Isinauli ng Dalaga ang Bag na may Lamang Limpak-Limpak na Pera sa Babaeng May-Ari; ‘Di Inaasahang Gantimpala ang Ibibigay Nito sa Kaniya

Pang walong pag-a-apply na sa trabaho ni Juliet subalit tila napakailap sa kaniya ng suwerte. Palaging walang bakante sa mga posisyong inaaplayan niya o ‘di kaya ay hindi talaga siya natatanggap kaya sa isip niya ay napakamalas niya.

Bigla siyang napatingin sa kaniyang pitaka at laking panlulumo niya nang makita kung magkano na lang ang nasa loob niyon.

“Dalawang daan? Kulang pa ito sa pangkain at pamasahe ko pabalik sa amin,” mahina niyang bulong sa isip habang malungkot na pinagmamasdan ang kakarampot na pera sa pitaka niya.

Nakakaramdam na rin siya ng gutom, hindi pa kasi siya kumakain ng agahan. Dahil hindi na niya matiis ang pagkalam ng kaniyang sikmura ay binawasan niya ang pera sa pitaka at bumili ng makakain. Isang pirasong sandwich at isang bote ng tubig na lang ang binili niya. Pinagkasya na lang niya para may pamasahe pa siya sa pag-uwi.

Pagkatapos kumain ay dumaan muna siya sa maliit na kapilya at nanalangin. Ipinagdasal niya na sana ay suwertehin na siya sa huli niyang interbyu sa araw na iyon. Kailangan niya talagang makahanap ng trabaho. May sakit sa bato ang nanay niya na nagda-dialysis, kakarampot din ang kita ng tatay niya sa pamamasada ng taxi. Ang nakatatanda naman niyang kapatid na lalaki ay service crew lang sa isang fast food chain. Ang hirap ng buhay nila kaya dapat ay makatulong na siya sa mga gastusin.

Laking pasasalamat niya dahil nakapagtapos siya sa kolehiyo. Nakakuha siya ng scholarship kaya wala siyang binayaran na kahit na ano. Pursigido talaga siyang maiahon mula sa kahirapan ang kaniyang pamilya kaya ginawa niya ang lahat para makapagtapos sa pag-aaral.

“Diyos ko, Kayo na po ang bahala sa akin. Malaki po ang maitutulong nito kina nanay kapag nagkaroon na ako ng trabaho,” malungkot niyang bulong sa sarili.

Habang naglalakad ay bigla na lamang siyang tinawag ng kalikasan, kahit anong pigil niya ay hindi na niya kaya pa.

Advertisement

“Kung kailan nagmamadali na ako saka pa umatake itong pantog ko,” inis niyang sabi.

Dahil hindi na niya mapigilan ay dumaan muna siya sa mall at dumiretso sa palikuran para umihi. Pagkatapos niyon ay nag-ayos muna siya ng sarili para sa huli niyang interbyu. Habang nagsusuklay ng buhok at nakaharap sa salamin ay napansin niya ang isang may edad na babae na nagsusuklay rin ng buhok sa may kanan niya. Napatingin pa nga sa kaniya ang babae at nginitian siya nito. Kahit hindi niya ito kilala ay sinuklian din niya ng ngiti ang ale. Maya maya ay nagmamadali na rin itong lumabas sa palikuran. Wala pang ilang minuto na nakalabas ang may edad na babae ay nakita niya na may naiwan itong maliit na bag sa tabi ng lababo.

“Aba, naiwan yata nung babae itong bag!” gulat niyang sabi.

Mabuti na lang at mag-isa lang siya sa loob ng palikuran sa mga oras na iyon. Dahil sa kuryosidad ay naisip niyang tingnan ang loob ng maliit na bag. At nanlaki ang mga mata niya, naglalaman iyon ng maraming pera!

“Wow, napakalaking halaga naman nito! Sa halagang ito ay tapos na ang problema ko,” nakangisi niyang sambit sa sarili.

Sa dami ng pera na nakalagay sa loob ng bag ay siguradong tapos ang problema niya sa pinansyal, may pampa-diyalysis na ang nanay niya sa malaking halagang iyon pero hindi siya ganoong klaseng tao. Hindi niya ugali ang mang-angkin ng bagay na hindi sa kaniya.

Napansin din niya na mayroong mga ATM, credit cards, at ID rin sa loob ng maliit na bag. Nang tingnan niya ang ID ay hindi nga siya nagkamali, ang babae kanina na kasama niya sa palikuran ang nagmamay-ari niyon.

Nagmamadali siyang lumabas ng palikuran at hinanap sa paligid kung nandoon pa sa malapit ang may edad na babae, ngunit nabigo siyang mahanap ito. Sa laki ng mall na iyon, hindi niya alam kung saan niya ito matatagpuan.

Advertisement

Muli niyang binuksan ang bag at saka humanap ng paraan kung paano pa matutunton ang babae. Nakakita siya roon ng isang calling card. Dali-dali niyang tinawagan ang numerong nakasaulat doon.

“Hello, who’s this?” wika ng babae sa kabilang linya.

“Magandang hapon po, ma’am, kayo po ba si Ms. Loreta Concepcion? Si Juliet po ito. Ako po ang nakakita sa naiwan niitong malit na bag sa palikuran dito sa mall. Nandito pa po ako sa labas ng palikuran,” sagot niya.

“Naku, kanina ko pa hinahanap iyan. Madami kasi akong dala kanina kaya nakalimutan kong naipatong ko pala sa lababo ang maliit kong bag. Maraming salamat, hija, at tinawagan mo pa ako para lamang ipaalam sa akin iyan. Sige at babalik ako diyan,” sabi ng babae.

“Iintayin ko po kayo rito sa labas ng palikuran sa mall,” aniya pa.

“Okay sige, hija. Intayin mo ako diyan at papunta na ako. Muli, maraming salamat ha?” saad pa ng matanda sa kabilang linya.

Napatingin siya sa kaniyang wristwatch at nakitang malapit na mag-umpisa ang interbyu niya sa kumpanyang pupuntahan niya. Kapag nahuli sa usapan nila ang babae ay siguradong hindi na siya makakahabol sa interbyu.

“Sana naman ay dumating na siya,” kinakabahang sabi ni Juliet sa sarili.

Advertisement

Makalipas ang ilang minuto ay dumating na ang babae. Kahit napakasimple lang nitong manamit ay lutang na lutang pa rin ang ganda ng babae kahit may edad na ito.

“Ma’am, eto po ang bag niyo. Maaari niyo pong idouble check ang loob para makasiguro kayo na walang nawala,” bungad niya sabay abot ng bag sa ale.

“Naku, hindi ko na iyan gagawin pa, hija. Sapat na sa akin ang katapatang ipinamalas mo para magtiwala ako na wala kang kinuha sa mga laman nitong bag ko. Maraming salamat ulit ha, hija,” sagot ng may edad na babae.

“Wala pong anuman. Sige po, mauna na po ako. May pupuntahan pa po kasi akong interbyu, eh,” aniya.

“Wait, hindi ako papayag na hindi ka bigyan man lang ng pabuya sa ginawa mo. Kunin mo na ito, hija,” wika ng babae na kumuha ng sampung libo sa bag at iniabot sa kaniya.

“Ay, hindi po. Wala po kong hinihinging kapalit. Bukal po sa loob ko ang pagbalik sa bag niyo ma’am. Ipagdasal niyo na lamang po ako na matanggap ako sa aaplayan kong trabaho,” magalang niyang sabi sa babae.

“Kung ganoon, baka may iba pa akong maitutulong sa iyo? Sabihin mo lang ha?” muling tanong ng babae. “Sandali, kunin mo itong calling card ko, tawagan mo ako kung may kailangan ka, kahit ano, huwag kang mahihiyang lumapit sa akin, hija,” wika ng ale.

“Naku, wala na po ma’am. Okay lang po ako. Pasensya na po pero kailangan ko na po talagang umalis. Sige po,” sabi niya saka nagmamadali na siyang lumabas sa mall.

Advertisement

Mabuti na lang at ilang hakbang lang ang gusali ng kumpanyang pupuntahan niya sa mall kaya agad siyang nakarating doon. Ilang minuto lang ay natapos na agad ang una niyang interbyu. Mabait ang babaeng unang nag-interbyu sa kaniya kaya pasado siya rito.

“Congratulations, you passed the initial interview. Punta ka na lamang sa room 204 para sa final interview mo, okay? Ang huli mong interbyu ay sa may-ari nitong kumpanya, our president, kaya galingan mo ha?” nakangiting sabi ng HR staff.

“Okay po, ma’am. Salamat po,” magalang niyang sagot.

Pinuntahan ni Juliet ang kuwartong sinabi ng babae. Kumatok siya at marahang pumasok. Napansin niya agad ang nakatalikod na babae habang nakaupo sa isang silya. Nakaramdam siya ng matinding kaba dahil huling pagkakataon na niya upang makuha ang trabaho.

“Ms. Juliet Salvador, right? So, ito ang iyong final interview. Simple lang ang tanong ko sa iyo. Bakit ikaw ang karapat-dapat kong tanggpin para sa posisyong inaaplayan mo?” tanong ng babae na hindi pa rin humaharap sa kaniya.

“B-by the way, g-good afternoon po. M-ma’am,” nauutal niyang sagot. “K-karapat-dapat po ako sa posisyon d-dahil kahit wala pa po akong job experience ay maipapakita ko po ang aking husay at katapatan sa trabaho kapag nabigyan niyo po ako ng pagkakataon na makapagtrabaho sa inyong kumpanya. Masipag po ako at madali pong matuto, mapagkakatiwalaan po ako kaya hindi po kayo magsisisi kung ako po ang pipiliin niyo, ma’am,” saad pa niya.

“Okay. Congratulations, you’re hired,” sagit ng babae na presidente ng kumpanya.

“Ho?” ‘di makapaniwalang tanong ni Juliet.

Advertisement

Laking gulat pa niya nang biglang humarap sa kaniya ang babaeng nag-interbyu.

“I am Ms. Loreta Concepcion, ang presidente at may-ari ng kumpanyang ito. Welcome, Ms. Salvador,” pagbati ng may edad na babae sa kaniya.

Hindi siya makapaniwala na ang babaeng tinulungan niyang maibalik ang bag ay siya rin palang may-ari at presidente ng kumpanyang inaaplayan niya.

“K-kayo po ‘yung kanina, ma’am? H-hindi ko po kayo nabosesan,” uutal-utal na sagot ng dalaga.

“Ako nga, hija. Sinadya ko talagang ibahin ang boses ko para hindi mo agad ako mabosesan. Ang pagbalik mo ng aking bag ay patunay lamang na karapat-dapat ka sa aking kumpanya. Hindi mahalaga sa akin kung may experience ka o wala sa trabaho, hindi mahalaga kung nakapagtapos ka sa magandang unibersidad o hindi, ang mahalaga sa akin at ang kailangan ko sa aking kumpanya ay ang mga gaya mong matapat at mapagkakatiwalaan,” nakangiting pahayag ni Ms. Concepcion.

Hindi napigilan ni Juliet na maluha sa sinabi ng babae. Hindi siya makapaniwala sa nangyari sa kaniya.

“Maraming salamat po, ma’am. Napaka-importante po sa akin ng trabahong ito, kaya nagpapasalamat po ako sa inyo, ma’am,” lumuluhang sabi ni Juliet.

“Ako ang dapat magpasalamat sa iyo, hija, dahil sa katapatan mong taglay ay nadagdagan na naman ng mga mapagkakatiwalaang empleyado ang aking kumpanya,” tugon ni Ms. Concepcion.

Advertisement

Nagsimula si Juliet sa mababang posisyon, dahil sa ipinakita niyang sipag at dedikasyon sa trabaho ay na-promote sila sa pagiging supervisor at makalipas ang ilang taon ay umangat pa siya at naging manager na sa kumpanya. Tuwang-tuwa si Ms. Concepcion sa narating niya at lalo siya nitong ipinagmalaki.

Sa simpleng paggawa ng kabutihan ay may kapalit na malaking gantimpala kaya palaging ugaliin na gumawa ng tama upang suwerte ay lumapit.