Matagal na Simula Noong Huli Niyang Makita ang Matamis na Ngiti ng Kaniyang Lola; Ano nga ba ang Muling Makapagpapasaya Rito?

“Malungkot na naman si Lola,” malungkot na bulong ni Allison nang mapansin niya ang kaniyang Lola Lydia na nakatanghod sa kanilang bintana. Sa mata nito ay bakas ang pangungulila.

Nauunawaan niya naman ang nararamdaman ng Lola. Halos tatlong buwan pa lang kasi ang nakalilipas simula nang pumanaw ang asawa nito.

Mahal na mahal nito ang kaniyang Lolo Rene, na higit limampung taon nitong nakasama. Kaya naman alam na alam niya kung gaano kasakit dito ng magpaalam sa pinakamamahal nito. 

Nag-aalala siya dito dahil ang masayahin nitong personalidad ay nagbago. Ang mukha nitong laging may nakahandang ngiti para sa kanilang lahat ay napalitan ng dilim at pighati.

Hindi na niya nakitang tunay na nakangiti ang kaniyang Lola simula nang mawala ang kaniyang Lolo Rene. Nakangiti ito subalit ang mata nito ay balot ng lungkot.

“Malapit na ang birthday ni Lola. Ano kaya kung magkaroon tayo ng surpresa na party sa bahay? Imbitahin natin ang buong pamilya at ang malalapit na kaibigan nina Lolo at Lola?” isang araw ay suhestiyon ng kaniyang pinsan na si Penny.

“Hala, oo nga! Magandang ideya ‘yan!” pagpayag naman ni Allie, isa rin sa kanilang magpipinsan.

“Maghanda tayo ng magagandang regalo para kay Lola, ha! Baka sakaling mapangiti natin si Lola!” sabad naman ni Casey na sinang-ayunan ng marami.

Advertisement

Kaya naman naghanda sila ng surpresa para sa kanilang pinakamamahal na Lola. Siniguro nila na makapaghahanda sila ng mga pagkain at programa na alam nilang magugustuhan nito.

Hindi naman mapakali si Allison. Isang araw na lang kasi at birthday na ng kaniyang Lola, ngunit hindi pa rin niya alam kung ano ang ibibigay dito.

Kilala niya ang kaniyang Lola. Hindi naman ito materyosang tao. Simpleng bagay lang ay sigurado niya na magugustuhan nito. Ngunit gusto niyang bigyan ito ng isang bagay na makapagpapasaya rito.

At hindi niya alam kung posible ba iyon ngayong wala na ang kaniyang Lolo.

Naputol ang kaniyang pagmumuni muni nang marinig niya ang matinis na pagkahol mula sa isang madilim na eskinita.

Kuryosong nilingon niya ang pinagmumulan ng ingay. Napakunot ang noo niya nang mula sa dilim ay lumabas ang isang maliit na aso.

Walang pagdadalawang-isip na nilapitan niya ang tuta. Nilinga niya pa ang paligid upang masiguro na walang may-ari na naghahanap sa tuta. 

Sa hinuha niya ay abandonado rin ang tuta dahil marumi ito, halatang matagal na simula nang makaligo ang pobreng tuta.

Advertisement

Walang pandidiring hinaplos niya ang tuta.

“Iniwan ka ba ng amo mo? ‘Wag ka nang malungkot, akong bahala sa’yo,” wika niya sa tuta, na tila ba naiintindihan siya nito.

Likas na mahilig siya sa aso. Hindi lang siya nagkaroon ng pagkakataon makapag-alaga nito sa bahay dahil hikain ang kaniyang Lolo noong nabubuhay pa ito.

Iniuwi niya sa bahay ang tuta. Agad niyang pinaliguan at pinakain ito. Habang minamasdan niya ang tuta ay isang ideya ang sumagi sa kaniyang isip.

Sana ay mapangiti niya ang kaniyang Lola Lydia sa regalo niya rito.

Kinabukasan, maaga pa lamang ay abala na silang magpipinsan na maghanda. Si Allison ang naatasan na panatilihin ang kanilang Lola sa silid nito habang inihahanda nila ang surpresa sa sala.

“Lola, kumusta na po kayo?” tanong ni Allison sa matanda nang maabutan niya itong nakaupo sa tabi ng bintana at tagus tagusan na naman ang tingin.

Tila hindi man lang nito napansin ang kaniyang presensiya. Kinailangan niya pa itong tawagin muli. “Lola…”

Advertisement

Gulat na nilingon siya nito.

“Apo! Kanina ka pa riyan?” tanong nito.

“Hindi naman po, Lola,” nakangiting sagot niya rito.

Matagal na katahimikan ang namayani. Hindi malaman ni Allison kung anong maaari niyang sabihin sa Lola. Hindi na kasi ito kagaya ng dati. Ngayon ay balot ng lungkot ang mukha nito kahit pa kaarawan nito.

“Happy birthday po, Lola,” bati niya.

Isang malungkot na ngiti ang isinukli nito sa kaniya.

“Salamat, Allison,” simpleng wika lang nito bago muling ibinalik ang tingin sa malayo.

Hindi naman mapigilan ni Allison na mapabuntong hininga.

Advertisement

“Pasensiya na, apo, ha? Alam ko na na nahihirapan kayo sa pakikitungo sa akin. Pero nahihirapan pa rin ako tanggapin na hindi ko na makakasama pa ang Lolo mo. Kagaya na lamang ngayong araw. Nalulungkot ako na hindi ko kasama magdiwang ang Lolo mo,” maya maya maya ay paliwanag nito. Kitang kita pa niya ang tumulong mga butil ng luha mula sa mga mata nito.

“Naiintindihan ko po, Lola. Ayaw lang po talaga namin nakikita kang malungkot,” awang awang sagot niya sa matanda.

“Matatanggap ko rin ang pagkawala ng Lolo mo, bigyan niyo lang ako ng kaunti pang panahon. Isa pa, naniniwala naman ako na lagi lamang niya akong babantayan. Pangako niya ‘yun sa akin,” puno ng misteryong wika pa nito.

Napakunot ang noo ni Allison sa sinabi ng kaniyang Lola. Nais niyang usisain ito ukol sa pangako ng kaniyang Lolo na pumanaw na, ngunit narinig niya na ang pagtatawag na kaniyang pinsan mula sa labas ng silid, hudyat na handa na ang sorpresa.

“Lola, labas po tayo ng kwarto, may ipapakita po ako sa inyo,” nakangiting paanyaya niya sa matanda.

Sinalubong sila ng hiyawan ng mga bisitang imbitado.

“Happy birthday, Lola Lydia!” malakas na bati ng mga ito.

Isang tipid na ngiti lamang ang isinukli nito sa kanila. Sa hindi na mabilang na pagkakataon ay nakita ni Allison ang mata nitong balot ng kalungkutan.

Advertisement

Ang plano nila para pasayahin ang kanilang mahal na Lola ay tila hindi nagtagumpay. Dahil sa kabila ng maingay na paligid ay balot pa rin ang mukha nito ng lumbay.

Halos mawalan na rin ng pag-asa si Allison lalo na’t matatapos na ang araw ay hindi pa rin niya nakikita ang dati rati ay matamis na ngiti ng kaniyang Lola Lydia.

Nang oras na ng bigayan ng regalo ay isa isang inilabas ng mga bisita ang kani-kanilang mga regalo – na pawang mga mamahaling gamit at alahas.

Sinuklian ng kaniyang Lola ng matipid ang mga ito, tanda na nagpapasalamat ito sa sorpresa na inihanda nila para rito. 

Inilabas naman ni Allison ang kaniyang regalo para sa matanda.

Narinig niya pa ang bulungan ng iilan sa bisita.

“Ano ba naman ang batang ‘yan, nagdala pa ng hayop sa bahay! Baka magdala pa ‘yan ng sakit dito!”

Inignora niya ang narinig bago kinuha ang atensiyon ng kaniyang Lola.

Advertisement

“Lola, regalo ko po sa inyo. Sana po ay magustuhan niyo.” May malapad na ngiti sa kaniyang labi nang ilapag niya sa kandungan nito ang tuta na napulot niya noong nakaraang gabi.

Napaawang ang labi ng kaniyang Lola habang maang na nakatitig sa tuta na noon ay naglilikot na sa kandungan nito.

Maya maya ay naalarma siya nang makitang umaalog ang balikat nito, tanda na umiiyak na naman ito.

“Allison naman kasi! Bakit ba naisipan mong magdala ng hayop dito? Pinaiyak mo pa tuloy si Lola!” inis na paninisi sa kaniya ng pinsang si Penny.

Napapahiyang kukuhanin niya sana ang tuta mula sa matanda nang mag-angat ito ng tingin.

Tila nagbalik na ang nawalang ningning sa mata nito. Bagaman luhaan ito ay nakita niya ang isang matamis na ngiti sa labi nito – ang ngiti nito na matagal nilang hindi nasilayan.

“Salamat, Allison. Napakaganda ng regalo mo sa akin,” wika ng matanda bago nito niyakap ang tuta na nasa kandungan nito.

Napag-alaman nila na may alaga palang aso ang kanilang Lola matagal na panahon na ang lumipas. Kamukhang kamukha ito ng tuta na ibinigay niya rito.

Advertisement

“Kinailangan ko ipamigay ang aso ko dahil hikain ang napangasawa ko. Iyak ako nang iyak noon, dahil iyong asong iyon ay ang nagbantay sa akin simula pagkabata. Sabi ni Rene noon ay hindi ko na kailangan ng magbabantay dahil siya na raw ang magbabantay sa akin,” kwento nito.

“At ngayong wala na siya, marahil ay ipinadala niya sa akin ang asong ito para may makasama ako. Tinupad niya ang pangako niya noon na lagi lang siyang nasa tabi ko,” dagdag pa nito. May luha sa mata nito, subalit wala na ang pighati na dati ay permanenteng nakapaskil sa mukha nito. Nagbalik na ang galak sa mata ng kaniyang Lola.

Napaluha naman si Allison sa kwento ng kaniyang Lola. Natutuwa siya sa kwento ng tapat na pagmamahalan nito at ng kaniyang Lolo. At mukhang tuluyan na nitong natanggap na wala na ang kaniyang Lolo.

Naisip ni Allison walang talagang maaring makapaghiwalay sa dalawang taong tunay na nagmamahalan – kahit pa ang kabilang buhay.