Inday TrendingInday Trending
Dahil sa Hindi Nabayarang Utang ay Nagawang Lasunin ng Tindera ang Anak ng Babae; Sunud-sunod na Kamalasan ang Dumating sa Kaniya

Dahil sa Hindi Nabayarang Utang ay Nagawang Lasunin ng Tindera ang Anak ng Babae; Sunud-sunod na Kamalasan ang Dumating sa Kaniya

“Hoy, Luigi, sabihin mo nga sa nanay mo na magbayad na siya ng utang niya sa akin. Hindi kamo ako nagpapalista sa tubig!” inis na sabi ni Aling Norma.

“Sige po, sasabihin ko kay inay!” sagot ng bata.

Ilang buwan na kasing hindi nababayaran ni Aida ang isang libong pisong utang kay Aling Norma na kapitbahay niya. Nanghiram siya ng pera sa tindera dahil gagamitin niya iyon na pandagdag sa matrikula ng anak na si Luigi. Hindi pa niya mabayaran ang utang dahil hindi pa nakakapagpadala ng pera ang kaniyang mister na kasalukuyang nagtatrabaho sa Saudi.

“Inay, ‘yung utang niyo raw po kay Aling Norma, bayaran niyo na raw po!”

“Sinabi niya ‘yon, anak? Hayaan mo’t kakausapin ko siya kapag nagkita kami. Hindi pa kasi nagpapadala ang papa mo. Kung babayaran ko siya ngayon ay mawawalan naman ako ng budget sa mga gastusin natin dito sa bahay.”

Pinuntahan ni Aida ang tinderang si Aling Norma at kinausap.

“Aling Norma, pasensiya na, pero baka sa susunod na linggo pa kita mabayaran. Hindi pa nagpapadala ang asawa ko kaya medyo kinakapos din kami ngayon,” paliwanag niya sa babae.

“Sawang-sawa na ako sa mga pagdadahilan at pagpapalusot mo, Aida. Paulit-ulit na lang ang sinasabi mong ‘yan. Nasa abroad pa naman ang asawa mo tapos ay hindi ka makapagbayad sa akin? Ang sabihin mo, ayaw mo lang talagang magbayad ng utang mo!” gigil na tugon ng tindera.

Nakaramdam ng inis si Aida sa mga pinagsasabi ni Aling Norma, pero pinigilan pa rin niya ang sarili.

“Aling Norma, babayaran ko naman kayo kapag nagkapera na ako. Hindi ko naman kayo tatakbuhan, hindi ako ganoong klaseng tao!”

Pagkatapos bitawan ang mga sinabi ay tumalikod na si Aida at lumayo na sa tindahan ng ale.

“Hoy, Aida, huwag mo akong talikuran! Walang hiya ka, humanda ka sa ganti ko sa iyo!” galit na galit na sambit ni Aling Norma sa inasal ng babae.

Nang sumunod na araw ay bumili sa tindahan niya ang anak ni Aida na si Luigi. Agad niya itong pinagbilhan.

“Ano’ng bibilhin mo, Luigi?”

“Pabili po ng softdrinks. Palagay na lang po sa plastik,” tugon ng bata.

Ilang saglit lang ay iniabot na ni Aling Norma ang softdrinks kay Luigi.

“O, heto na, hijo. Malamig na malamig ‘yan. Para talaga sa iyo ‘yan!”

“Thank you po, Aling Norma!” sagot ng bata saka iniabot sa kaniya ang bayad.

Lihim na napangiti si Aling Norma nang makaalis na ang bata. Sarap na sarap naman si Luigi sa biniling softdrinks.

Pagdating sa bahay ay nakaramdam ng matinding pananakit ng tiyan ang bata na dali-daling lumapit sa kaniyang ina.

“Inay, inay, sobrang sakit po ng tiyan ko!” namimilipit na sabi ni Luigi na hindi na napigilang mapaiyak.

“A-ano’ng nangyayari sa iyo, anak? Dadalhin kita sa ospital!”

Nagmamadaling isinugod ni Aida sa ospital ang anak ngunit hindi nagtagal ay binawian din ito ng buhay. Sinabi ng doktor na hindi na kinaya ng bata ang bagsik ng lason na nainom nito.

“L-lason? Nalason ang anak ko?!” gulat na sabi ni Aida sa doktor.

Lumalabas sa pagsusuri na ang ininom na softdrinks ni Luigi ay may halong lason. Todo ang hinagpis ni Aida sa nangyari sa kaniyang kaisa-isang anak. ‘Di niya akalain na sa murang edad nito ay agad itong babawiin sa kaniya. Napaaga rin ang uwi ng asawa niya na halos magwala nang malaman ang nangyari sa kanilang anak. Hindi nila matanggap ang sinapit ng kaawa-awang bata.

“Malakas ang kutob ko na si Aling Norma ang naglason sa anak natin!” sabi ni Aida sa asawa.

Agad nilang pinaaresto at sinampahan ng kaso ang tindera ngunit todo tanggi ang babae sa ibinibintang nila. Wala raw silang sapat na katibayan.

“Ang kapal ng mukha mo, Aida! Ako pa ang idinidiin mo sa pagkawala ng anak mo, eh, ikaw itong hindi nagbabayad ng utang sa akin? Ako pa nga dapat ang magreklamo laban sa iyo!” hirit pa ni Aling Norma.

Dahil sa sama ng loob ay dumukot ng pera sa bulsa niya si Aida at ibinato sa mukha ng tindera ang isang libong pisong utang niya rito.

“Ayan na ang pera mo! Bayad na ako, Norma. Wala ka na sigurong isusumbat pa sa akin, pero kapag napatunayan kong may kasalanan ka sa pagkawala ni Luigi, tinitiyak kong mabubulok ka sa kulungan!”

Ibinasura ang kaso laban kay Aling Norma dahil sa kawalan ng ebidensiya na siya ang maysala, ngunit sadyang hindi niya matatakasan ang ganti ng karma dahil sunud-sunod na kamalasan ang dumating sa buhay niya. Nagkasakit nang malubha ang anak niyang babae at ito’y sumakabilang buhay rin habang ginagamot sa ospital.

Nas*wi rin sa isang malagim na aksidente ang kaniyang asawa habang nagmamaneho ng motorsiklo. Dahil nabaon sa utang sa pagpapagamot sa anak ay nalugi rin ang tindahan niya. Sa mga kamalasang naranasan ay inusig na siya ng kaniyang konsensiya at isinuko na ang sarili sa mga alagad ng batas. Inamin ni Aling Norma na siya ang naglagay ng lason sa softdrinks na binili sa kaniya ni Luigi. Nagawa lang daw niya iyon dahil sa sobrang galit niya kay Aida sa hindi nito pagbabayad ng utang. Agad na nakulong si Aling Norma at pinagdusahan ang ginawang kasalanan.

Ikinatuwa naman ni Aida at ng kaniyang asawa ang pag-amin ng babae. Sa wakas ay nakamtan na nila ang hustisya para sa kanilang anak na si Luigi.

Advertisement