
Gustong Saktan ng Isang Babae sa Panaginip ang Misis ng Lalaki; Isang Rebelasyon ang Mabubunyag
“Anton! Anton!”
Napabalikwas sa pagbangon si Anton nang marinig ang sigaw ng asawang si Chantal.
“Gising, gising mahal ko!”
Maya maya ay nagising ang babae. Pawis na pawis, hingal na hingal at takot na takot.
“Napanaginipan ko na naman ang babaeng iyon, Anton! Ayaw niya akong tigilan, sasaktan niya tayo, papat*yin niya tayo!” hiyaw ni Chantal.
“Binabangungot ka lang, mahal ko. Walang babae, hindi siya totoo. Wala siyang gagawin sa atin,” mahinahong sagot ng lalaki habang yakap nang mahigpit ang asawa.
Palaging napapanaginipan ni Chantal ang isang babae na hindi naman niya makita ang mukha dahil natatakpan iyon ng mahabang buhok. Sa panaginip ay gusto siya nitong pat*yin. Noong una ay gusto siya nitong sakalin hanggang sa mawalan siya ng hininga. Pangalawa ay gusto siya nitong saks*kin gamit ang isang matalim na bagay, at ang huli ay gusto siya nitong ihulog sa hagdan sa mawalan siya ng buhay. Takot na takot siya sa babae na gumagambala sa kaniyang mahimbing na pagtulog.
“Natatakot ako, Anton. Baka mamayang gabi ay mapanaginipan ko na naman ang babaeng iyon. Ayoko na, Anton, ayoko na!” hagulgol niya.
Hindi malaman ni Anton kung ano ang gagawin. Minsan ay pumasok sa isip niya na ipakonsulta na sa espesyalista sa pag-iisip ang asawa. Baka kasi kung anu-ano lang ang naiisip nito matapos na mawalan sila ng anak. Isang buwan pa lang ang nakalilipas nang mak*nan si Chantal. Hindi matanggap ng babae na nawala ang sana’y panganay nilang anak ni Anton. Ang sabi ng doktor ay mahirap daw magdalantao ang babae dahil mababa ang m@tres nito.
“Mahal ko, kalimutan mo na ang babae sa iyong panaginip. Hindi siya totoo. Kalimutan mo na rin ang pagkawala ng ating anak, may dahilan ang Diyos kung bakit siya agad na binawi sa atin,” wika ni Anton sa asawa.
“Hindi mo ako naiintindihan, eh. Ayaw akong tigilan ng babaeng iyon. Gusto niya akong pat*yin, pati ikaw ay gusto rin niyang pat*yin. Sa tingin ko ay siya rin ang may kagagawan kung bakit nawala ang baby natin, siya ang pum*tay sa baby natin!” umiiyak pa ring tugon ni Chantal.
Isang araw ay naikuwento ni Anton sa mataik niyang kaibigan na si Roland ang tungkol sa nangyayari sa asawa.
“May kilala akong maaaring makatulong sa inyo,” sabi ng lalaki.
“Sino?” tanong ni Anton.
“Ang pinsan kong si Donna. Isa siyang psychic at baka makatulong siya sa pinagdadaanan ngayon ng asawa mo.”
Pinuntahan nila ang babaeng pinsan ni Roland. Isinama ni Anton ang asawa sa bahay nito. Nang makita at makilala ni Donna ang mag-asawa ay bigla itong kinabahan at nagbabala sa kanila.
“Hindi niya kayo titigilan hangga’t hindi siya nakapaghihiganti!” wika ng babaeng psychic.
“Sino? Sino ang gustong maghiganti sa amin?”
“Ang dating babae sa buhay mo, Anton,” tugon ni Donna.
Hindi makapaniwala ang mag-asawa sa tinuran ng babae.
“S-si Magnolia? Imposible, matagal na siyang pumanaw. Matagal na ring tapos ang gusot sa pagitan naming dalawa. Napatawad na niya ako sa lahat ng ginawa ko sa kaniya noon,” wika ni Anton.
Ang tinutukoy niya ay ang una niyang asawa na si Magnolia. Limang taon na itong namayapa dahil sa isang malubhang sakit. Labis rin ang paghihirap at pagdurusa ng babae dahil kay Anton. Isa kasing babaero ang lalaki na naging dahilan ng paghihiwalay nila noon ngunit bago binawian ng buhay ang dating asawa ay nakapag-usap sila at nakapagpatawaran.
“Hindi ako maaaring magkamali. Kung nais ninyo ay tatawagin ko ang kaniyang kaluluwa at papapasukin sa aking katawan para malaman natin kung bakit niya ginagambala ang iyong asawa,” sambit ni Donna.
Umusal ng Latin na mga salita na tila dasal ang babae at tinawag ang kaluluwa ng dating asawa ni Anton. Maya maya ay biglang nagsalita si Donna. Iba na ang boses nito, boses na nanggagaling sa hukay. Nakapasok na sa katawan ni Donna ang isang galit na kaluluwa.
“Nakapasok na ang kaluluwa ni Magnolia sa katawan ng aking pinsan, Anton,” wika ni Roland na nasa tabi lang nila.
“Kumusta ka na, Anton?” tanong ng kaluluwa.
“M-Magnolia? I-ikaw ba iyan? Bakit mo ginagambala si Chantal? Akala ko ba ay napatawad mo na ako sa mga nagawa ko noon?” Kahit kinakabahan at natatakot ay tinanong ni Anton ang dating asawa.
“Isa ka talagang malaking hangal, Anton! Tuluyan mo na talaga akong nakalimutan? Hindi ako si Magnolia. Isipin mong mabuti kung sino ako at baka sakaling mabawasan ang galit ko sa iyo at sa babaeng iyan!” sagot ng kaluluwa sabay turo kay Chantal.
Nanlaki ang mga mata nina Anton at Chantal sa sinabi ng kaluluwa.
“H-hindi ikaw si Magnolia? Kung gayon ay sino kang gumagambala sa aking asawa?!” sigaw ni Anton.
Biglang tumawa nang malakas ang kaluluwa.
“Binaon muna talaga ako sa limot, Anton? Gaya ng ginawang pagbaon sa katotohanan sa tunay na nangyari sa akin! Puwes ipapaalala ko sa inyo. Ako lang naman ang walang awang pin*slang ng babaeng iyan kasama ang sanggol sa aking sinapupunan!” galit na galit na sumbat ng kaluluwa.
Hindi makapaniwala si Anton sa mga naririnig niya. Bigla siyang napatingin kay Chantal na hindi na nakapagsalita sa sobrang takot.
“K-kilala mo siya, Chantal?” tanong niya.
“Huwag mong sabihing hindi mo alam ang ginawa ng pinakamamahal mong asawa, Anton? Pinuntahan kita noon para ipaalam sana sa iyo na dinadala mo ang ating anak ngunit imbes na ikaw ang madatnan ko sa bahay mo ay ang babaeng iyan ang sumalubong sa akin. Nang sabihin ko sa kaniya na nagdadalantao ako ay walang awa niya akong sinakal sa leeg. Hindi pa siya nakuntento at pinags*saks*k pa niya ako sa dibdib. Nagawa ko pang makatayo noon kahit na puro s@ksak na ang aking katawan pero sadyang dem*nyo ang babaeng iyan at nagawa pa niya akong ihulog sa hagdan na papuntang basement hanggang sa mawalan ako ng buhay. Para maitago ang nagawa niyang kr*men ay ibinaon niya ang aking katawan sa basement. At ang pinakamasakit sa lahat ay nang malaman kong ikaw ang gustong mawala ako sa mundo, Anton! Ikaw ang nag-utos sa babaeng iyan na pasl*ngin ako! Mga hay*p kayo!” bunyag ng kaluluwa.
“N-Nerissa? Ikaw si N-Nerissa? Imposible, ang alam ko’y nasa probinsya ka na kasama ang lalaking totoo mong mahal? Iyan ang sinabi sa akin ni….”
Hindi na naituloy ni Anton ang sasabihin dahil pinigilan ito ni Chantal.
“Tama ang mga sinabi niya, Anton. Nagsinungaling ako sa iyo, sinabi ko sa iyo na nagpakalayu-layo na si Nerissa kasama ang isang lalaking nakabuntis sa kaniya at iniwan ka pero ang totoo ay pinagplanuhan ko talagang iligpit siya dahil hadlang siya sa pagmamahal ko sa iyo. Natakot ako na baka siya ang piliin mo kapag nalaman mong dinadala niya ang anak ninyo. Sinabi ko rin sa kaniya na ikaw ang may kagustuhang mawala siya sa landas mo. Ang akala ko’y maitatago ko ang lahat ngunit nagkamali ako,” hayag ng babae saka tuluyang napahagulgol.
“A-ano?!”
Hindi makapaniwala si Anton sa ginawa ng asawang si Chantal. Ang totoo ay si Nerissa ang isa sa mga naging babae niya nang namayapa ang dating asawang si Magnolia. Hindi niya alam na nabuntis niya ito. Bigla na lang kasing itong nawala at hindi na nagpakita pa sa kaniya. Minahal din niya ang babae ngunit habang may relasyon sila nito ay may lihim din silang relasyon noon ni Chantal ngunit nang sabihin ni Chantal na sumama at nagpabuntis si Nerissa sa ibang lalaki ay kinalimutan na niya ito at ang babae ang kinasama at pinakasalan.
“Patawarin mo ako, Nerissa. Wala akong alam sa nangyari. Hindi totoong ako ang may kagagawan sa nangyari sa iyo at sa ating anak!” naluluhang sabi ni Anton.
‘Di na rin napigilang tumangis ng kaluluwa sa mga nalaman niya.
“Ang gusto ko lang naman ay magkaroon ng ama ang aking anak, Anton. Iyon lang. Wala na sana akong balak na ipagpatuloy pa ang ating relasyon nang malaman ko ang relasyon mo sa babaeng iyan. Ang nais ko lang noon ay ipagtapat sa iyo ang tungkol sa aking pagdadalantao at hingin ang responsibilidad mo bilang ama pagkatapos ay puputulin ko na ang anumang namamagitan sa ating dalawa. Ang importante lang ay kilalanin mo ang ating anak ngunit sa kasamaang palad ay hindi natupad dahil sa ganid mong asawa kaya tama lang na mawala rin ang bata sa kaniyang sinapupunan,” wika pa ni Nerissa.
“I-ikaw ang dahilan sa pagkawala ng anak ko?” tanong ni Chantal.
“Oo, iyan ang ganti ko sa iyo. Buhay ang kinuha mo sa akin kaya buhay rin ang kapalit!”
Walang nagawa si Chantal kundi ang humagulgol. Sising-sisi sa lahat nang nagawa niya.
“Patawad, Nerissa. Tigilan mo na kami. Handa kong panagutan ang ginawa ko sa inyo ng iyong anak. Patawarin mo na rin si Anton, wala siyang kasalanan, ako lang ang may kasalanan sa iyo,” sabi ni Chantal sa babae.
Nang bigla na lang nawalan ng malay si Donna at nang magising ito ay wala na sa katawan nito ang kaluluwa ni Nerissa.
Isinuko ni Chantal ang sarili sa mga pulis at pinagdusahan sa piitan ang kasalanang nagawa. Ipinahukay naman ni Anton ang labi ni Nerissa na nakabaon sa basement at binigyan ng isang maayos na libing. Ipinagdasal din ng lalaki ang katahimikan ng kaluluwa ng babaeng minsan din niyang minahal.
Sa huli ay nagsisisi si Anton dahil kundi siya naging sobrang babaero noon ay wala sana siyang nasirang mga buhay.