
Labis ang Inis ng Binata sa Ama dahil Ayaw Siyang Bilhan Nito ng Kotse; Isang Malagim na Aksidente ang Magtuturo sa Kaniya ng Aral
“Pa, hindi niyo lang alam kung gaano ka-dyahe na ako na lang ang walang sariling sasakyan sa aming magto-tropa. Kailan mo ba talaga ako bibilhan ng kotse?” sambit ni Carl sa kaniyang amang si Danny.
“Tigilan mo ako, Carl. Nagagamit mo naman ang kotse ko, ah. Saka sa tingin ko ay hindi pa para sa’yo ang pagmamaneho sa lansangan,” tugon naman ng ama.
“Anong hindi pa p’wede? May lisensiya ako, dad, nakalimutan mo na ba? Kayang-kaya mo naman ako bilhan ng sasakyan, bakit ba pinagdadamot mo pa ito sa akin?” naiinis na wika ng binata.
“Tingnan mo nga ang asal mo. Sa tingin mo ba ay kaya mo nang mag-isa? Kapag nakita ko na maayos na ang pag-uugali mo at talagang kailangan mo na ng kotse at hindi lamang dahil ikaw lang ang wala sa barkada at para may maipagyabang lang, doon pa lang pag-iisipan kung bibili kita ng kotse mo,” mariing sambit ni Danny sa anak.
Sobrang inis naman ang nararamdaman ni Carl sa kaniyang ama.
Matagal na kasing hinihiling ni Carl na magkaroon siya ng kaniyang sariling sasakyan. Ang sabi ni Danny ay maaari kung nasa labing walong taong gulang na ito at legal na para magmaneho. Ngunit dahil sa inaasal ng kaniyang anak at patuloy na pagsama sa maling barkada ay nangangamba ang ama na kung ano pa ang masamang maidulot nito sa kaniyang anak.
Sa labis na galit niya sa ama ay nagkulong na lamang ito ng kaniyang silid.
Nang malaman ng kaniyang inang si Sonya ang nangyayari sa kaisa-isang anak ay agad niya itong kinausap.
“Hindi dapat ganito ang ginagawa mo, anak. Dapat ay ipakita mo sa daddy mo na karapatdapat ka sa hinihiling mo sa kaniya. Wala namang ibang nais ang ama mo kung hindi ang mapabuti ka,” wika ng ina.
“Ma, sa eskwela ako na lang ang inihahatid at sundo ng magulang. Ilang taon na ba ako? Masyado na akong matanda para sa ganiyang bagay. Ang simple lang naman ng hiling ko kay daddy, isang bagong sasakyan. Kahit lima nga ay kaya niyang bumili. Pero pagdating sa akin ay madamot siya,” saad pa ng binata.
Hindi maunawaan ni Carl ang nais ng kaniyang ama. Ang tanging alam niya ay malaking kontra-bida ito sa kaniyang nais. Kaya sa kaniyang ina siya lumapit.
Hindi naman matanggihan ni Sonya ang kaniyang anak. Kaya madalas nitong kausap ang kaniyang asawa.
“Danny, ibigay mo na ang gusto ng anak mo. Bilhan mo na siya ng kotse. Kung gusto mo ay ako na lang ang bibili sa kaniya,” pakiusap ni Sonya kay Danny.
“Isa ka pa, Sonya. Sa tingin mo ba ay responsable na ang anak mo para magmaneho? Baka mamaya ay kung saan natin pulutin iyan. O hindi naman, ‘wag naman sana ay baka madisgrasya siya. Ayusin muna niya ang kaniyang ugali saka ko pag-iisipan. Pinal na ang desisyon ko, Sonya. Ayokong tayo ang mag-away nang dahil dito,” tugon ng mister.
Hindi na pinansin ni Carl ang kaniyang ama mula noon. Patuloy ito sa pagmamataas hanggang hindi siya ibinibili ng kaniyang ama.
Isang araw ay aalis si Carl nang hindi nagpapaalam kay Danny.
“Saan ka pupunta?” tanong ng ama sa binata.
Ngunit hindi man lamang lumingon si Carl upang sagutin ang ama.
“Binabastos mo ba ako, Carl? Saan ka pupunta?” sigaw muli nito.
Bago pa mauwi sa pag-aaway ay sumabat na si Sonya sa mag-ama.
“Nagpaalam na sa akin ang batang iyan. Sige na, hayaan mo nang lumabas kasama ang mga kaibigan. Saglit lang naman daw sila. Uuwi siya kaagad,” pakiusap ng ginang sa mister niya na pilit niyang pinapakalma.
“Bahala ka, Carl! Bahala kayong dalawa!” napapailing na lamang si Danny sa ginagawang pagkampi ni Sonya sa anak.
Ilang oras na mula nang makaalis si Carl at lumalalim na ang gabi ngunit wala pa ito sa bahay. Patuloy ang pagtawag ni Sonya sa kaniyang anak ngunit hindi ito sumasagot. Sa labis na pag-aalala ay hindi na mapakali itong si Sonya.
“Hanapin na kaya natin ang anak mo,” wika ni Sonya sa asawa.
“Pinayagan mong umalis ngayon ay hahanapin mo. Tumitigas na ang ulo ng batang iyan, Sonya. Habang maaga ay dapat nang mabali ang sungay niya. Baka mamaya ay kung ano ang mangyari riyan sa anak natin. Pag-uwi niya ay kailangan bigyan ko siya ng kaparusahan upang magtanda siya at huwag na huwag kang makikialam, Sonya!” pahayag ni Danny.
Aalis na sana ang mag-asawa upang hanapin ang kanilang anak nang may isang tawag ang gumimbal sa kanila.
Nasa ospital daw si Carl at nag-aagaw buhay.
Dali-daling nagpunta sa ospital ang mag-asawa. Labis ang kanilang pag-aalala sa kung ano ang tunay na nangyari sa kanilang anak.
“Hindi po maganda ang kondisyon ngayon ni Carl, tatapatin namin kayo. May balang dumaplis sa kaniyang puso,” saad ng doktor.
Kinausap naman ni Danny ang mga pulis at inalam ang tunay na nangyari.
“Ayon po sa mga saksi at sa mga kaibigan ng anak ninyo ay nakainom daw po sila. Itong anak niyong si Carl ang nagmamaneho ng kotse ng kaniyang kaibigan nang biglang may isang kotse na inunahan sila. Sobrang galit daw nitong anak ninyo at pinatakbo ng mabilis ang sasakyan. Nang maabutan niya ang kotse na nakaungos sa kaniya ay pinagmumura niya ito at hinamon pa. Binangga pa nga ng anak ninyo ang kotse nito. Dahil na rin sa galit ng nakaalitan niya ay kumuha ito ng baril at pinaputukan ang inyong anak,” salaysay ng pulis.
Hindi makapaniwala ang mag-asawa sa sinapit ng kaniyang anak. Nagsisisi naman itong si Sonya at pinayagan pa niyang lumabas ng araw na iyon si Carl. Kung hindi sana ay naiwasan sana ang ganitong pangyayari.
Patuloy ang panalangin ng dalawa na makaligtas ang kanilang anak. Ilang linggong nakaratay si Carl sa ospital hanggang sa bumuti ang kalagayan nito.
Nang nakakausap na si Carl ay labis niyang pinagsisisihan ang kaniyang ginawa.
“Ngayon ay naiintindihan ko na po kayo, dad. Patawarin po ninyo ako sa tigas ng ulo ko. Pangako ko po sa inyo na gagamitin ko itong pangalawang buhay ko upang ituwid ang aking mga pagkakamali,” saad ni Carl.
“Maintindihan mo sana, anak, na walang nais ang mga magulang kung hindi kabutihan lamang kanilang mga anak. Muntik ka nang mawala sa amin, Carl, nang dahil lang sa walang kwentang bagay. Mahal kita, anak, kaya gusto ko ay maging maayos ang buhay mo,” wika naman ni Danny.
Nagkapatawaran na ang mag-ama. Simula nang araw na iyon ay binago na ni Carl ang kaniyang masamang ugali at nagsimula na rin siyang makinig sa mga pangaral at payo ng kaniyang mga magulang sapagkat alam niyang hindi siya ilalagay sa kapahamakan ng mga ito.