
Sa sobrang Inis ng Dalaga sa Saleslady ay Sinira Niya ang Ibinebenta Nitong Damit; Biglang Nanikip ang Dibdib Niya nang Malaman ang Halaga ng Nasira Niya
Ugali na ni Rosenda na mag-feeling mayaman kapag pumupunta sa mall. Kahit walang bibilhin ay palagi itong nagpupunta roon para mag-window shopping. Kunwari ay titingin siya ng mga paninda at lalaitin ito hanggang sa hindi niya naman ito bibilhin. Nang mapadaan siya sa bilihan ng mga sapatos ay sinampolan niya ang isang saleslady.
“Miss, bagay ba sa akin ang sapatos na ito?” tanong niya sa babae.
“Bagay na bagay po sa inyo, ma’am!” sagot ng saleslady.
“Talaga? Pero bakit parang ang pangit yata ng disenyo? At ang kulay, parang napaglipasan na. Hindi ko masyado type, eh. Saka parang mahinang klase itong sapatos baka magkapaltos pa ang mga paa ko!”
“Ay, magandang klase po ang mga sapatos namin. Mabenta po ang ganiyang klase ng sapatos. Bakit ‘di mo i-try muna, ma’am baka sakaling magustuhan mo.”
“Sorry, miss, pero diskumpyado ako sa sapatos niyo. Babalik na lang ako kapag may mas magandang sapatos na kayong maipakita sa akin. Sayang lang ang ibabayad ko!” pagtataray niya sa babae.
Hindi na sumagot pa ang saleslady sa sinabi niya.
Palagi niya iyong ginagawa sa tuwing pupupunta siya sa mall, kunwaring bibili ng produkto pagkatapos ay may sasabihin hindi maganda sa produktong ibinebenta, pero hindi naman niya bibilhin ngunit isang araw, habang tumitingin siya ng mga damit sa department store.
“Miss, miss, halika rito. Bilisan mo!” pabalang niyang utos sa saleslady.
Mahinahon namang sumagot ang babae.
“Bakit po ma’am?”
“Bagay ba sa akin ang damit na ito?” tanong niya saka ipinakita ang isang kulay berdeng bestida.
“Yes, ma’am, bagay na bagay po sa inyo ‘yan!”
Nagtaas pa ng kaniyang kilay si Rosenda habang sinisipat ang hawak na damit.
“Ows, talaga lang ha? Pero parang ang pangit ng pagkakatahi. Hindi ko rin gusto ang kulay, masyadong mapusyaw!”
“Ganyan ho talaga ang style ng damit na ‘yan, ma’am. Natitiyak kong bagay ‘yan sa inyo kaya isukat niyo na po!” sabi ng saleslady.
“Sorry, pero parang ang pangit talaga eh! Hindi ko gusto ang tela nito at parang magmumukha lang akong cheap kapag isinuot ko ito!”
Nainis ang saleslady at bumulong.
“Ang sabihin mo ma’am, wala ka lang sigurong pambili!”
Hindi sinasadyang narinig ni Rosenda ang sinabi ng babae kaya sinigawan niya ito.
“Hoy! Aba, aba, teka, akala mo hindi ko narinig ang sinabi mo? Ano’ng akala mo sa akin poorita? Ano bang ipinagmamalaki mo, itong chipipay na damit na ito? Gusto mong ipalamon ko sa iyo ito, ha?!”
Sa sobrang inis ay sinira ni Rosenda ang bestida sa harap ng saleslady.
“Naku, ma’am, bakit niyo po sinira ‘yang damit? Bayaran niyo ‘yan!” gulat na sabi ng babae.
“Magkano ba ang damit na ‘yan?” tanong niya rito kahit may halong kaba. Baka kasi hindi magkasya ang dala niyang pera sa kaniyang wallet.
“Twenty thousand pesos po ang presyo ng bestidang ‘yan!” tugon ng saleslady.
“A-ano?! Ano kamo ang presyo ng damit na ‘yan?”
Nang marinig ni Rosenda ang presyo ng damit na sinira niya ay halos atakihin siya sa puso at biglang nanikip ang dibdib niya.
“T-twenty thousand pesos? Ano ‘yang damit na ‘yan, ginto?” pagulat niyang tanong sa saleslady.
“Yes, ma’am, twenty thousand pesos po ang halaga ng nasirang damit. Imported at branded po kasi ‘yan kaya mahal. Saka sikat na designer ang may gawa niyan. Kaya kailangan niyong bayaran ‘yan!” paliwanag ng babae.
Wala siyang ganoong kalaking pera. Estudyante pa lang siya at wala pang trabaho. Limang daang piso lang ang nasa loob ng wallet niya. Ang akala niya kasi ay mura lamang ang bestida kaya niya sinira. Ano’ng gagawin niya?
Nang sabihin niya na wala siyang pambayad ay isinumbong siya ng saleslady sa guwardiya ng department store at dinala naman siya nito sa pulisya. Nalaman ng mga magulang niya ang nangyari. Dahil hindi naman siya maaaring pabayaan ng mga ito kaya walang nagawa ang mga magulang niya kundi bayaran ang sinira niyang damit. Hiyang-hiya siya sa kaniyang ginawa.
“Sorry po, inay, itay. Sa susunod po ay hindi ko na uulitin ang ginawa ko,” buong kababaang loob niyang sabi.
“Siguro naman ay may aral kang natutunan sa nangyari, anak,” wika ng ina.
“Sana ay nagtanda ka na, Rosenda,” sambit naman ng kaniyang ama.
Napagtanto ni Rosenda na hindi siya dapat na magyabang kung wala naman siyang ipagyayabang. Natuto rin siyang makuntento sa kung anuman ang mayroon siya.