Inday TrendingInday Trending
Nais nang Wakasan ng Matanda ang Kaniyang Buhay Dahil sa Pagkawala ng Asawa; Isang Bata pala ang Magbibigay sa Kaniya ng Bagong Pag-Asa

Nais nang Wakasan ng Matanda ang Kaniyang Buhay Dahil sa Pagkawala ng Asawa; Isang Bata pala ang Magbibigay sa Kaniya ng Bagong Pag-Asa

“Mang Simon, baka gusto po ninyong sumali sa salu-salo sa baranggay. Halina po kayo at isasabay ko kayo,” sambit ng isang babae sa matandang kapitbahay.

Ngunit patuloy lamang ang matanda sa paglalakad at hindi man lamang nilingon ang ginang sa kaniyang paanyaya.

“Hayaan mo na nga iyang si Mang Simon. Kahit kailan naman ay walang kumausap sa wirdong matandang iyan,” pabulong na sambit ng kasama ng kasama ng babae.

“Ikaw naman, nagmamagandang loob lang ako. Baka kasi sa pagkakataon na ito ay mamansin na si Mang Simon,” bulong naman ng ale.

Dalawang taon na simula nang yumao ang asawa ni Mang Simon ay lubusan na itong nagbago. Hindi na ito katulad ng dati na palabati sa kanila at magiliw. Madalang itong lumabas ng bahay. Makikita mo lamang siyang lumalabas kung didiligan ang mga halamang tanim ng kaniyang asawa o kung dadalawin niya ito sa puntod.

Madalas pa ay saradong-sarado ang bahay ng ginoo kaya wirdo ang tingin sa kaniya ng ilang kapitbahay.

Ngunit ang katotohanan ay lubos ang kalungkutang nararamdaman ng matanda. Wala pa silang anak kaya umikot talaga ang mundo ni Mang Simon sa kaniyang yumaong asawa. Labis ang kaniyang pangungulila ngayong wala na ito.

“Bakit kasi hindi mo na lang din ako sunduin, Lydia? Siguro naman ay madali lang iyon,” saad ni Mang Simon habang kinakausap ang larawan ng asawa.

“Hindi ko na talaga kaya pa ang pangungulila ko sa’yo. Hindi ko alam kung ilang taon pa ako mabubuhay rito sa mundo at kung gaano ko pa katagal titiisin ang mabuhay nang wala ka. Gustung-gusto ko nang makasama ka,” dagdag pa nito habang nangingilid ang luha.

Dahil sa sobrang kalungkutan ay naisip niya na bakit hindi na lamang wakasan niya ang sariling buhay nang matapos na rin ang kaniyang paghihirap. Nang sa gayon ay tuluyan na niyang makasama ang kaniyang asawa.

Gumawa siya ng liham. Isinasaad niya roon na nais niyang mailibing sa tabi ng kaniyang asawa. Isinuot niya ang paborito niyang damit at saka siya nagtali ng lubid sa kisame. Ngunit nang isasakatuparan na niya ang pagpapatiw@kal ay may kumatok sa kaniyang pinto.

Dahil ayaw matapos ng pagkatok ay napilitan si Mang Simon na itigil muna pansamantala ang kaniyang balak at tingnan kung sino ang nasa labas. Nagulat siya nang makita ang anak ng kaniyang kapitbahay, ang walong taong gulang na si Miles.

“Lolo Simon, p’wede po ba dito muna ako sa bahay niyo?” umiiyak na pakiusap ng bata.

“Hindi maaari! Hindi ka rito nakatira! Umuwi ka na sa bahay niyo at baka mamaya ay kung ano pa ang sabihin ng ibang tao! Hindi ka maaari rito!” pagtataboy ng matanda.

“Parang awa niyo na po, Lolo Simon. Ayaw ko na pong umuwi sa bahay namin,” patuloy sa pagtangis ang bata.

“Hindi ko na po makakaya ang pag-aaway ng mommy at daddy ko. Araw-araw, gabi-gabi, wala silang ginawa kung hindi magsigawan at magsakitan. Hindi ko na po makakaya pa,” hagulgol pa ni Miles.

May parte kay Mang Simon na tila nahabag sa bata kaya hindi na siya nakatanggi pa at pinatuloy na niya ang batang si Miles sa loob ng kaniyang bahay.

“H’wag kang kumalikot ng kahit ano rito sa bahay ko! Tandaan mo, uuwi ka rin kapag tapos nang mag-away ang mga magulang mo!” sambit ng matanda.

“P’wede po bang magpalipas muna po ako ng gabi rito, Lolo Simon?” tanong ni Miles.

“Hindi maaari. Marami akong kailangang gawin at ayokong may bata rito. Diyan ka lang sa sala at may gagawin ako. Tandaan mo huwag kang gagalaw ng kahit ano!” mariin nitong bilin.

Ipinagpaliban ni Mang Simon ang kaniyang nakatakdang pagpapatiw@kal. Kinuha niya ang lubid at saka itinago sa kaniyang aparador. Saka niya muling binalikan si Miles sa sala.

“Hindi ba sinabi ko sa iyo na wala kang gagalawin na kahit ano? Bitiwan mo ang larawan na iyan!” galit na sigaw ni Mang Simon.

“P-pasensiya na po, Lolo Simon. Ito po ba ang asawa niyong si Lola Lydia?” tanong ng bata habang kinuha ni Mang Simon ang tangan nitong larawan.

“Hindi ko po kasi maiwasan na titigan ang kaniyang mukha. Sobra po palang ganda ni Lola Lydia noong bata pa siya. Kaya siguro nabighani kayo sa kaniya nang sobra-sobra,” pag-usisa ng bata.

“Hindi lang siya maganda. Wala pang kasing bait ang puso siya,” malumanay na wika ni Mang Simon.

“Sana po ang pagtingin niyo sa isa’t isa ay tulad ng sa mga magulang ko. Kung ganoon po, siguro po ay ako na ang pinakamasayang bata sa mundo,” nalulungkot na wika ng bata.

Hindi na naiwasan pa ni Mang Simon ang magtaka sa pinagdadaanan ng bata. Kaya tinanong niya ito sa tunay na nangyayari sa kanilang tahanan. Ikinalungkot din ng matanda nang malamang magulo pala ang buhay ni Miles dahil ang ama niya ay may ibang babae at laging sinasaktan pa nito ang kaniyang ina.

“Nais ko nga pong maglayas, Lolo Simon. Naiisip ko po kasi kung mapapansin ba nila ang pagkawala ko o wala na talaga akong halaga sa kanila. Tingnan niyo nga po, hanggang ngayon ay hindi pa rin nila ako hinahanap. Kapag pinaalis niyo na po ako rito ay hindi ko po alam kung saan ako pupunta. Siguro po doon sa parke at doon na ako magpapalipas ng gabi,” pahayag pa ni Miles.

Nangamba naman si Mang Simon sa sinabi ng bata. Kahit ayaw niyang makialam sa buhay ng bata ay kargo de konsensiya na niya ito ngayon.

Kaya imbis na paalisin niya ay hinayaan na lamang niyang manatili sa kaniyang bahay ang bata. Ipinaghanda niya ito ng mainit na tsokolate at biskwit. Nang maubos ito ay nakumbinsi ni Mang Simon si Miles na umuwi na ng bahay.

Ngunit sa tuwing mag-aaway ang mga magulang ni Miles ay kay Mang Simon ang tungo ng bata. Lagi tuloy napupurnada ang masamang binabalak nito.

Ngunit habang tumatagal na nakakasama niya si Miles ay tila unti-unti na ring nalalayo ang isip ni Mang Simon sa kaniyang nais gawin. Naaawa siya kay Miles dahil wala na itong matatakbuhan kundi siya.

Hanggang sa isang araw ay nagulantang na lamang si Mang Simon nang dumating sa kaniyang bahay ang bata at marami itong pasa at sugat sa katawan. Pati raw kasi siya ay sinasaktan na ng kaniyang ama.

Sa labis na galit ni Mang Simon ay tinawag niya ang mga pulis at doon ay pinadampot niya ang ama ni Miles.

“Patawad sa gagawin ko, Miles, pero ito ang nararapat. Kailangan g mailayo na ang daddy mo sa inyo upang matigil na ang pang-aab*uso niya sa inyong mag-ina,” saad pa ng matanda.

Ngunit imbis na magalit ay napayakap na lamang si Miles kay Mang Simon.

“Matagal ko na pong gustong umalis sa amin si daddy dahil naaawa na po ako kay mommy! Pero natatakot po kami sa kaniya. Maraming salamat po, Lolo Simon! Kung hindi dahil sa inyo ay hindi na mababago po ang buhay namin ng mommy ko!” walang patid sa pag-iyak ang bata habang nakayakap kay Mang Simon.

Nagpasalamat din ang ina ni Miles sa ginawang tulong na ito ng matanda.

“Napakalaking tulong po ninyo sa amin. Mabuti na lamang ay nariyan kayo, Mang Simon. Maraming salamat po,” saad pa ng ginang.

Hindi naiwasan ni Mang Simon na bumalik sa alaala niya ang isang hapon na nais niyang wakasan ang kaniyang buhay ngunit dumating ang batang si Miles.

“Sa totoo lang, ako ang dapat magpasalamat kay Miles. Matagal na akong walang gana sa buhay ko. Nawalan na ako ng dahilan na mabuhay. Ngunit nang dumating siya sa buhay ko ay nabago ang lahat. Matagal ko nang gustong sumalangit. Matagal ko nang ipinagdarasal na sana ay kunin na rin ako upang makasama ko na ang asawa ko. Ngunit si Miles ang ibinigay niya sa akin. Alam ko na ang batang ito ang paraan ng Diyos para sabihin sa akin na may halaga pa ang buhay ko na ito,” pahayag ni Mang Simon sa mag-ina.

Simula noon ay nanumbalik na ang saya ni Mang Simon. Palagi niyang kasa-kasama ang kaniyang apo-apohang si Miles. Malaki man ang naitulong ni Mang Simon sa mag-ina ay mas malaki pa rin ang nadalang kasiyahan ni Miles sa buhay ng matanda.

Ngayon ay may dahilan na ito upang ipagpatuloy ang kaniyang buhay, dahil kailanman, hindi solusyon ang pagbawi sa sarili buhay upang matapos ang lahat ng iyong mga pinoproblema.

Advertisement