Sinapian ng Engkanto ang Isang Kawawang Estudyante; Paghihiganti Pala ang Motibo Nito

Ang eskwelahan ng San Vicente ay isang tagong lugar. Malayo at tahimik. Ngunit kahit malayo ay marami pa rin ang pumapasok at nag-aaral dito dahil maayos ang pamamalakad sa nasabing eskwelahan. Napapaligiran ito ng mga matataas na puno at ang mga silid-aralan ay magkakalayo.

Si Eliel, isang trese anyos na batang babae ay isa sa mga estudyante sa eskwelahan. Tahimik at palaging nag-iisa ang bata, palagi rin itong nakaupo sa mga gilid ng mga punong-kahoy sa likuran ng kanilang silid-aralan. Sa tuwing wala silang klase, gusto nitong mapag-isa kaysa makipag-usap sa mga kapwa niya mag-aaral. Nagbabasa ng mga libro at kung anu-anong mga babasahin na kailangan sa kanilang pag-aaral.

Mag-a-alas tres na nang hapon nang tawagin si Eliel ng kaniyang kaklase dahil oras na para sa kanilang ikatlong asignatura.

“Eliel! Eliel! Halika na! Darating na si ma’am!” sigaw ng kaklase.

Nagtaka ang kanyang kaklase dahil kahit sumigaw na ito sa pagtawag sa kaniya ay hindi pa rin siya lumingon kaya’t nilapitan siya nito at tinapik sa balikat.

“Uy, Eliel! Naririnig mo ba ako? Ang sabi ko, halika na sa loob at baka dumating na si ma’am!”

Laking gulat na lamang nito ng biglang humarap sa kaniya si Eliel, hinawakan ang kanyang kamay at nanlaki ang mata na dilat na dilat na parang ‘di umano’y sinapian ng masamang espirito.

“Eeee! Ano’ng nangyayari sa iyo?!”

Advertisement

Nagulat ang kaniyang kaklase at pasigaw na nagtatakbo pabalik sa kanilang silid-aralan. Agad naman itong nakita ng kanilang guro na humahangos.

“O, Becky bakit pawis na pawis ka at takot na takot? Saan ka ba nanggaling na bata ka?” nag-aalalang tanong ni Ms. Legaspi.

Ipinagtapat ng bata ang kaniyang nasaksihan ukol kay Eliel.

“Ma’am si E-Eliel po sinasaniban ng masamang espirito. N-naroon po siya sa may puno ng b-balite,” nauutal na sabi ng bata.

Nabulabog ang buong klase sa inihayag ni Becky. Lahat ng mga mag-aaral sa klase ni Ms. Legaspi ay nagkagulo at nagtungo sa lugar na kinaroroonan ni Eliel.

“Ano, totoo ba iyang sinasabi mo? Halika at puntahan natin!” wika ng guro.

Naabutan nila si Eliel na nawalan nang malay at nakahandusay sa tabi ng punong balite.

“Eliel, Eliel, gumising ka Eliel!” sigaw ni Ms. Legaspi habang ginigising ang bata.

Advertisement

Dinala nila si Eliel sa klinika. Hindi nagtagal ay nagising at nagulat nang makitang nakapalibot sa kanya ang mga guro at mga kaklase na halatang nag-aalala ang mga mukha. Tinanong siya ng kanyang gurong si Ms. Legaspi at iba pang mga guro kung ano ang nangyari sa kanya.

“Ano ba talaga ang nangyari sa iyo, Eliel?” tanong ng guro.

“W-wala po akong matandaan. Ang tanging naaalala ko lang po ay nakaupo lamang ako sa ilalim ng puno ng balite habang naghihintay ng susunod na klase,” sagot ni Eliel.

Lumipas ang dalawang linggo, ang kakatwang nangyari kay Eliel ay muling naulit.

Alas nuwebe nang umaga nang makitang naglalakad ang bata sa gitna ng eskwelahan. Maya-maya ay bigla itong nawalan ng malay at muling dinala sa klinika ng mga estudyanteng nakakita sa kaniya. Gaya nang una siyang mawalan ng malay ay nakapalibot sa kaniya ang mga gurong nag-aalala ang mga mukha. Nang magising siya ay nagulat ang lahat, pinandilatan sila ng mga mata ni Eliel na pawang inagaw ng mga puti ang itim na bahagi ng mga mata nito.

“Diyos ko, ano ang nangyayari sa batang ito?!” sigaw ng isang guro.

Nang marinig ang salitang ‘Diyos’ na sinambit ng guro ay nagalit ito at nagsisigaw.

“Walang magagawa ang Diyos niyo! Akin ang batang ito, akin!” wala sa sariling sigaw ni Eliel habang nagwawala.

Advertisement

Maya-maya ay bigla itong lumakas na kahit limang lalaki na ang pumigil ay hindi ito natinag hanggang sa nawalan uli ng malay.

“Diyos ko, alisin mo sa katawan ng batang ito ang masamang espiritong lumulukob sa kaniya!” patuloy na sigaw ng guro.

Mag-a-alas dose na nang tanghali nang magising si Eliel. Pagod na pagod at bagsak ang katawan. Bigla itong umiyak at yumakap sa kaniyang gurong si Ms. Legaspi.

“Huwag niyo po akong ibibigay sa kaniya! Kukunin niya raw po ako!” takot na takot na sigaw ni Eliel.

“Sino? Sinong kukuha sa iyo?” tanong ni Ms. Legaspi.

“N-nakakatakot po ang mukha niya at gusto niya po akong kunin!” patuloy na hiyaw ng bata habang umiiyak.

Pinatingin nila sa albularyo si Eliel. Ayon sa albularyo, may engkantong gustong kumuha sa bata para maghiganti. Hindi makapaniwala ang mga magulang ni Eliel sa kakaibang pinagdadaanan ng kanilang anak.

Nakabantay sa kaniya ang mga magulang dahil ayon sa albularyo, anumang oras ay maaari itong saniban ng engkanto.

Advertisement

Mag-a-alas onse na ng gabi ng biglang sumpungin si Eliel at pinandilatan nito ng mga mata ang mga magulang. Ang mga itim na bahagi sa kaniyang mga mata ay inagaw ng puti kung kaya’t ganoon na lamang ang takot ng kaniyang ama at ina.

“Diyos ko, ano’ng nangyayari sa ating anak?” takot na takot na sabi ng ina.

Pinagtulungan nilang talian ang magkabilang kamay ni Eliel. Maya-maya ay ginawa na ng albularyo ang ritwal na pangontra sa engkantong sumasanib sa bata.

“Lumayas ka sa katawan ng batang iyan kung sino ka mang dem*nyo ka! Hindi ka magtatagumpay na makuha siya!” wika ng albularyo sabay hampas ng buntot pagi kay Eliel.

Sigaw naman nang sigaw ang bata na halatang nasasaktan sa ginagawa ng albularyo. Nang bigla itong magsalita.

“Akin ang batang ito! Siya ang gusto kong kapalit sa nawala kong tirahan. Kayong mga tao ang may kasalanan kung bakit nawalan ako ng bahay, walang awa niyong pinutol ang puno kung saan ako nakatira!” pasigaw na sabi ng engkanto na nakasapi kay Eliel.

Ang tinutukoy na puno ay ang malaking puno ng mangga na nakatayo noon sa likod ng eskwelahan na pinutol dahil ang parteng iyon ay tinayuan ng bagong kantina. Nagalit ang engkantong nakatira roon nang mawalan ito ng tirahan dahil matagal na pala itong naninirahan sa punong iyon.

“Umalis ka na sa katawan ng bata, wala siyang kasalanan sa nangyari. Humihingi kami ng tawad sa ginawa sa iyong tirahan. Kami na ang humihingi ng paumanhin sa pagkawala ng iyong bahay. Parang awa mo na, tigilan mo na ang batang ito,” pakiusap ng albularyo.

Advertisement

Ilang sandali lamang ay tumigil na sa pagwawala at pagsigaw si Eliel. Ang nakakatakot nitong itsura ay bumalik na sa pagiging maamo at walang kamuwang-muwang. Umalis na sa katawan nito ang engkanto.

Mula noon ay hindi na sinapian si Eliel. Nag-alay naman ang mga guro ng iba’t ibang pagkain sa puno ng balite na tanda ng paghingi ng tawad sa pagwasak nila sa tirahan ng nagambalang engkanto. Naging mapayapa na muli ang eskwelahan at hindi na binulabog pa ng anumang naiibang nilalang.

Tandaan na hindi lamang tayo ang nakatira sa mundong ating ginagalawan. Kailangan din nating igalang at irespeto ang mga elementong nariyan lang sa ating kapaligiran.