Inday TrendingInday Trending
Viral ang Dalawang Kaskasero nang Magkasalpukan sa Daan ang kanilang Minamanehong mga Sasakyan

Viral ang Dalawang Kaskasero nang Magkasalpukan sa Daan ang kanilang Minamanehong mga Sasakyan

“Ang saya ng road trip natin, ʼdi ba, Kuya?” masayang tanong ni Leon sa pinsang si Gil nang makababa ito sa kaniyang motorsiklo. Iiling-iling naman ang ito habang sumasagot.

“Huwag mo nang uulitin ang ganoʼn, Leon. Tingnan mo at muntik na tayong maaksidente. Sa susunod nga, mag-ingat ka. Hindi mo masasabi ang panahon ngayon. Paano kung makatagpo ka ng kapareho mong kaskasero?” may pangaral pang sermon ni Gil sa pinsan na ang sagot naman ay hagalpak.

“Si Kuya Gil naman, parang hindi naman ito lalaki. Para kang si mama, e. Ang se-sensitive nʼyo. Ganʼon na ang uso ngayon, ano!” ngumingising sabi pa nito.

“Anong uso? Tingnan mo nga at wala ka pang helmet. Mag-ingat ka sa pagmamaneho, Leon. Makinig ka sa akin. Hindi mo alam, baka iyan pa ang ikapahamak mo. Naku!”

Hindi naman na sumagot si Leon sa sinabi ng kaniyang Kuya Gil. Napaka-KJ nga nito para sa kaniya at parang hindi nagdaan sa ganoong stage ng buhay binata. Palibhasa ay pamilyadong tao na ito at ito rin lang ang inaasahan ng iba pa nitong nakababatang kapatid ay ingat na ingat din ito sa sarili. Hindi kagaya niyang lahat ng gustong gawin ay magagawa nang walang makapipigil.

Nagpatuloy ang ganoong gawain ni Leon. Kaskaserong driver siya na madalas ay nakapag-uumpisa ng karambola sa kalye. Maganda kasi ang sasakyan niya, katuwiran niya ay ang pangit naman kung hindi niya susulitin ang pagiging mabilis ng takbo ng makina nito. Sayang ang pera!

Hindi na rin halos mabilang ni Leon kung ilang tao na ang naperwisyo niya o kung ilang beses na niyang napagbayad ng danyos ang kaniyang ina sa mga aksidenteng kinasasangkutan niya sa daan nang dahil sa pagiging kaskasero niya. Wala rin naman siyang pakialam at walang balak magbago. Hindi siya natatakot dahil naniniwala siyang magaling siya.

Nang araw na iyon ay kailangang pumunta ni Leon sa office dahil biglaan siyang ipinatawag ng kaniyang boss kahit na nagsabi na siya kagabi na hindi siya papasok ngayon dahil matindi pa ang kaniyang hang-over. Um-attend kasi siya ng binyagan nang nagdaang araw kaya naman magdamagan ang inuman nilang magkukumpare.

Mabilis na nagbihis si Leon at sumakay na sa kaniyang motorsiklo.

“Anak, mag-ingat ka sa pagmamaneho, ha?” paalala ng ina ni Leon sa kaniya, ngunit hindi na iyon pinagkaabalahan pang pakinggan ni Leon dahil mabilis na niyang pinaharurot ang minamaneho. Iling na lamang ang tanging nagawa ng kaniyang ina habang pinagmamasdan ang papalayo niyang pigura.

Ngunit hindi pa man nakalalayo si Leon ay biglang nagkagulo ang mga tao sa paligid. Mabilis ang mga pangyayari. Wala man lang nakaiwas nang magkasalubong si Leon at ang isa pang motorsiklong kaparehas niya rin ng bilis ang pagpapatakbo at nagsalpukan ang kanilang mga minamaneho!

Tumalsik sa magkaibang direksyon ang mga driver ng dalawang nagsalpukang motorsiklo at nakunan iyon ng CCTV.

Ini-upload iyon ng lokal na pamahalaan ng kanilang lugar sa ibaʼt ibang social media platform upang huwag nang pamarisan pa ng iba. Agad iyong nag-viral at nakakuha ng atensyon ng nakararami. Umani ng ibaʼt ibang reaksyon mula sa mga tao at binatikos ang dalawang kaskasero.

Samantala, si Leon at ang nakasalpok niyang kaskasero ay himalang nabuhay pa sa matinding aksidenteng naranasan nila sa kabila ng napakalalang pinsalang kanilang mga tinamo. Iyon nga lang, parehas silang naputulan ng tig-isang paa, bukod pa ang malalalim na sugat sa kanilang mukha, ulo at katawan.

Laking pagsisisi ni Leon sa nangyari sa kaniya. Ngayon ay isa na siyang inutil dahil hindi siya nakinig sa payo ng kaniyang mga mahal sa buhay, ngayon ay madadamay pa ang mga ito sa kaniyang pagiging pasaway at kaskasero.

Humingi siya ng tawad sa kaniyang Kuya Gil nang mapagtanto niyang tama nga pala ang lahat ng sinasabi at naging babala nito sa kaniya. Humingi rin siya ng tawad sa pamilya ng nakasalpukan niyang driver kahit na parehas silang may kasalanan ay lalong-lalo na, humingi siya ng tawad sa kaniyang inang ngayon ay siyang labis na nasasaktan sa nangyari.

Nangako na lamang si Leon na hindi na magiging pabigat pa sa ina at sisikaping tulungan ito kahit na kulang na ang parte ng kaniyang katawan. Mabuti na lamang at nagbigay ng tulong ang kompanyang pinagtatrabahuhan ni Leon at iyon ang gagamitin niya sa pagsisimula ng panibagong buhay.

Advertisement