
Labis na Ikinagalit ng Lalaki ang Pagkakalat ng Tsismis ng Kanilang Kapitbahay kaya Binawian Niya Ito ng Buhay; Pagsisisihan Niya Pala ang Nagawa
“Ano? Sinabi iyon ni Aling Krising?!” inis na tanong ni Pidyong sa asawa.
“Oo, Pidyong. Napakatsismosa talaga niyang matandang babaeng iyan. Ipinagkakalat ba naman sa mga kapitbahay natin na wala ka raw kwentang ama at asawa. Ipinangangalandakan niya sa lahat na batugan ka at walang silbi!” sumbong ni Leticia.
Mula kasi nang matanggal sa pinapasukang kumpanya si Pidyong ay nahirapan na siyang makahanap ulit ng trabaho. Hindi siya nakapagtapos sa pag-aaral at mahina sa Ingles kaya nahihirapan siyang matanggap sa mga inaaplyan niya. Kung ‘di nga lang nagbawas ng mga empleyado sa pinagtatrabahuhang opisina ay may pinagkakakitaan sana siya. Masuwerte siya noon dahil natanggap sa isang maliit na pagawaan ng mga dekorasyong pambahay dahil ipinasok siya roon ng matalik niyang kaibigan na doon din nagtatrabaho kahit pa salat siya sa edukasyon ngunit nang malugi ang kumpanya ay isa siya sa mga nawalan ng kabuhayan. Nagsumbong naman ang asawa niyang si Leticia na itsinitsismis siya ng kapitbahay nilang si Aling Krising na wala siyang silbing asawa at ama sa dalawang anak dahil ayaw raw niyang maghanap ng trabaho.
“Sobra naman siya. Ginagawa ko naman ang lahat ng makakaya ko para makahanap ng bagong trabaho kaso minamalas ako, eh,” sagot ng lalaki.
“Ewan ko ba riyan kay Aling Krising panay ang tsismis sa iyo. Nagmumukha ka tuloy masama sa mga kapitbahay natin,” tugon ni Leticia.
“Naiinis na ako sa matandang iyan ah, napakatabil ng dila. Wala namang katotohanan ang mga itsinitsismis niya. May araw din sa akin ang gag*ng iyan!” galit na wika ni Pidyong.
Matagal nang isinusumbong sa kaniya ng asawa ang pagkakalat ng tsismis at paninira ng matanda kaya nag-init na ang ulo niya.
Isang araw, habang nakahiga silang mag-asawa sa kuwarto ay muling nagsumbong si Leticia.
“Alam mo ba, Pidyong, sinisiraan ako ni Aling Krising. May nakapagsabi sa akin na sinabi raw sa kaniya ni Aling Krising na pinulot mo lang daw ako sa club at binihisan. Ipinagkakalat niya sa mga kapitbahay natin na isa akong p*kpok,” wika ng babae sa mangiyak-ngiyak na tono.
“Sinabi niya iyon? Grabe na itong si Aling Krising at pati ikaw ay sinisiraan na rin. Bakit ba ang laki ng galit ng matandang iyan sa pamilya natin?” gigil na sagot ni Pidyong.
“Ang sama-sama ng loob ko, Pidyong, pati ako ay ginagawan ng kasinungalinang kwento ni Aling Krising,” sabi ng babae na bigla na lang napahagulgol sa sama ng loob.
“Tahan na, mahal ko. Alam ko namang hindi totoo ang mga sinasabi niya dahil kilala kita at hindi ka ganoong klaseng babae.”
“Sa isip ni Pidyong ay sagad na sa kasamaan ang bibig ni Aling Krising ngunit nagawa pa rin niyang magtimpi alang-alang sa kaniyang pamilya.
Makalipas ang isang linggo, akala ni Pidyong ay tumigil na sa pangangalat ng tsismis si Aling Krising ngunit mas malala pa pala ang makararating sa kaniya.
“Pidyong, alam mo ba na pati ang anak nating si Paul ay sinisiraan ni Aling Krising? Ipinagkakalat niya sa mga kapitbahay natin na ‘abn*rmal’ daw ang anak natin dahil utal magsalita. Sinabi ko na may speech problem lang si Paul pero ayaw niyang maniwala, ipinagkakalat pa rin niya na sinto-sinto ang anak natin tapos nagmana raw sa iyo na sinto-sinto rin daw,” sumbong ni Leticia.
Biglang nag-init ang dugo ni Pidyong sa isinumbong sa kaniya ng asawa. Pati ang nananahimik at walang kamalay-malay nilang anak ay idinamay na ng tsismosa nilang kapitbahay. ‘Di napigilan ni Pidyong na magdilim ang kaniyang paningin at kinuha sa tokador ang baril ng pumanaw niyang ama na dating pulis at sinugod si Aling Krising sa bahay nito.
“Hoy, matandang tsismosa, lumabas ka riyan sa lungga mo!” sigaw niya sa galit na galit na tono.
Nang lumabas ang matanda ay nagulat ito sa pag-a-amok niya.
“O, Pidyong bakit ka nagsisisigaw?”
‘Di na nakapagtimpi pa si Pidyong at itinutok sa matanda ang hawak na baril at pinap*tukan ito sa ulo.
Walang buhay na bumagsak sa lupa ang katawan ni ALing Krising. Mayamaya ay nagsilabas sa bahay ang mga anak ng matanda at nang makita na nakahandusay na bangk*y ng ina ay isa-isang nagsihagulgulan sa pag-iyak ang mga ito.
“Inay, inay, sinong gumawa sa inyo nito?!” hiyaw ng panganay na anak na babae ni Aling Krising.
Biglang natauhan si Pidyong sa ginawa at dali-dali sanang tatakas ngunit mabilis siyang nadakip ng mga barangay tanod sa kanilang lugar. Marami palang nakasaksi sa ginawa niyang kr*men kaya mabilis siyang naisuplong.
Nang magsagawa ng pagsisiyasat ang pulisya, napag-alaman na hindi pala totoong nagpapakalat ng tsismis si Aling Krising sa kanilang lugar. Walang kaalam-alam ang mga kapitbahay tungkol sa pangangalat ng maling balita ng matanda. Sinabi pa ng mga ito na napakabuting tao at kapitbahay ni Aling Krising at wala sinumang nakakaaway sa lugar na iyon. Nang tanungin ng mga pulis ang asawa ni Pidyong na si Leticia ay inamin nitong siniraan niya ng todo ang matanda sa asawa dahil malaki ang inggit nito sa panganay na anak ni Aling Krising na si Salve. Napag-alaman na ang babae pala ang unang naging kasintahan ni Pidyong bago siya. Nang minsang managinip si Pidyong ay ang pangalan ni Salve ang binabanggit nito. Napagtanto ni Leticia na may nararamdaman pa rin ang mister sa anak ng matanda kaya ang binalingan niya ay ang mabait na ina ni Salve at siniraan na nagtulak naman sa mister na p@slangin ito.
“Bakit mo iyon nagawa, Leticia? Wala palang kasalanan si Aling Krising, hindi totoo na nagkakalat siya ng tsismis sa atin. Walang kapatawaran ang ginawa ko sa kaniya at sa kaniyang pamilya!” nagsisising sabi ni Pidyong nang makausap ang asawa.
“Patawarin mo ako, Pidyong. Sa sobrang selos ko kay Salve ay siniraan ko ang kaniyang ina sa iyo. Hindi ko naman kasi inakala na magagawa mo iyon, ang gusto ko lang naman ay ipahiya mo ang ina niya sa mga kapitbahay at hindi ang bawian mo siya ng buhay,” hagulgol ni Leticia.
“Pinagsisisihan ko ang nagawa ko, Leticia. Pinagsisisihan ko rin na nakinig at naniwala ako sa mga kasinungalingan mo. Ikaw ang sumira sa ating pamilya, ikaw ang tunay na kr*minal!” sigaw ni Pidyong sa asawa.
Dahil sa pagkakalat ng maling impormasyon at paninira sa pagkatao ni Aling Krising ay dinakip rin at ikinulong si Leticia. Hindi ang si Pidyong ang magdurusa sa kulungan, pati siya ay hindi makakatakas sa kaparusahan.
Nakamit ng pamilya ni Aling Krising ang hustisya ngunit matagal pa bago nila makalimutan ang pait na sinapit ng kanilang ina na k*nitil ang buhay nang walang anumang kasalanan. Kaawa-awa naman ang anak ng mag-asawang Pidyong at Leticia dahil sa murang edad ay mawawalay siya sa kaniyang mga magulang, mabuti na lang at kinupkop ito ng mga kamag-anak ng mag-asawa para arugain habang pinagbabayaran ng dalawa ang kr*meng nagawa.