Inday TrendingInday Trending
May Hindi Inaasahang Nangyari sa Anak ng Ginang; Isang Misteryosong Sulat ang Kaniyang Matatanggap

May Hindi Inaasahang Nangyari sa Anak ng Ginang; Isang Misteryosong Sulat ang Kaniyang Matatanggap

Paalis na ng bahay ang binatang si Mark nang pigilan siya ng kaniyang ina. Hindi kasi komportable ang ginang sa tuwing nakikita niya ang anak na nagbibisikleta papuntang trabaho. Malayo kasi ang pabrikang pinapasukan nito at nag-aalala siya na baka maaksidente ito.

“Anak, ‘di ba nag-usap na tayo tungkol sa bagay na ‘yan? Ayaw ko na nagbibisikleta ka papuntang trabaho. Bukod sa delikado ay pagod na pagod ka na pagdating mo. Magtatrabaho ka buong araw tapos ay mapapagod ka na naman sa pagbibisikleta pauwi. Kawawa naman ang katawan mo, anak. Baka mamaya ay magkasakit ka naman,” saad ni Aling Anita sa binata.

“Huwag ka na pong mag-alala sa akin, ‘nay, kaya ko naman, e. Saka malaki rin kasi ang natitipid ko sa pagbibisikleta. Makakatulong po sa pang-araw-araw nating gastusin,” saad naman ni Mark.

“Baka naman sa kakatipid mo ay magkasakit ka, anak, at doon lang mapunta ang pera. Aanhin naman natin ang matitipid mo kung sasagarin mo ang katawan mo. Makinig ka naman sa akin, anak,” dagdag pa ng ina.

“‘Nay, magtiwala kayo sa akin. Imbes na matakot kayo at mag-alala ay ipagdasal n’yo na lang po ako,” wika pa ng binata.

Sa panalangin na lang idinadaan ni Aling Anita ang lahat ng kaniyang kaba para sa anak.

Noon pa man ay talagang mahilig na sa mga pisikal na isports itong si Mark. Palagi nga siyang napagsasabihan noon ng kaniyang ina. Ganoon ata talaga kapag bata pa. Pakiramdam nila’y hindi sila madi-disgrasya o magkakasakit.

Hindi naman talaga matigas ang ulo nitong si Mark. Sa katunayan nga ay matulungin siya sa kaniyang ina. Tumigil na siya sa pag-aaral para makapagtrabaho na. Hindi na kasi kaya pa ni Aling Anita ang magtrabaho ng mabigat dahil nagkaroon ito ng komplikasyon sa bato. Mabuti na lang at naagapan. Ngayon ay naghahanap buhay ito bilang isang manikurista.

Para kay Mark, ang tanging pangarap niya ay maiahon ang ina sa kahirapan.

Isang araw habang nag-aayos ng gamit ng anak ay biglang nakakita si Aling Anita ng isang kard.

“A-anak, ano ang ibig sabihin nito? Para saan ang ID na ito?” tanong ng ina.

“May nagpunta kasi pong social health workers sa pabrika. Naghahanap po sila ng mga gustong maging organ donor para naman dugtungan ang buhay ng ibang may sakit. Pumirma po ako, ‘nay, nang sa gayon ay makatulong din ako katulad ng taong tumulong sa inyo noon,” saad ni Mark.

“P-pero, anak, bakit ka pumirma sa ganitong bagay? Bata ka pa para sa mga ganito,” saad naman ni Anita.

“Hindi naman po ako ngayon magdo-donate, ‘nay. Ang kasunduan po riyan ay kapag nasawi ako’y ido-donate ang mga parte ng aking katawan para naman mabuhay ang ibang tao. Huwag na kayong mag-alala at matagal pang mangyayari ‘yan. Naisip ko lang kasi na bumawi dahil na dugtungan ang buhay n’yo nang dahil sa ibang tao,” saad muli ng binata.

Muli ay hindi naging komportable si Aling Anita sa usapang ito. Nais sana niyang pigilan ang kaniyang anak pero wala na siyang magagawa. Talagang busilak ang kalooban nito.

Isang araw ay maagang umalis ng bahay itong si Mark para pumasok sa pabrika.

“Akala ko ba ay wala kang pasok ngayon, anak?” tanong ng ina.

“Papasok po ako ng kalahating araw dahil sayang naman po, ‘nay. Tinawagan kasi ako ng amo ko. Ang sabi sa akin ay bubuuin daw ang bayad sa akin ngayon basta pumasok lang daw ako. Libre na rin ang pagkain ko. Mamayang tanghali ay uuwi rin ako, ‘nay,” saad pa ng binata.

Nais sanang pigilan ni Aling Anita ang anak pero wala na rin siyang magagawa dahil naka-oo na ito sa kaniyang amo.

Habang tinatanaw niya ang anak sakay ng bisikleta ay hindi niya maiwasang mapangiti.

“Napakaswerte ko sa aking anak. Mabait na, masipag pa,” saad niya sa kaniyang sarili.

Dahil medyo malaki ang kinita niya noong isang araw sa paglilinis ng kuko ay naisip niyang paghandaan ng paboritong sinigang na bangus ang anak para sa tanghalian.

Pagtungtong ng alas dose ay tinawagan na niya ang anak upang tanungin kung pauwi na ito.

“Opo, ‘nay, palabas na rin po ako ng opisina,” sagot ng binata.

Ngunit mag-a-alas dos na ay hindi pa rin nakakarating ang anak sa kanilang bahay. Kaya naman muli itong tinawagan ni Aling Anita. Paulit-ulit niya itong tinatawagan ngunit hindi sumasagot. Ang akala niya ay nagmamaneho lang ito ng bisikleta. Ngunit malakas na ang kabog ng kaniyang dibdib pero hindi niya mawari kung bakit.

Hanggang sa may sumagot na ng telepono.

“Mark, nasaan ka na? Bakit hanggang ngayon ay wala ka pa rito?” saad ni Aling Anita.

May sumagot sa kaniyang tinig. Alam niyang hindi ito si Mark. Ilang sandali pa ay pumatak na ang kaniyang mga luha at natataranta na siyang nagtungo sa ospital.

“Naaksidente po ang anak n’yo, ginang. Mabilis siyang nadala dito sa ospital. Ginawa naman namin ang lahat pero hindi na talaga niya kinaya. Ginang, nais lang po naming ipaalam sa inyo na ang anak n’yo po ay isang donor. Kaya naman po nang idineklara na pong wala siyang buhay ay kinuha na namin ang lahat ng organ na mapapakinabangan,” saad ng doktor.

Dito na naghurumentado si Aling Anita.

“Bakit n’yo ginawa ‘yan? Hindi ako payag sa desisyon ng anak ko sa ganiyang bagay! Ibalik n’yo sa anak ko ang mga parte na kinuha niyo! Ibalik n’yo!” pagtangis pa ng ginang.

Nauunawaan ng mga dokto ang reaksyong ito ni Aling Anita. Alam nilang hindi pa nito tanggap ang pangyayari at labis itong nagdadalamhati sa pagkawala ng anak.

Parang pinagsakluban ng langit at lupa ang ginang. Hindi niya lubos akalain na siya ang maglilibing sa kaniyang anak.

“Mark, bakit mo naman ako iniwan agad? Hindi ba’t sabi mo sa akin ay masaya nating haharapin ang bukas? Ipagdiriwang pa natin ang panahon na tuluyan na tayong makakaahon sa hirap!” umiiyak na sambit ni Aling Anita.

Anim na buwan na ang nakakalipas simula nang yumao si Mark, ngunit labis pa ring nalulungkot ang ginang.

Hanggang sa nakatanggap siya ng isang sulat. Isang paanyaya para sa kaniya. Hindi alam ni Aling Anita kung kanino ito nanggaling pero hinihiling ng sumulat ang kaniyang pagdalo. Importante raw ito para sa kanila.

Sa labis na pagtataka ni Aling Anita ay pumunta siya upang makita ang tunay na mangyayari. Sa isang restawran ay marahan pa siyang pumasok. Pagbukas pa lang ng pinto ay nag palakpakan na ang lahat. Nagtataka naman si Aling Anita.

“Pinapunta po namin kayo rito upang ibigay ang isang wagas na pasasalamat. Nakatayo po sa inyong harapan ang pitong taong nailigtas ng inyong anak, kabilang na po ako,” saad ng isang lalaki.

“Nasa akin po ang puso niya,” saad ng isa.

“Sa akin naman po ang mga mata niya,” saad naman ng isang babae.

“Ang atay po niya ang nagligtas ng buhay ko,” saad ng isang bata.

Nagpatuloy ang pagsasalita ng mga tao sa kaniyang harapan. Napaluha naman si Aling Anita dahil dito.

“Alam po naming walang kasing sakit ang pagkawala ni Mark, ngunit habambuhay po naming ipagpapasalamat ang kaniyang buhay. Kung hindi dahil sa kaniya ay wala na po kami ngayon sa mundong ito. Maraming salamat din po sa inyo dahil nakapagpalaki kayo ng isang mabuting tao,” saad ng lalaki.

Hindi na napigilan ni Aling Anita na yakapin isa-isa ang mga tanong bagong nagmamay-ari ng mga parte ni Mark. Sa ganitong paraan, kahit paano ay naiibsan ang kaniyang kalungkutan.

“Sigurado akong nasa langit na ang aking anak at masayang-masaya dahil nakatulong siya. Hanggang sa huli ay kabutihan pa rin ng kaniyang puso ang namayani. Ingatan niyo ang inyong mga buhay upang hindi masayang ang sakripisyo ng aking anak. Manatili sana sa inyong puso ang kaniyang kabutihan at maipasa n’yo rin ito sa iba,” saad pa ng ginang.

Wala man si Mark ay patuloy na mabubuhay ang kaniyang mga alaala. Maraming organisasyon ang nagbigay ng parangal ng pagpapasalamat kay Mark at sa kaniyang ina.

Marami ring nag-abot ng tulong kay Aling Anita lalo na nang malaman nilang maging ito ay may iniindang karamdaman.

Ngayon, kahit na may kurot pa rin sa puso ni Aling Anita dahil sa pagkawala ng kaisa-isang anak, nakakakuha siya ng kapayapaan sa tuwing naiisip niyang nakasagip ang anak ng maraming buhay.

Advertisement