
Inaapi ng Tiyahin ang Pamangking Nakituloy sa Kanila; Nang Lumayas Ito ay Hindi Nila Akalain ang Mangyayari sa Buhay Nito
“Pumayag na ang Tita Sylvia mo na doon ka muna sa kanila manuluyan pagdating mo sa America habang naghahanap ka ng matitirahan mo. Tamang-tama at ‘yung dalawang pinsan mo lang na sina Kara at Troy ang naroon. May mga pasok pa sila sa trabaho kaya madalas na ang tiya mo lang ang nasa bahay,” pahayag ng inang si Anita sa kaniyang anak na si Jane.
“Baka pwedeng sa ilang kaibigan na lang po ako makituloy, nanay. Hindi kasi kami malapit sa isa’t isa nila tita at mga anak niya. Isa pa, nahihiya po ako, ‘nay,” tugon naman ng dalaga.
“Mabait naman ang mga iyon, anak. Saka magaling ka namang makisama. Mainam na rin na sila ang kasama mo dahil kamag-anak natin sila. At saka makakatipid ka pa dahil alam kong hindi ka pababayaan ng Tita Sylvia mo,” wika pa ni Anita.
“Basta, ‘nay. Kapag nakahanap na po ako ng matutuluyan ay aalis ako kaagad sa kanila. Alam ko po kasi na mahirap ang buhay sa Amerika. Ayokong maging pabigat sa kanila,” saad pa ni Jane.
Matagal ding pinag-isipan ni Jane ang pag-alis niyang ito patungo sa Amerika. Maganda man ang trabaho niya rito sa Pilipinas bilang isang consultant ay nagnanais pa rin siyang mapabuti ang buhay ng kaniyang ina at kapatid. Simula kasi nang mawala ang kanilang ama ay siya na ang umako ng lahat ng responsibilidad ng pamilya.
Bilang siya lang ang nakatapos ng pag-aaral, lakas loob siyang umalis sa trabaho upang makipagsapalaran sa Amerika. Hindi man niya alam kung ano ang kaniyang kakaharapin doon ay nasasabik na rin siyang simulan ang bagong yugtong ito sa kaniyang buhay.
“Lagi kang mag-iingat doon, anak. Tandaan mo kahit ano man ang mangyari sa iyo ay narito lang kami. H’wag mo kaming isipin dito, anak. Ayos lang kami. Ang pagtuunan mo ng pansin ay ang sarili mo,” hindi na napigilan ni Anita ang maiyak habang inihahatid ang anak sa paliparan.
“Opo, ‘nay. Lagi po ninyo akong isasama sa inyong mga panalangin. Lalo na po ang trabaho ko. Sana po ay maging ayos ang lahat para sa akin doon,” wika naman ni Jane na hindi na rin napigilan ang pagbagsak ng mga luha.
“Susunduin ka raw ng Tita Sylvia mo sa paliparan. Ikumusta mo ako sa kaniya,” saad pa ng ina.
Tuluyan nang lumipad pa-Amerika si Jane. Nang makalapag ang kaniyang eroplano sa Amerika ay akala niya’y sasalubungin ka agad siya ng kaniyang tiya. Pero halos limang oras siyang naghihintay sa paliparan at saka na lamang siya nasundo ng mga ito.
“Pasensiya ka na, nagpunta pa kasi ako ng grocery. Saka hinanda ko pa ang mga gagamitin ng mga anak ko para sa trabaho nila,” saad ni Sylvia sa pamangkin.
“Ayos lang naman po, Tita Sylvia. Naaliw naman po ako sa paglilibot saka pag-oobserba sa paliparan,” nahihiyang tugon ng dalaga.
Nang makarating siya sa bahay ng tiyahin ay pinatuloy siya sa isang silid na tila bodega.
“Pasensiya ka na at wala akong panahon para linisin pa ang silid na ito. Ikaw na ang bahalang maglinis. Kaya mo na ‘yan!” wika ni Sylvia sa pamangkin.
Kahit tuloy pagod ang katawan mula sa mahabang byahe ay walang nagawa si Jane kung hindi simulan na agad ang paglilinis. Bago lumabas ng silid ang kaniyang tiya ay may sinabi ito ulit sa kaniya.
“Jane, alam mo namang mahal ang pamumuhay rito sa Amerika at hindi biro ang mga bayarin. Kaya hindi magiging libre ang pagtira mo rito sa bahay. Kailangan mong bayaran ang upa mo rito at pagkain. Hayaan mo, hindi na kita sisingilin sa tubig at kuryente pati sa telepono,” pahayag ni Slyvia.
Wala nang nagawa pa si Jane kung hindi ang pumayag sa gusto ng kaniyang tiyahin.
Imbis na makapahinga itong si Jane at makapaghanda para sa unang araw ng kaniyang trabaho ay walang ginawa ang mag-iina kung hindi utusan siya. Palibhasa ay nakikisama at sanay sa hirap ay ginagawa niya ang lahat ng mga gawaing bahay.
“Jane, tutal malapit na ang pasok mo, sa sweldo mo ay h’wag mong kalimutan ang sinabi ko sa iyo, a. Kailangan ko ng pambayad dito sa bahay,” patuloy na pagpapaalala ng tiyahin.
Dahil palagi ngang inuutusan itong si Jane ay hindi na siya magkandaugaga sa bahay at sa trabaho. Ilang linggo pa lamang siya sa pinapasukan ay kaagad siyang natanggal.
“Ano ba naman ‘yan! Umuwi ka na lang sa Pilipinas! Kulang ang kakayahan mo rito sa Amerika, Jane. Kung hindi ka maabilidad dito ay hindi ka aasenso. Saka ano ang ibabayad mo rito sa bahay ko? Tingnan mo ang mga anak ko, dapat sila ang pamarisan mo. Mga magaganda ang trabaho nila, sumusweldo sila nang malaki,” panghahamak ni Sylvia sa pamangkin.
“Binibigyan kita ng ilang araw para lisanin ang lugar ko. Hindi ko kayang magpatira rito ng pabigat, Jane. Maghanap ka ng trabaho o umuwi ka na lang sa Pilipinas,” dagdag pa ng ginang.
Napapaluha na lamang si Jane sa nangyari sa kaniya. Ngunit sa tuwing naiisip niya ang kaniyang pamilya ay kailangang hindi siya panghinaan ng loob.
Isang araw ay naglakas ng loob si Jane na tuluyan nang lisanin ang bahay ng kaniyang tiya.
“E ‘di lumayas ka! Ikaw pa itong magmamalaki. Tingnan natin kung saan ka pulutin dito sa Amerika. H’wag kang makakahingi ng tulong sa akin o sa mga pinsan mo kung ano man ang mangyari sa iyo!” sigaw ni Sylvia sa pamangkin.
Isang matipid na pasasalamat sa tiyahin ang naging tugon lamang ng dalaga.
Lumipas ang ilang buwan at nagkitang muli ang magtiyahin sa loob ng isang banko.
“Ano ang ginagawa ng isang katulad mo sa lugar na ito? Siguro ay mangungutang ka, ano? Ginandahan mo pa ang suot mo para hindi maikaila na wala kang binatbat. Sa tingin mo ay papautangin nila ang isang tulad mo?” saad pa ng ginang.
“Hindi po ako narito para mangutang,” natatawang sambit ni Jane.
“At ano ang nginingisi-ngisi mo riyan?” naiinis na sambit ni Sylvia.
“Ngayon ko lang po napagtanto kasi na kaya siguro minalas ang buhay ko pagdating ko rito sa Amerika ay dahil sa inyo. Nang makawala ako sa inyo ay sunod-sunod na ang magagandang nangyari sa akin,” pahayag pa ng dalaga.
Maya-maya ay tinawag ng isang banyagang babae itong si Jane. Laging gulat nito na si Jane pala ang manager ng nasabing banko. Hindi niya akalain na nagtagumpay na pala sa buhay ang dalaga.
“Siguro ay kung ano ang ginawa mo para lang mapunta ka sa posisyong iyan,” wika pa ni Sylvia.
“H’wag niyo po akong ipares sa inyo, Tita Sylvia. May dangal po ako sa aking sarili. Mabuti na lamang ay may mga kaibigan akong handang tumulong sa akin na itinuring ako na higit pa sa pamilya. O siya, maiwan ko na po kayo dahil marami pang naghihintay sa aking trabaho at mga tauhan,” sambit ni Jane.
Napahiya sa sarili si Sylvia. Lalo na sa ginawa niya sa kaniyang pamangkin. Nanliit siya sa kaniyang sarili nang mabalitaan kung gaano kalaki ang sinasahod ni Jane at kung saan na ito nakatira ngayon.
Nadala na rin ni Jane ang kaniyang pamilya sa Amerika at sama-sama silang naninirahan sa malaking bahay na kaniyang binili. Natupad na ng dalaga ang kaniyang pangarap na maiahon sa kahirapan ang kaniyang pamilya.
Nais mang makipag-ayos ni Sylvia sa pamangkin dahil sa yaman na mayroon ito ay hindi na siya kailanman kinausap ni Jane. Ito ay para maprotektahan na rin ang kaniyang ina at mga kapatid mula sa maaaring pananamantalang gawin ng kaniyang tiyahin.