
Ayaw Pakinggan ng Isang Ina ang Kutob ng Anak sa Bago Nitong Kasintahan; Lubos Niya Pala Itong Pagsisisihan
“Celia, dalaga na pala itong anak mong si Cindy. Manang-mana sa kagandahan mo, a. Kapag tiningnan kayong dalawa ay parang magkapatid lang,” saad ni Zeny sa kumareng si Celia habang pauwi kasama ang anak na dalaga nito galing palengke.
“Siyempre, kanino pa ba magmamana itong si Cindy. Kung ano ang puno ay siya rin ang bunga. Marami ngang nagsasabi na parang kapatid ko lang itong si Cindy. Masarap pala talagang magkaroon ng babaeng anak kasi parang mayroon akong matalik na kaibigan,” pahayag naman ni Celia.
“Oo at hindi nga kayo mapaghiwalay. Lagi ko kayong nakikita na magkasama. Naiinggit tuloy ako sa samahan ninyo dahil hindi kami malapit ng kaisa-isang anak kong babae. Doon siya sa ama niya malambing!” sambit ng kumareng si Zeny.
“O siya, uuwi na kami, mare. Tuturuan ko pa kasi ang anak ko na magluto ng paborito niyang kare-kare,”
Lumaking malapit si Cindy sa kaniyang inang si Celia. Simula kasi nang mawala ang kaniyang ama dahil sa isang matinding karamdaman ay ang ina na niya ang tumaguyod sa kaniya.
Naging sandigan ng mag-ina ang isa’t isa. Katulad ng sinabi ng kumare ni Celia ay hindi sila mapaghiwalay at marami ang naiinggit sa pagiging malapit ni Celia sa kaniyang anak.
Ngunit ang lahat ng ito ay magbabago nang isang araw ay makilala ni Celia ang binatang si James. Mas bata ito kaysa sa ginang at ito ang naghahatid sa kanila ng inuming tubig. Palapit ang ginang sa binata hanggang sa magkaroon ng relasyon ang mga ito.
“Ma, ang sabi mo ay ayos na sayo na ako na lang ang nasa buhay mo. Bakit kailangan mo pang magkaroon ng kasintahan. Hindi mo na ba mahal ang papa ko?” tanong ni Cindy sa kaniyang ina.
“Mahal ko pa rin ang papa mo, anak. Kaso may mga pangangailangan din ako. Saka kailangan natin ng lalaki dito sa bahay. Sino ang magtatanggol sa atin at sino ang mag-aalaga sa akin? Kailangan ko ng makakasama lalo na kung mag-aasawa ka na,” tugon naman ng ina.
“Ma, ako ang mag-aalaga sa inyo sa pagtanda niyo. Ako ang bahala sa ating dalawa. Sapat nang si papa na lang ang tanging lalaki sa buhay mo. H’wag ka nang mag-asawa muli, ma,” pakiusap ni Cindy sa kaniyang ina.
Ngunit masyado nang lunod sa pagmamahal itong si Celia. Hanggang sa nagsama na nga silang dalawa ni James sa iisang bubong.
Tutol man si Cindy sa desisyon na ito ng kaniyang ina ay wala na siyang magagawa pa. Batid din niya ang kaligayahang dala ng binata sa kaniyang ina kaya ayaw na niyang maputol pa ito.
“Isa lang ang hiling ko sa iyo. H’wag na h’wag kang papayag na masaktan ng lalaking iyan, ‘ma. Alam mo kung paano ka minahal ni papa at kung paano ka niya iningatan at pinahalagahan. Kailangan ay mapantayan man lamang niya ‘yon,” saad ni Cindy sa kaniyang ina.
Dahil palaging magkasama si James at Celia, madalas ma-miss ni Cindy ang pagiging malapit ng kaniyang ina. Kahit na anong gawin ng ina na paglalapit sa anak at sa bago nitong kasintahan ay mayroong pumipigil kay Cindy. Nararamdaman niyang may hindi mabuting binabalak itong si James. Kaya sinasabi niya ito sa kaniyang ina.
“Hindi ganun ang pagkakakilala ko kay James, Cindy. Alam kong ayaw mo sa kaniya pera ‘wag mo naman siyang siraan sa akin nang ganiyan. Alam mong mahal ko ‘yung tao,” saad ni Celia sa anak.
“Baka pwedeng maging masaya ka na lang para sa amin ni James, anak. Mahal pa rin naman kita kahit nariyan na siya sa buhay ko,” dagdag pa ng ginang.
Hanggang sa isang araw, habang nasa palengke si Celia ay hindi kaagad umalis ng bahay itong si James upang pumasok sa trabaho nito.
Dahan-dahan niyang pinasok sa kaniyang si silid itong si Cindy na akmang nagbibihis ng mga sandaling iyon. Malalim ang pagkakatitig ng binata. Nang mapansin ni Cindy na nakatitig sa kaniya si James ay agad itong nagtakip ng katawan ay saka sinigawan ang kasintahan ng ina.
“Anong ginagawa mo sa silid ko? Lumayas ka rito! Bastos ka!” pagtaboy niya sa binata.
Ngunit tila walang naririnig itong si James at bigla na lamang sinunggaban ang dalaga.
Buong lakas na nagpumiglas si Cindy upang makawala sa masamang ginagawa sa kaniya ni James ngunit malakas ito. Patuloy ang pagsigaw ni Cindy upang humingi ng saklolo ngunit tila walang nakakarinig sa kaniya.
Mabuti na lamang ay naiwan ni Celia ang kaniyang pitaka kaya agad niya itong binalikan sa kanilang bahay.
Nang makarinig siya ng ungol ay labis ang kabang kaniyang naramdaman. Unti-unti niyang sinilip ang silid ng kaniyang anak at doon nga ay nakita niya ang masamang ginagawa ng kaniyang kasintahan sa dalaga.
Agad na dinampot ni Celia ang plorera at binasag ito sa ulo ni James. Doon ay nagkaroon siya ng pagkakataon na maitakas ang kaniyang anak.
Dali-dali siyang humingi ng tulong sa pulisya upang madakip ang kaniyang kasintahan.
Lubos ang pagsisisi ni Celia dahil sa nangyari sa kaniyang anak. Labis ang paghingi nito ng tawad sa kaniyang anak.
“Patawarin mo ako at hindi ako nakinig sa’yo, anak, at inuna ko ang damdamin ko. Patawarin mo ako, anak! Kasalanan ko ang lahat ng ito,” paghagulgol ni Celia habang hinahagkan ang kaisa-isang anak.
Lubos na na-trauma si Cindy sa lahat ng nangyari. Matagal man at naging mahirap para sa dalaga ang makabangon sa tila bangungot na pangyayaring iyon ay hindi umalis si Celia sa tabi nito. Inalalayan niya ang anak hanggang sa naging maayos na ang lahat.
Nagsisisi siya na kailangan pang humantong ang pagkabulag niya sa pag-ibig sa kapahamakan ng sariling anak.
Nangako si Celia kay Cindy na kahit kailan ay hindi na niya ito pababayaan at mananatili siya sa tabi ng dalaga magpakailanman.