Ayaw Umalis ng Pulubing Binata sa Kaniyang Pwesto sa Loob ng Tatlong Taon; Napukaw Nito ang Pansin ng Isang Negosyante

Pasakay na ng kotse ang negosyanteng si Jessa nang matanaw niyang muli ang binata sa kabilang kalsada. Sa loob ng tatlong taong pangungupahan niya sa lugar na iyon ay palagi niya itong nakikita sa iisang pwesto.

Marami na ang nagtangkang magpaalis sa binata ngunit patuloy pa rin ang pagbalik nito. Nang gabing iyon ay dalawang guwardiya na ang nagpapaalis sa binata.

Hindi malaman ni Jessa kung bakit nakaramdam siya na tila kailangan niyang makialam sa nangyayari. Kaya naman agad siyang tumawid at saka kinausap ang dalawang guwardiya.

“Bakit n’yo naman pinapaalis ang pulubing iyan? Hindi ba s’ya p’wedeng manatili sa lugar na ‘yan kahit ngayong gabi lang? Bukas n’yo na siya paalisin dahil baka wala siyang matulugan,” saad ni Jessa sa mga guwardiya.

“Matigas po kasi ang ulo ng binatang ‘yan. Sa tingin po namin ay wala sa sariling katinuan. Baka mamaya ay kung ano pa ang gawin sa ibang taong nagdaraan. Kahit ilang beses na naming paalisin ay pabalik-balik pa rin,” saad ng isang guwardiya.

Naawa si Jessa sa itsura ng binatang pulubi. Kaya naman todo ang pakiusap niya sa mga guwardiya hanggang pumayag na ang mga ito.

Ngayon lang nalaman ni Jessa na wala sa katinuan ang binata. Pero hindi man lang siya nakaramdam ng takot. Ang tanging nararamdaman niya ay awa.

Nang gabing iyon ay binigyan niya ng kumot at pagkain ang binata. Pilit niya itong kinakausap pero wala itong matinong sagot.

Advertisement

Kinabukasan ay maagang binalikan ni Jessa ang binata ngunit wala na ito. Sa tingin niya ay pinaalis na ito ng mga guwardiya.

Ngunit kinahapunan ay muli niya itong natanaw mula sa kaniyang opisina. Kaya naman dali-dali niya itong pinuntahan at binigyan muli ng pagkain.

Sa araw-araw ay tinutulungan ni Jessa ang pulubing binata. Hanggang sa isang araw ay hindi na siya nakatiis pa.

“Alam kong hindi mo ako maiintindihan, pero, ano nga ba ang ginagawa mo sa lugar na ito? Bakit ayaw mong lisanin ang pwesto mo?” tanong ni Jessa.

Panandaliang nahinto ang binatang pulubi sa kaniyang pagkain. Bumuntong hininga ito at saka kinuha ang panyo sa kaniyang plastik bag.

“Nanay ko!” saad ng binatang pulubi habang ipinapakita ang panyo.

“Nanay ko, sabi niya balik daw siya dito. Hintay ko siya,” dagdag pa nito.

“Sa nanay mo ba ang panyong ito? Iniwan ka ba niya rito?” tanong pa ni Jessa sa binata.

Advertisement

Tumango naman ito.

“Kaya ba ayaw mong umalis sa pwestong ito dahil hinihintay mo ang nanay mo?’ tanong muli ng ginang.

“Opo. Sabi nanay ko, ‘wag daw ako alis dito. Balik daw s’ya,” saad muli ng binata.

Hindi napigilang maluha ni Jessa. Kaya naman pala hindi ito umaalis dahil sa loob ng tatlong taon ay nagbabakasakali pa rin ang binatang pulubi na babalikan siya ng kaniyang ina.

Dahil sa awa ni Jessa sa binata ay pilit niya itong tinulungan. Kinausap niya ito nang masinsinan upang dalhin sa shelter kung saan siya ay maaalagaan.

“Pangako ko sa iyo na babalikan kita rito at kasama ko na ang nanay mo,” saad ng ginang.

Ngunit saan at paano nga ba magsisimula si Jessa na hanapin ang tunay na ina ng binatang ito? Gayong maging pangalan ng pulubi ay hindi niya alam.

Isang ideya ang naisip ni Jessa. Ang hipag niya ay nagtatrabaho sa isang TV station. Humingi siya ng tulong dito upang ipakita ang larawan ng binatang pulubi at hanapin ang nanay nito. Alam niyang suntok sa buwan ang gagawin niya. Paano nga ba makikita ang isang taong ayaw naman magpakita?

Advertisement

Hanggang sa isang tawag ang natanggap ni Jessa. May nakakaalam na ng tunay na pagkakakilanlan ng binata.

“Obet ang tunay niyang pangalan. Ang nanay naman niya ay si Delia. Matagal nang hindi nagpapakita sa lugar na ito si Delia. Ang balita namin ay nasawi ito dahil sa isang engkwentro sa dr*ga. Noon pa man ay hindi na maganda ang trato niya sa batang iyan. May sakit kasi sa pag-iisip si Obet. Marahil ay hindi na niya kayang alagaan kaya naman niligaw na lang niya,” saad ng isang impormante.

Lalong nahabag si Jessa sa kaniyang narinig. Walang kamalay-malay ang binata na hindi na magagawa ng kaniyang ina na bumalik dahil wala na ito.

Ang ginawa ni Jessa ay pilit niyang hinanap ang ibang pamilya ni Obet. Mabuti na lang at natagpuan niya ang lola nito. Matagal na rin daw nitong hinahanap ang kaniyang apo. Magandang balita ito para kay Obet.

“Obet, alam kong nauunawaan mo ako. Masakit man para sa akin na sabihin ito sa iyo’y kailangan mong malaman. Ang nanay mo, si Delia, hindi na siya makakabalik pa. Pero huwag ka nang malungkot. Dahil tiyak akong magiging mas maayos ang buhay mo dahil narito na ang lola mo. Matagal ka na rin niyang hinahanap. Matagal na rin siyang nangungulila sa iyo,” saad ni Jessa sa binata.

Pagkakita pa lang ni Obet sa matanda ay agad na niya itong nakilala. Agad namang niyakap ng matanda ang apo at wala nang patid ang pag-agos ng kanilang mga luha.

Hindi akalain ni Jessa na masyado siyang maaapektuhan sa istorya ng buhay ng binatang nakikita niya lamang sa tapat ng kaniyang opisina. Ngunit naging daan siya upang magtagpuan muli ni Obet ang kaniyang pamilya. Isang malaking biyayang ipinagpapasalamat ng matanda dahil ngayon ay tuluyan na niyang makakasama at maaalagaan ang kaniyang apong may kapansanan.