
Wala na Siyang Balak Balikan ang Pamilya na Inabandona; Isang Nakakaiyak na Tagpo ang Magpapabago ng Kaniyang Isip
“Camille, pakitawag na ang mga bata para makapag-agahan na,” utos ni Sister Martha sa bente-uno anyos na si Camille.
Ngumiti siya rito at agad na tumalima.
Isa lang ito sa mga normal na araw niya sa halos apat na taon niyang pananatili sa Home of the Angels, isang bahay-ampunan.
Siya ang nag-aasikaso at nagbabantay sa mga bata para hindi mag away-away ang mga ito. Kung minsan ay tumutulong siya sa kusina at paglilinis.
“Good morning, mga bata! Kailangan niyo nang bumaba para mag-almusal!” masigla niyang bati sa mga ito.
Magrereklamo pa sana ang mga bata kaya may sinabi siyang alam niyang makapagpapasunod sa mga ito.
“Magagalit si Sister!” pananakot niya.
Agad na nag-unahan ang mga ito. Susunod na sana siya nang may mapansin.
Naiwan si Roby, isa sa batang pinakamatagal nang nananatili sa lugar. Halos kasabay niya itong dumating doon kaya naman malapit ang kaniyang loob rito.
“O, bakit naiwan ka, Roby?” takang usisa niya rito. Kadalasan kasi ay nangunguna ang bata kapag nagyaya siyang kumain.
Hindi sumagot ang bata. Muli siyang nagtaka dahil likas na madaldal ang bata.
“Roby, may problema ba?” hindi mapakaling usisa niya rito.
Bumuntong-hininga ito at sa unang pagkakataon ay nagsalita.
“Aampunin na po kasi Kenneth, Ate Camille. Hindi ba’t ngayon darating ang aampon sa kaniya?” nakangusong wika nito.
Natahimik siya sa sinabi nito. Alam niya kasi na si Kenneth ang itinuturing nitong matalik na kaibigan. Palaging magkalaro at magkadikit ang dalawa. Kahit sa pagtulog ay magkatabi ang mga ito.
“Oo. Kaya ka ba malungkot? Bakit, ayaw mo bang maampon si Kenneth?” Umupo siya sa tabi nito.
Pinanood niya kung paano pinaglaruan ng paslit ang mga daliri nito, na kadalasan nitong ginagawa kapag may alalahanin ito.
“Hindi, Ate. Gusto ko na maampon na siya dahil ibig sabihin ay magkakapamilya na siya sa wakas. Malungkot lang talaga ako dahil maiiwan ako rito,” pahayag nito.
Naiintindihan niya ito. Kung minsan ay nahihirapan pa rin siya kapag may umaalis sa mga inaalagaan kahit na alam niyang maganda ang magiging buhay ng mga ito. Kaya nauunawaan niya ang nararamdaman ni Roby, na mawawalay mula sa malapit na kaibigan nito.
“Nandito naman si Ate Camille, ‘di kita iiwan,” malambing na pagpapalubag loob niya sa bata.
Totoo naman iyon. Hindi niya iiwan ang bahay-ampunan dahil wala siyang balak na bumalik sa kaniyang pamilya.
Ngumiti ito sa kaniyang sinabi bago nito mahigpit na hinawakan ang kaniyang kamay.
“Naku, iiyak talaga ako kapag ikaw ang umalis. Sa tingin mo, Ate, makakaalis pa kaya ako rito?” inosenteng tanong nito.
Hindi siya agad na nakasagot. Hindi rin nila alam kung bakit hanggang ngayon ay walang umaampon kay Roby, gayong napakabait na bata nito.
“Oo naman, ano. Maghintay lang tayo. May plano ang Diyos para sa ating lahat,” payo niya sa bata.
Kahit na sinabi ni Roby na masaya ito para sa kaibigang si Kenneth ay hindi pa rin nito napigilan ang sarili na umiyak nang paalis na ang kaibigan.
Tila dinudurog naman ang puso ni Camille sa tagpo sa kaniyang harapan.
“Mag-iingat ka. Mami-miss kita,” pagpapaala ni Kenneth dito bago tuluyang sumama sa bago nitong pamilya.
“Tara na sa loob,” yaya niya kay Roby na umiiyak pa rin habang tinatanaw ang kaibigan kasama ang umampon dito.
Nang mga sumunod na araw ay maraming pamilya o mag-asawa ang bumisita upang maghanap ng batang aampunin.
Masaya siya sa tuwing may mga bata na napipili dahil alam niyang simula na iyon ng mas magandang buhay para sa mga ito.
Ngunit sa tuwing makikita niya ang malungkot na si Roby dahil ni minsan ay hindi man lang naging interesado rito ang mga mag-aampon ay hindi niya maiwasan makaramdam ng habag para rito.
Ngunit sa kabilang banda ay hindi siya nababahala. Ayaw niya kasi na mawala sa kaniya ang bata. Halos kapatid na ang turing niya dito at talagang masasaktan siya sa oras na umalis ito.
“Anak ko! Anak ko! Maddie, nasaan ka na?”
Nagulat siya dahil sa komosyon na gawa ng isang matandang babae. Sa likod nito ay ang isang matandang lalaki na hula niya ay asawa nito. Kitang-kita sa mukha ng lalaki ang pag-aalala para sa babae ngunit wala rin itong magawa para pigilan ang naghihisteryang babae. May mga guwardiya na rin na nakapalibot sa babae.
“Anong nangyayari?” usisa niya sa isang kasama nang tuluyan siyang makalapit.
“May sakit yata, hinahanap ang kaniyang anak. Eh malamang wala naman dito,” paliwanag nito sa kaniya.
Nakita niyang isa isa nitong sinuyod ng tingin ang mga bata ngunit sa tingin niya ay wala naman itong balak na saktan ang mga ito kaya nanatili siya sa kaniyang kinatatayuan at hinayaan ang babae.
“Jose, wala si Maddie dito. Wala rito ang anak ko. Nasaan na ba siya?” desperado nitong tanong sa asawa.
Niyakap naman ito ng lalaki. Kitang kita niya ang awa sa mga mata nito.
“‘Wag ka nang umiyak. Hahanapin natin si Maddie,” pagpapatahan nito sa asawa.
Nang kumalma na ang babae ay isa-isa nilang pinabalik ang mga bata sa sari sariling kwarto ng mga ito.
“Tubig po.” Ibinigay niya sa matandang lalaki ang isang bote ng tubig.
“Salamat, hija,” wika nito. Malalim ang gatla sa noo nito. Halatang nahihirapan ito sa pinagdaraanan ng asawa nito.
Umupo siya sa tabi nito bago maingat na nag-usisa.
“Ano po ang nangyari kay Maddie? Kung hindi nyo po mamasamain ang tanong ko.”
“Halos sampung taon na simula noong umalis siya sa bahay. Napuno siguro dahil sa sobrang higpit namin sa kaniya kaya napagalitan nang husto ng kaniyang Mama. Simula noon, hindi na umuwi. Wala kaming balita kung anong nangyari. Sobrang na-guilty si Sonya, minsan ay nawawala siya sa sarili at umaalis siya para hanapin si Maddie. Kaya parang walang mangyaring masama, ay sinasamahan ko siya. Minsan talaga ay nangyayari ito. Pasensiya na kayo at mukhang naka-istorbo pa kami,” mahaba nitong paliwanag bago humingi ng pasensiya.
Unti-unti ay bumigat ang kaniyang puso sa kwento nito. Naalala niya bigla ang kaniyang sariling pamilya na inabandona niya halos apat na taon na ang lumipas.
Lumayas siya sa kanilang bahay dahil kagaya ng pamilya ni Maddie, masyadong mahigpit ang kaniyang mga magulang sa mga patakaran. Sinuway niya ang kaniyang ina kaya nagalit ito at napagbuhatan siya ng kamay.
Agad naman itong humingi ng tawad subalit napangunahan na siya ng emosyon. Nagdesisyon na siyang umalis sa kanilang bahay at kaya siya napadpad siya sa bahay-ampunan.
Hindi namalayan ni Camille na ay luha na pala na tumulo mula sa kaniyang mga mata. Nagdusa rin kaya ang kaniyang mga magulang kagaya ng pagdurusa ng mga magulang ni Maddie, hanggang sa punto na nawala sa katinuan ang ina nito?
Nagulat siya nang may magpunas ng kaniyang luha. Nang mag-angat siya ng tingin ay nakita niya ang matandang babaeng kanina lang ay nagwawala. Mukhang kalmado na ito.
“Bakit ka umiiyak?” tanong nito.
“Nagsisisi na po ako sa pag-abandona ko sa pamilya ko. Hindi ko dapat ginawa ‘yun,” ang tanging nasabi niya.
Ikinuwento niya sa mga ito ang kaniyang kuwento na tanging si Sister Martha lang ang nakaaalam.
“Naku, mabuti pa at umuwi ka na. Siguradong hinihintay ka na ng iyong mga magulang,” payo ng matandang lalaki.
“Paano po kung hindi nila ako mapatawad? Baka nga po kinalimutan na nila ako,” takot na tanong niya. Galit kasi ang mga ito noong huli silang magkita.
“Hindi sila galit sa’yo. At walang magulang na kayang limutin ang kanilang anak. Maniwala ka sa akin.” May malaking ngiti ito sa labi, at tila siguradong sigurado ito sa sinasabi.
Nang araw ding iyon ay nag-empake siya ng gamit at nagpaalam na uuwi na siya. Agad naman siyang pinayagan ni Sister Martha na matagal daw na hinintay ang kaniyang pagkukusang loob.
Kabado siya nang kumatok sa pinto ng kanilang bahay.
Nang tumambad ang mukha ng kaniyang ina ay hindi niya malaman ang sasabihin ngunit nang yakapin siya nito nang mahigpit ay tuluyan nang bumagsak ang kaniyang luha.
Abot abot ang paghingi niya ng tawad sa pag-aabandona niya sa pamilya. Nais naman ng kaniyang mga magulang na limutin na nila ang nakaraan at bawiin ang mga panahong nawala sa kanila.
Hindi rin niya nakalimutan si Roby. Malaki ang pasasalamat niya na pumayag ang kaniyang mga magulang na ampunin ang bata. Ibig sabihin ay talagang magiging magkapatid na sila.
“Ang saya-saya ko para sa inyong dalawa. Mag-iingat kayo palagi,” ngiti ni Sister Martha nang paalis na sila sa ampunan.
Sa wakas ay nakauwi na sila ni Roby sa kanilang pamilya. Hindi niya rin kailanman nakalimutan na ipagdasal na kagaya niya, ay umuwi na rin si Maddie sa pamilya nito na nangungulila rito.
Masaya si Camille na napagtanto niya ang kaniyang pagkakamali at nagkaroon siya ng tiyansa na bumalik sa kaniyang pinakamamahal na pamilya.