
Mula sa Maruming Pamumuhay ay Nagdesisyon Siyang Magbago; Ngunit Bakit Tila Sinusubok Siya ng Tadhana?
“Salamat po, Sir. Tatawagan ko na lang po kayo ulit kapag idedeliver na namin ang mga in-order niyo. Salamat po sa pagtitiwala,” nakangiting wika ni Rachel sa kaniyang huling kliyente.
Hinatid niya ito palabas hanggang sa makasakay ito sa isang sasakyan na alam niyang mamahalin.
Pagkabalik niya sa loob ng warehouse na nagsisilbing kuta nila ay dali daling niyang nilikom at binilang ang mga perang kaniyang natanggap mula sa huling kliyente.
Kinuha niya rin ang mga pekeng papeles na kaniyang ginamit sa panlilinlang sa kaniyang mga kliyente kasama na ang peke niyang ID.
“Ayos! Mukhang marami ka na namang naperahan!” nakangising bati sa kaniya ni Vicky, isa sa kaniyang mga kasamahan.
“Ikaw ba naman ang magkaroon ng mala-anghel na mukha. Talagang marami kang mabibingwit niyan,” natatawang komento naman ni Dennis.
“Kung alam lamang nila ang totoong intensyon sa likod ng mga matatamis mong ngiti, Rachel,” naiiling na komento naman ni Will.
Natawa siya sa mga kasamahan saka isa isa ring sinilip ang mga dala dalang bag ng mga ito. Mukhang kagaya niya, marami ring kinita mula sa panggagangtso ang mga ito.
“Naku! Mas magaling lang talaga kong dumiskarte sa inyo. Walang kinalaman ang ganda ko rito! Magmadali na kayo para makaalis na agad tayo, naghihintay pa si Tita Sylvia sa atin,” biro niya bago pinaalalahanan ang mga kasamahan.
Galing sa bahay-ampunan si Rachel. Doon na siya nanirahan mula bata pa siya hanggang mag-bente anyos siya.
Highschool lamang ang natapos niya nang makilala niya si Tita Sylvia, ang babaeng kukupkop sa kaniya. Kahit na malapit ang kaniyang loob sa mga madre sa bahay-ampunan ay sumama pa rin siya kay Sylvia.
Binuhay siya nito at binigyan ng trabaho – ang panloloko sa mga tao. Noong una ay hindi niya ito tinanggap pero kinailangan niya rin iyong gawin kalaunan nang matuklasan niyang limpak limpak ang kita roon.
Doon niya nakilala ang mga kasamahan niya na ngayon ay itinuturing niya nang pamilya. Inampon rin ni Sylvia ang mga ito.
“Tita Sylvia!” tawag ni Dennis dito nang makauwi na sila sa bahay.
“Nandito na pala kayo. Kumusta ang trabaho?” masiglang pagbati nito saka binuksan ang ilaw.
Nasa isang tagong lugar sila naninirahan upang makasigurado na hindi sila madaling mahahanap ng pulisya kung sakaling mabulilyaso ang kanilang ilegal na trabaho.
“Malaki ang kita namin, Tita. Lalo na ako. Pwede na nga po tayong mamuhay sa luho sa loob ng limang taon dahil sa laki ng halaga na nakuha namin,” pagyayabang ni Rachel.
“Mabuti. May tiwala ako sa inyo at alam kong walang sabit ang trabaho niyo. Sige na, pwede na kayong magpahinga,” nakangiting taboy nito sa kanilang lahat.
Isa isa nang nag-akyatan sa kani-kanilang kwarto ang kaniyang mga kasamahan ngunit nanatili siya sa baba dahil sa bagay na bumabagabag sa kaniyang isipan.
“Tita, pwede ko po ba kayong makausap?” tawag ni Rachel dito bago pa ito makaalis.
Bumalik ito sa pagkakaupo at maiging minasdan siya habang hinihintay nito ang sasabihin niya.
“Mahigit sampung taon na po akong nasa puder at pangangalaga niyo at sobra po ang pasasalamat ko doon. Pero tingin ko po ay oras na para tumigil na po ako,” paglalahad niya rito ng saloobin.
“Naiintindihan ko, anak. Malaki ka na at alam kong alam mo ang mas makabubuti para sa iyo,” buo ang pag-unawang tugon nito.
“Sana po maintindihan niyo rin po ang kagustuhan ko na makalimutan ang mga masasamang bagay na ginagawa natin. Pero makakaasa po kayo na hinding hindi ko po makakalimutan ang mga tao na nakasama ko at ang mga pangaral niyo,” dagdag pa niya.
Nakangiting tumango ito. Napanatag ang loob niya dahil naiintindihan siya nito.
Binigyan siya nito ng isang mahigpit na yakap.
Kinabukasan din ay nagpaalam siya sa mga kasamahan niya. Naging emosyonal ang kanilang paghihiwalay dahil sa tagal na nilang pagsasama.
“Mag-iingat ka, Rachel,” huling paalala ng kaniyang Tita Sylvia.
Marami na siyang ipon galing sa kaniyang trabaho kaya sigurado siyang makakaya niya nang mabuhay ng mag-isa.
Hindi na siya bumabata at alam niyang panahon na upang mamuhay siya nang matapat.
Naghanap siya ng pansamantalang mauupahan habang naghahanap siya ng mag-aasikaso sa bahay na gusto niyang bilhin. Sa bagong bahay niya ay tutuparin ang kaniyang mga pangarap sa disenteng pamamaraan.
Inasikaso niya rin ang pagbibigay ng tulong sa bahay-ampunan.
“Sister Leonora! Kamusta po kayo?” pagbati niya sa madre na nag-alaga sa kaniya ng pumunta siya sa bahay-ampunan kung saan siya nanggaling.
Pumunta siya sa lugar na iyon upang ibalik ang tulong nito sa kaniya sa pamamagitan ng pagbibigay ng malaking halaga. Iyon ang isa pa sa mga layunin niya ngayong nagbabagong buhay na siya.
“Rachel, hija! Salamat sa iyong tulong. Nawa’y pagpalain ka ng Diyos sa iyong kabutihan,” masayang wika nito sa kaniya.
Pilit na ngiti ang isinukli niya sa sinabi nito. Sa dami kasi ng taong niloko niya ay hindi na siya sigurado kung mapapatawad pa siya ng Diyos.
Makalipas ang ilang linggo ay nakuha niya na sa wakas ang susi ng binili niyang bagong bahay. Kaunting pera na lamang ang natira sa kaniya ngunit sapat na ito para makahanap siya ng marangal na trabaho.
Damang dama niya ang pagkasabik habang nakasakay siya sa taxi papunta sa bago niyang bahay.
Malawak siyang napangiti nang makita ang kabuuan ng bahay mula sa labas. Iyon ang katas ng kaniyang pinaghirapan.
Ganun na lamang ang pagkunot ng kaniyang noo nang hindi gumana ang susi na ibinigay sa kaniya ng ahente.
Sa kaniyang pagkagulat ay isang lalaki ang lumabas mula sa kaniyang bahay.
“Sino ka, at anong ginagawa mo sa bahay ko?” gulat na sita niya sa lalaki.
“Anong bahay mo? Bahay ko ‘to!” giit ng lalaki.
Kahit na naguguluhan ay ipinakita ni Rachel sa lalaki ang mga dokumento na nagpapatunay na siya ang may-ari ng bahay.
Ngunit hindi papatalo ang lalaki dahil may mga dokumento ring hawak ito.
Nagpasya silang ikonsulta sa isang abogado ang kanilang problema at ganun na lamang ang panlalambot ni Rachel sa naging tugon nito.
“Peke ang mga dokumentong ibinigay sa’yo ng ahente, Ms. Rachel. Kahit ang pangalan ng ahente ay peke. Hindi ikaw, kundi si Mr. Ong, ang tunay na may-ari ng bahay.”
Tila iyon bomba na sumabog sa kaniyang harapan. Nais man niyang itanggi ang katotohanan na siya ay naloko ay hindi niya magawa.
Bilang eksperto sa panggagantso, alam niya na malabo nang maibalik pa sa kaniya ang pera niyang nawala.
Wala siyang ibang magawa kundi lumuha. Sa isang iglap lang ay nawala sa kaniya ang pinaghirapan niya ng halos sampung taon.
Hindi niya inakala na mangyayari din sa kaniya ang mga bagay na ginagawa niya sa ibang tao.
Mapait siyang napangiti. Naalala niya ang isang lumang kasabihan.
“Kung ano ang ginawa mo sa iyong kapwa ay siya ring mangyayari sa’yo.”
Kahit na mahirap ay pinanindigan ni Rachel ang desisyon na mamuhay ng tapat, at hindi na niya sinubok pang bumalik sa dati niyang buhay.
Payak man ang naging pamumuhay niya, ang mahalaga ay wala siyang naaapakan na tao.