
Pilit Itinatakwil ng Ina ang Anak na Lalaki; Ano Kayang Dahilan ng Pagmamatigas Niya?
“Ate Aby, bibisita raw po kayo kina mama bukas? Pwedeng sumama?” sabi ng binatang si Mico habang sabay-sabay silang nag-aalmusal ng pamilya.
“Oo bibisita kami, kaso Mico…” hindi na maituloy ng ate ang sasabihin dahil alam niyang masasaktan ang damdamin ng kapatid. Ngunit tila naintindihan naman na ni Mico ang ibig sabihin ng nakatatandang kapatid.
Bata pa lamang sila ay literal na itinakwil na siya ng ina. Sa tatlong magkakapatid kasi ay ang dalawa niyang ate lamang ang isinama nito nang maghiwalay ito at ang ama niya. Ilang taon lang ang nakalipas simula nang mangyari iyon ay pumanaw rin ang ama niya dahil sa malubhang sakit. Naiwan siya sa pangangalaga ng kaniyang Lola Ariela na siya nang nagsilbing mga magulang niya.
Nakatatak na sa kaniyang murang isipan ang alaala kung saan iniwan siya ng ina. Naaalala niya pa noon ang labis-labis niyang pag-iyak at pagmamakaawa para lang isama siya nito ngunit ni hindi man lang siya nito nilingon. Simula noon ay hindi na ito nagpakita sa mansyon nila. Hindi niya ininda ang lahat ng iyon, at habang nagbibinata ay pinipilit pa rin niyang ilapit ang sarili sa ina.
Minsan pa nga siyang nalagay sa kapahamakan nang tumakas siya sa kaniyang sundo para lang puntahan ang bahay ng ina at mga kapatid. Naholdap siya noon dahil sa iskwater area ang mga ito nakatira, at nangingibabaw ang mamahalin niyang uniporme at bag. Nasa ospital na siya nang magising, at ang lola niya lang ang nasa tabi niya. Ayon dito ay ni hindi man lang dumalaw ang kaniyang ina kahit alam nito ang nangyari.
Ngayong bente anyos na si Mico at may sarili nang pag-iisip ay nagsisimula na ring tumigas ang puso niya para sa ina. Labis na inggit ang kalungkutan ang nararamdaman niya dahil nakikita ang mga ate na ayos naman ang relasyon dito.
“Mico, alam mo na ngang ayaw sa iyo ng ina mo. Tingnan mo nga’t kahit pinatutuloy ko na ‘tong sila Aby sa mansyon ay nagmamatigas pa rin siyang huwag kang makita. Hayaan mo siya, mag-focus ka sa pag-aaral mo dahil alam mo namang ikaw ang susunod na magiging tagapagmana ng ating kompanya,” istriktang sabi ni Madam Ariela na ikinatahimik naman ng tatlo.
Pagdating sa abuela ay baligtad naman. Malamig ang pakikitungo nito sa dalawang anak na babae, habang kay Mico naman nakatuon lahat ng pag-aaruga nito. Kahit noong buhay pa ang padre de pamilya ay ang salita ni Madam Ariela ang batas. Kaya’t kung anong sinabi nito ay dapat masusunod.
Sa salita ng abuela ay ibinaling na lang ni Mico ang atensyon sa pag-aaral. Tila ba noon lang tumanim sa kaniya ang mga sinabi ng lola, “kung ayaw niya sa’yo, hayaan mo siya.”
Sabik si Mico na umuwi sa mansyon dahil napag-alaman niyang gagraduate siya nang may mataas na karangalan. Nabitin ang magandang balita sa kaniyang lalamunan nang makita niya ang lola na bumagsak sa sahig!
Nagmamadali nila itong isinugod sa ospital. Dahil hindi malaman ang gagawin ay tinawagan niya kaagad ang mga kapatid. Agad din namang nagsidatingan ang mga ito, at nagulat siya nang nakitang kasama ng mga ito ang inang si Marie.
Sa mga sumunod na araw ay kailangang sumailalim ni Madam Ariela sa operasyon. Laging pinagmamasdan ni Mico si Marie at nakita niyang totoo ang ipinapakitang pag-aalala ng ina sa kaniyang lola. Hindi niya alam ang ugat ng malamig na pakikitungo ng mga ito sa isa’t isa ngunit alam niyang ayaw na ayaw ng kaniyang lola dito. Ngunit sa kabila noon, ngayong nangangailangan ang kaniyang abuela ay si Marie lang ang kamag-anak na nagprisintang mag-alaga dito.
“Bakit niyo ho inaalagaan si lola, kahit na magkaaway kayo?” hindi mapigilang tanong ng binata isang araw na sila lang ng ina ang naiwang magbantay sa matanda. Akala niya ay hindi nito sasagutin ang tanong niya, ngunit nagulat siya sa sinabi nito.
“Ang pamilya ay pamilya, kahit anong mangyari. Gugustuhin mong protektahan at alagaan sila.”
Hindi na lang isinatinig ni Mico ang hinanakit na naramdaman. Eh bakit siya hindi nito maprotektahan at maalagaan? Hindi ba pamilya ang tingin nito sa kaniya?
Nakatulugan na pala niya ang pagsisintir. Napabalikwas siya nang bangon nang marinig ang mahihinang tinig. Mukhang gising na ang lola! Ngunit napatigil siya nang marinig ang pangalan niya.
“… sana ay pagbigyan niyo na ho,” narinig niyang sabi ni Marie habang humihikbi.
“Maniwala ho sana kayo sa akin, naging tapat ako sa asawa ko. Kahit noong pinalayas niyo ako sa mansyon ay ni hindi ko nagawang tumingin sa iba. Kung nagdududa pa rin kayong pera lang ang habol ko sa pamilya niyo, sana naman napatunayan na iyon ng labinlimang taon na sinunod ko ang utos niyong pabayaan sa inyo si Mico dahil kung hindi ay itatakwil niyo rin siya bilang apo. Pero hindi ko na ho kayang magpanggap na hindi ko mahal ang anak ko…” pakiusap pa ni Marie sabay luhod sa harap ni Madam Ariela.
Nabasag ang mahabang katahimikan nang sa wakas ay magsalita ang matanda.
“Ngayong nasa bingit ang aking buhay, saka lang nalinawan ang mga mata ko. Sa huli ay ikaw rin pala ang mag-aalaga sa akin. Akala ko noon ay kaya mo lang gustong kunin si Mico ay dahil siya ang magiging tagapagmana ng kompanya. Kaya ginawa ko ang lahat para mapalayo ang loob niya sa’yo. Patawarin mo ako Marie, nagkamali ako. Ipinagkait ko sa apo ko ang pinakamahalagang bagay, at iyon ang kalinga mo. Mico… alam kong gising ka apo. Mapatawad mo rin sana ako sa ginawa ko,” sabi ni Madam Ariela habang lumuluha. Hindi ito ang tipong nagpapakita ng emosyon ngunit sa pagkakataong iyon ay ito pa ang yumakap kay Marie at Mico.
Tuluyan ngang nagkapatawaran ang lahat. Naguguluhan man ay mas nanaig kay Mico ang abot-langit na kasiyahan ngayong kasama na niya ulit ang ina. Pinili niyang patawarin ito, at nangako itong babawiin ang lahat ng panahon na nasayang nila. Ngayon, muling nabuo ang kanilang pamilya na winasak ng hindi pagkakaintindihan. Lubos ang pasasalamat ni Madam Ariela sa Panginoon para sa pangalawang buhay na binigay nito sa kaniya. Nagawa niyang magbago at naayos niya ang gusot na siya rin naman ang gumawa. Totoong hindi pa huli ang lahat habang may buhay. Kaya’t habang kaya natin, dapat tayong magpatawad at piliing mabuhay na may pag-ibig sa isa’t isa.