
Walang Nais Mag-Ampon sa Batang Kakaiba ang Hitsura; Isang Mag-Asawa ang Magbabago ang Buhay nang Dahil sa Kaniya
Panay ang sambit ng panalangin ng batang si Esther. May mag-asawa na naman kasing nasa bahay-ampunan kung saan siya’y naroroon. Dalangin niya ay sana’y siya naman ang mapili at magkaroon ng sariling pamilya.
Ngunit sino nga ba ang nais mag-ampon sa isang batang kakaiba ang itsura? Hindi tulad ng ibang bata ay maitim ang kulay ng kaniyang balat at kulot ang buhok. Madalas nga siyang maging tampulan ng tukso dahil sa kaniyang itsura. Sampung taon na siyang nasa ampunan ngunit wala pa ring nag-aampon sa kaniya.
Sa pagkakataong ito ay umaasa siyang siya naman ang mapipili. Ngunit nang makita siya ng mag-asawa ay iniwasan siya kaagad. Pag-alis ng mga ito ay narinig pa niya ang kanilang pag-uusap.
“Nakita mo ba ang isang bata doon? Kakaiba ang itsura niya. Kapag ‘yun ang inampon nati’y siguradong pag-uusapan tayo ng marami. Pagtatawanan tayo ng madla,” saad ng ginang.
“Hindi ko rin kayang magkaroon ng ganoong kapangit na anak. Kung siya lang din ang natira sa bahay-ampunan na ito’y mabuti pang huwag na tayong mag-ampon,” biro naman ng lalaki.
Hindi lang naman ito ang mga natatanggap na masasakit na salita ni Esther noon pa man. Ngunit habang patagal nang patagal ay namamanhid na rin ang puso niya. Minsan nga ay siya na mismo ang nagtatawa sa kaniyang sarili, ngunit sa kaibuturan ng kaniyang damdamin ay may kurot pa rin ito kahit paano.
Sa hindi na mabilang na pagkakataon ay hindi na naman magkakaroon ng pamilya itong si Esther. Inggit na inggit siya sa isang batang kakapasok lang sa bahay-ampunan ngunit magkakaroon na agad ng sariling pamilya.
Napansin ng madre na malungkot itong si Esther.
“Malungkot ka ba dahil hindi ka na naman napili, Esther?” tanong ng madre.
“Tanggap ko naman pong hindi na talaga ako mapipili, sister. Naisip ko nga po na dito na talaga ako lalaki sa piling ninyo,” saad ng bata.
“Huwag kang mag-alala, Esther. Darating din ang tamang pamilya na magmamahal at kakalinga sa iyo. Huwag kang magsasawang manalangin,” saad pa ng madre.
“Manalangin? Hindi pa kaya sapat ang dasal ko kaya hindi ako naririnig ng Diyos? O hindi talaga kaya ako naririnig ng Diyos dahil hindi Niya gusto ang mga kagaya ko?” tanong niya sa kaniyang isipan.
Ilang beses ding may mag-asawa ang nagpunta sa bahay-ampunan ngunit wala man lang sumubok na kumausap sa kaniya. Lahat ay iwas at tila natatakot sa kaniyang itsura.
Hanggang isang araw ay may dalawang mag-asawa ang dumalaw sa bahay-ampunan.
“Dalawang bata na naman ang mabibigyan ng panibagong pamilya, mga bata. Kaya maghanda kayo,” saad ng madre.
Napansin niyang hindi man lang interesado si Esther. Nasa isang sulok lamang ito at ayaw makihalubilo.
“Esther, hindi mo ba narinig ang sinabi ko?” malumanay na saad muli ng madre.
“Ayaw ko na pong magpakita sa kanila, sister. Para saan pa po? Para hamakin lang ako ulit? Tanggap ko na pong hindi na po ako magkakaroon ng sariling pamilya,” saad naman ng bata.
“Huwag ka namang ganyan, anak, huwag kang mawalan ng pag-asa. Malay mo, ito na ang araw na itinakda sa iyo ng Panginoon,” saad muli ng madre.
Bilang respeto ay gumayak na rin si Esther. Nasa isang tabi lang siya at nagbabasa ng libro.
Dalawang pares ng mag-asawa ang naroon. Isang mukhang ubod ng yaman at isa namang may kaya.
“Tingnan mo ang isang batang ‘yun, hon. Sa tingin mo ay may mag-aampon sa tulad niya? Ano kayang pangkat etniko ang kinabibilangan niya?” hindi mapigilan ng ginang na mayaman na magbiro sa kaniyang asawa.
“Huwag mo na siyang titigan at baka mamaya ay malaman niyang natatawa ka sa kaniyang itsura. Baka mamaya ay may alam siyang orasyon at isumpa ka niyan!” biro naman ng lalaki.
Narinig naman ito ng isa pang mag-asawa. Pinagsabihan nila ang mga ito.
“Mawalang galang na sa inyo, ngunit huwag n’yo namang pagsabihan ng ganyan ang bata. Pare-pareho silang mukhang anghel kahit ano pa ang kanilang itsura,” saad ng ginang na si Maricel.
“Siguro nga, pero ang isang iyan ay sunog na anghel. Huwag ka ngang makialam sa aming mag-asawa. Intindihin n’yo na lang ang mga sarili n’yo!” pagmamalaki pa ng mayamang ginang.
Nilapitan na lang ni Maricel ang bata upang kalamayin ang kalooban nito. Habang kinakausap nilang mag-asawa si Esther ay hindi nila maiwasan ang magkaroon ng koneksyon sa bata. Sa totoo lang kasi’y mabuti ang kalooban ni Esther at masayahin itong bata. Kahit na mahiyain ay marami rin itong talento.
“Nasisiraan kayo ng bait kung aampunin ninyong mag-asawa ang batang iyan! Tiyak na pagtatawanan kayo ng madla!” saad ng mayamang ginang.
“Sa totoo lang ay wala akong pakialam sa sasabihin ng ibang tao. Mabuting bata si Esther at karapat-dapat siyang magkaroon ng isang magandang pamilya. At nararamdaman kong siya ang kukumpleto ng buhay naming mag-asawa,” saad naman ni Maricel.
Tawang-tawa ang mayamang mag-asawa dahil sa desisyon ni Maricel at ng kaniyang mister.
“Pagkakataon n’yo nang makapili ng anak ngunit pumili pa kayo ng magdadala ng kahihiyan sa inyong pamilya,” saad pa ng ginang.
“Huwag mong intindihin ang mga sinasabi nila, Esther. Kami ng asawa kong si Ramil ang magiging mga magulang mo. Ipagtatanggol ka namin sa lahat ng taong nais na umapi sa iyo,” saad ni Maricel.
Hindi makapaniwala si Esther sa nangyayari. Sa wakas ay matutupad na ang pangarap niya na magkaroon ng sariling pamilya.
Ngunit bago pa man maayos ang mga papeles ng pag-aampon ng mag-asawang Maricel at Ramil sa batang si Esther ay may isang lalaking naghahanap din sa bata.
Dala nito ang ilang kasulatan at larawan.
“Siya nga ang batang iyan. Ano ba ang kailangan mo sa kaniya?” tanong ng madre.
Nagulat sila sa ipinahayag ng ginoo. Si Esther pala ay ang nawawalang anak ng isang mayamang datu ng isang bansa. Matagal na raw nilang hinahanap sa lahat ng parte ng mundo ang bata simula nang dakipin ito ng ilang kaaway ng kanilang pamilya.
Ang ibig sabihin nito’y hindi na hindi na magagawa nila Maricel at Ramil na ampunin si Esther dahil natagpuan na ito ng kaniyang pamilya, ngunit isang malaking pabuya naman ang naghihintay para sa mag-asawa.
Naikwento kasi ni Esther sa kaniyang ama nangyari sa kaniya sa bahay-ampunan. Kung paano siya pinagtawanan at hinamak ng ilang tao nang dahil lang sa kakaiba ang kaniyang itsura at tanging sina Maricel at Ramil lang ang buong pusong tumanggap sa kaniya.
Dahil dito ay nagbigay ng pabuya ang mayamang datu. Marami naman ang nainggit sa mag-asawa kabilang na rito ang mayamang mag-asawang nangmata sa batang si Esther.
“Walang kayamanan ang makakapantay sa batang iyan. Sa totoo lang ay ayaw naming tanggapin ang pabuyang ibinibigay ninyo sa amin. Nalulungkot kaming mag-asawa dahil hindi na magiging parte ng pamilya namin si Esther. Ngunit sa isang banda ay masaya kami dahil natagpuan na niya ang tunay niyang pamilya,” saad naman ni Maricel.
Nagbalik na si Esther sa piling ng kaniyang tunay na pamilya. Maraming oras ang kanilang bubunuin dahil sampung taon din itong nawalay sa kanila.
Habang ang mag-asawang Ramil at Maricel naman ay patuloy pa rin ang paghahanap ng batang bubuo sa kanilang pamilya. Ginamit nila ang perang binigay sa kanila ng datu upang makatulong sa iba pang batang walang mga magulang.