Inday TrendingInday Trending
Hindi Sumuko ang Ginoo sa Paghahanap sa Nawawalang Misis na OFW; Malaking Habag Niya sa Tunay na Sinapit Nito

Hindi Sumuko ang Ginoo sa Paghahanap sa Nawawalang Misis na OFW; Malaking Habag Niya sa Tunay na Sinapit Nito

“Pasensiya ka na, Lindsey. Dapat ako ang nagtatrabaho ngunit ikaw itong kailangang lumisan sa pamilya para maghanapbuhay. Kung hindi lang talaga ako naaksidente ay hindi mo na kailangan pang gawin ang bagay na ito,” saad ni Wally sa kaniyang maybahay.

“H’wag ka nang mag-isip ng kung ano man, mahal. Mag-asawa tayo. At ang mag-asawa ay dapat nagtutulungan sa hirap at ginhawa. Dahil hindi mo kaya ngayon ay ako na muna ang bahala sa ating pamilya,” pahayag naman ni Lindsey.

“Napakaswerte ko talaga sa’yo, mahal. Hayaan mo, kapag umayos na ang kalagayan ko ay pauuwiin na kita kaagad at ako na ang magtatrabaho para sa pamilya,” sambit muli ng mister.

Isang mekaniko sa isang talyer itong si Wally. Dahil sa isang aksidente ay nabali ang kaniyang buto sa binti at hirap na itong makalakad. Hindi na siya nakapagtrabaho simula noon. At dahil na rin sa lumalaking gastusin ng pamilya ay kinailangan ni Lindsey na maghanap ng trabaho upang matugunan ang kanilang pangangailangan.

Pumasok siya bilang isang domestic helper sa Hong Kong. Kahit na labag ito sa kalooban ni Wally ay wala na siyang magawa pa dahil na rin sa pangangailangan ng kaniyang pamilya.

Sa umpisa ay naging maayos naman ang trabaho ni Lindsey sa Hong Kong. Ngunit ang sabi niya ay mahigpit daw ang kaniyang amo kaya isang beses lamang sa isang linggo sila nakakausap ng kaniyang asawa.

Nag-aalala man para sa kalagayan ng misis ay idinadaan na lamang ni Wally ang lahat sa panalangin.

“Sigurado ka lang ba na ayos ka riyan, mahal? Kung hindi ka naman ayos ay pwede ka nang umuwi dito at magsimula na lang tayo muli,” saad ni Wally sa asawa.

“Marami pa tayong kailangang bayaran, mahal. At saka lumalaki na ang mga bata. Gusto ko na rin na magpatingin ka nang diretso para patuloy na rin ang paggaling mo. Hayaan mo at ayos naman ang kalagayan ko rito,” wika naman ni Lindsey.

Ngunit inililihim lamang ni Lindsey ang lahat sa kaniyang asawa. Ang katotohanan ay pinagmamalupitan siya ng kaniyang amo. Hindi maganda ang pakitungo ng mga ito sa kaniya lalo na ang amo niyang babae. Madalang nga lang siyang pakainin nito at madalas ay kinukulong pa siya kung sila ay aalis na mag-anak.

Nakiusap na si Lindsey na pakawalan na lamang siya ng amo at babalik na lamang siya sa Pilipinas ngunit kinuha nito ang pasaporte ng ginang. Wala nang magawa pa si Lindsey. Tinanggalan din nila ito ng komunikasyon sa kaniyang pamilya upang hindi makapagsumbong.

Dahil dito ay labis nang nag-aalala si Wally. Alam niyang hanggang may pagkakataon ay tatawag sa kanila ang kaniyang misis upang sila ay makausap at kumustahin. Ngunit lumipas ang mga buwan at wala na silang narinig mula rito.

Hanggang sa isang araw ay may dumating sa kanilang mensahe na huwag na raw hanapin pa si Remy dahil wala na raw ito sa kaniyang mga amo. Sumama na raw ito sa ibang lalaki sa Hong Kong.

“Baka totoo ang sinasabi sa mensaheng iyan, nag-asawa na ng iba sa Hong Kong ang asawa mo. Ano nga naman ba ang mapapala niya sa isang kagaya mong baldado? Kailangan mong tanggapin na hindi na uuwi si Lindsey sa iyo,” saad ni Aling Remy sa kaniyang anak na si Wally.

“Hindi po ganoong klaseng babae ang asawa ko. Bakit kung anu-ano ang iniisip niyo sa kaniya? Hindi ba kayo nag-aalala kung ano na ang nangyari sa asawa ko? Kung kaya ko lang ay hahanapin ko siya,” sambit ng ginoo.

“Para saan pa? Para masaktan ka sa katotohanan. Saka paano mo gagawin iyon sa kalagayan mo? Paano ka rin makakapunta sa ibang bansa gayong wala ka namang kapera-pera?” saad pa ng ina.

Nahirapan man si Wally ngunit pursigido siyang hanapin ang kaniyang asawa sa ibang bansa. Ramdam niyang hindi lang ito basta sumama sa iba. Simula noon ay nagpalakas si Wally upang muli siyang makalakad.

Nang magawa niya ito ay unti-unti siyang nag-ayos ng papeles papuntang Hong Kong. Kahit na magkanda-utang-utang siya ay hindi niya inalinta. Ang mahalaga ay matunton niya ang nawawalang asawa.

“Bahala ka sa gusto mong gawin,” sambit ni Aling Remy.

“Pero, sinisigurado ko sa iyo na masasaktan ka lang sa gagawin mo. Mag-aaksaya ka lang ng oras. Ang mabuti pa ay gamitin mo na lang ang pera para makapagsimula ka ng panibagong buhay kasama ang mga anak mo. Napakaraming babae riyan,” dagdag pa ng ina.

Ngunit hindi nagpatinag si Wally. Lumipad siya patungong Hong Kong upang hanapin ang kaniyang asawa.

Kahit na hindi kalakihan ang Hong Kong ay hindi naging madali ang naging paghahanap ng ginoo sa kaniyang maybahay. Tinitipid tipid niya ang baon niyang pera. Ayos lamang sa kaniyang malipasan ng gutom basta ang nakatuon siya sa muli nilang pagkikita ni Lindsey.

Lumipas na ang mga araw at nawawalan na ng pag-asa si Wally na makita ang misis. Gusto niyang isipin na nag-asawa na nga ito ng iba ngunit iba ang sinasabi ng kaniyang puso.

Nang pabalik na siya sa paliparan, habang nakasakay sa isang taxi ay tila may isang pamilyar na mukha siyang nakita sa kalsada. Marumi ang babae at tila nawawala ito sa sarili. Agad niyang pinatigil ang sinasakyan at tumakbo papalapit sa nasabing ale.

Pagharap ng babae sa kaniya ay napaluha na lamang siya nang maaninagan ang mukha ng kaniyang asawa.

“Sa wakas ay natagpuan din kita,” umiiyak na sambit ni Wally sabay hagkan sa kaniyang misis.

Kumuha sila ng isang hotel upang malinis niya ang asawa at mapakain rin niya. Agad din silang pumunta sa embahada ng Pilipinas upang ikwento ang naging kalagayan ni Lindsey at tulungan silang makauwi.

Laking gulat ni Aling Remy nang makitang naiuwi ni Wally ang asawa at kung saan niya ito natagpuan.

Hindi naging madali ang paggaling ni Lindsey mula sa kaniyang sinapit. Kinailangan pa nila itong ipatingin sa espesiyalista sa isipan upang bumalik ang katinuan nito.

Nang gumaling ang misis ay doon niya ikinuwento ang lahat.

“Pinagmamalupitan ako ng amo ko ngunit dahil ayaw kong mag-aalala kayo at nais kong makabayad tayo sa lahat ng utang ay tiniis ko ito. Ngunit patuloy ang pagmam@ltrato nila sa akin. Kaya napilitan akong layasan sila. Ngunit wala akong mapupuntahan. Nagpalaboy-laboy ako sa lansangan. Wala akong naisip noon kung hindi kayo at kung gaano ko ninanais na makauwi sa piling niyo,” hindi na napigilan pa ni Lindsey ang lumuha.

“Hindi ko alam kung nasaan na ako ngayon kung hindi mo ako hinanap, mahal. Nagpapasalamat ako at nagtiwala ka sa pag-ibig ko sa’yo. Maraming salamat at hinanap mo ako!” patuloy sa pagtangis ang ginang.

Hinagkan ni Wally ang kaniyang asawa.

“Hindi ba, ikaw na rin ang nagsabi na ganoon ang mag-asawa? Kailangan magdamayan sa hirap at ginhawa. Alam kong hinding-hindi mo magagawang magtaksil sa pamilya natin. Labis ang pag-aalala ko sa’yo kaya pinilit kitang hanapin. Walang araw na hindi ko hiniling sa Diyos ibalik ang oras at hwag na kitang payagang umalis. Maraming salamat pa rin sapagkat binigyan niya pa tayo ng pagkakataon upang magkasamang muli,” wika naman ng ginoo.

Simula noon ay pinilit na nilang ibinaon sa limot ang lahat ng mapait na sinapit ni Lindsey sa ibang bansa. Sinikap ni Wally na siya na ang tumaguyod sa kanilang pamilya. Laking pasasalamat ni Lindsey sa kaniyang asawa dahil hindi ito tumigil upang magkasama silang muli.

Advertisement