon.
Lulugu-lugo ang dalawang taksil na sina Hilary at Polo. Namomroblema sila kung saan nila kukunin ang pambayad sa apartment gayong pareho silang walang trabaho. Laking pagsisisi ni Hilary na pinakawalan at niloko ang tulad ni Sonny.
Sa ngayon ay balik sa pinagtatrabahuhang club si Hilary bilang mananayaw. ‘Di nagtagal ay kinalasan na rin siya Polo dahil nagsawa na sa kaniya ang lalaki. Tama nga ang sinabi ni Sonny, bumalik siya sa kangkungan kung saan siya nanggaling. Balik siya sa hirap.
Samantala, sa pagbalik ni Sonny sa kaniyang mag-iina ay nagawa pa rin siyang tanggapin at patawarin ng mga ito. Nagsisisi at nangako siya na hindi na muling magkakamali at kakalimutan na ang masamang panaginip na kasama si Hilary.