Inday TrendingInday Trending
Lahat ng Laruan ng Bata ay Sariling Likha ng Kaniyang Itay Dahil sa Hirap ng Buhay; Paano Niya Ito Susuklian sa Panahon ng Kaniyang Tagumpay?

Lahat ng Laruan ng Bata ay Sariling Likha ng Kaniyang Itay Dahil sa Hirap ng Buhay; Paano Niya Ito Susuklian sa Panahon ng Kaniyang Tagumpay?

Para kay Otep, ang kaniyang Itay Isko ang pinakamagaling na Tatay sa buong mundo.

Lahat ng mga gusto niyang laruan at gamit na nakikita niya sa bayan, kapag sila ay papauwi na mula sa pagkakarpinterya nito, ay naibibigay sa kaniya kahit hindi nito binibili. Lagi siyang isinasama ng kaniyang Itay sa pagtatrabaho nito. Wala raw mag-aalaga sa kaniya dahil maaga siyang naulila sa kaniyang Inay.

“Itay! Gusto ko po ng robot na katulad nang ganoon,” turo ni Otep sa naka-display na Gundam robot sa isang estante. Nilapitan nila ito. Napailing si Mang Isko.

“Masyadong mahal, anak. Hindi bale, gagawan na lamang kita, at mas maganda pa rito!” nakangiting sasabihin sa kaniya ni Mang Isko. Pagkauwi sa bahay at matapos makapaghapunan, ay magiging abala na ito sa paggawa ng ipinangakong robot: mula sa mga pinagtabasan ng kahoy, o kaya naman, mula sa mga plastik na bote na talaga namang kamangha-mangha. Subalit ang pinakamaganda para kay Otep ay ang pinagdugtong-dugtong na sipit na ginagamit nila sa pagsasampay ng mga damit. Napakahusay talaga ni Mang Isko!

Nang minsang masulyapan naman ni Otep ang isang malaking kotse-kotsehan, katulad ng dati ay hindi ito binili ni Mang Isko: sa halip, kumuha ito ng mga basyo ng pulbo, nilagyan ng uka sa loob, dinikitan ng mga kaboy na pabilog na ginagamit nito sa paggawa ng cabinet, at presto—mayroon na siyang mga laruang kotse-kotsehan!

Hindi kailanman nagreklamo si Otep sa mga ginagawag kagamitan ng kaniyang ama para sa kaniya. Lahat ng gamit nila sa munting bahay nila ay ginawa o kaya naman ay kinumpuni ni Mang Isko: magmula sa mesang kainan, upuan, papag na higaan, kalan, at maging ang kanilang ilawan. Bilib na bilib si Otep. Paano ba naman, kumuha lamang ng isang litro ng bote ng softdrinks ang kaniyang Itay, nilagyan ng tubig, at inilagay sa kanilang bubungan na may butas. Kapag umaga, sadyang nakapaliwanag sa loob ng bahay. Sa gabi naman, sanay na sanay na siya sa kanilang gaserang si Mang Isko rin ang gumawa. Sa munting isip ni Otep, hindi pa niya napagtatanto kung gaano kahirap ang kanilang buhay.

Maging sa pagpasok sa paaralan, lahat ng gamit niya ay mula sa pagiging malikhain ni Mang Isko. Ang kaniyang mga kuwaderno ay mula sa mga pinagpatong-patong na pinaglumaang kuwaderno ng mga anak ng kaniyang kasamahan sa trabaho. Ang kaniyang bag na napulot lamang sa basurahan, tinagpian, nilabhan, at maaari nang gamitin.

Minsan, umiiyak na umuwi si Otep mula sa paaralan.

“Itay, Itay… tinutukso ako ng mga kaklase ko, tumatawa na raw ang sapatos ko,” hikbi niya.

Tiningnan naman ni Mang Isko ang sapatos nito. Nakangiti na nga ang suwelas.

“Huwag ka mag-alala, anak. Si Itay ang bahala.”

Tumayo si Mang Isko at lumapit sa kaniyang cabinet. May inilabas siyang isang bote ng rugby. Ipinahid sa tumatawang sapatos ni Otep. Maya-maya, maayos na ulit!

“Hindi ka na pagtatawanan ng mga kaklase mo, anak. Sabi ko sa iyo, si Itay ang bahala!”

At habang lumalaki si Otep at nagkakaisip, saka niya napaghambing ang buhay niya sa buhay ng kaniyang mga kaklase; ibang-iba. Puro bago ang mga kagamitan nila samantalang siya ay mula sa mapagpala at malikhaing mga palad ng kaniyang Itay.

Ipinangako ni Otep sa kaniyang sarili na gagawin niya ang lahat upang mabago ang kanilang buhay.

Nagsumikap siya sa pag-aaral. Natapos niya ang elementarya at hayskul na may karangalan. Iginapang siya ng kaniyang Itay upang makapagpatuloy sa kolehiyo. Gusto niyang maging arkitekto. Dahil sa kasasama niya sa kaniyang Itay sa trabaho nito, napag-aralan na niya ang iba’t ibang disenyo ng mga gusali. Iyon ang gusto niya.

Makalipas ang apat na taon, hindi man madali ay nakatapos din ng pag-aaral si Otep. Naging working student siya, at salamat din sa scholarship na talaga namang nakatulong upang magkaroon siya ng panggastos sa araw-araw. Ang sobra naman ay iniaabot niya sa kaniyang Itay, kahit na tumatanggi ito.

“Masaya ako para sa iyo, anak! Naabot mo ang tagumpay!” tuwang-tuwang sabi ni Mang Isko sa kaniyang anak. Pinagsasaluhan nila ang isang Pansit Malabon na binili nila sa isang karinderya bilang pagdiriwang sa kaniyang pagtatapos.

“Hindi pa po Itay. Hindi pa ako matagumpay. Magsisimula pa lang po ako. Huwag po kayong mag-aala, sasabihin ko po sa inyo kapag matagumpay na talaga ako.”

Matapos makapasa sa board exam, nakahanap ng magandang trabaho si Otep, hanggang sa kumita at makapag-ipon. Makalipas lamang ang tatlong taon, nakapag-ipon na siya, sapat upang makabili ng malaking bahay na may mga gamit na bago. Tuwang-tuwa ang kaniyang Itay.

“Itay, naalala mo dati, noong bata pa ako, laging gawa mo yung mga gamit natin? Ngayon, puro bili na… magmula sa mesa, upuan, papag, at ilawan. Ang papag natin ay malambot na kama na. Para sa iyo ito,” saad ni Otep.

“At hindi lamang iyan, Itay… may sorpresa pa ako sa iyo…”

Lumabas sila ng tarangkahan. Isang pulang kotse ang nasa labas.

“Anak, kaninong kotse iyan…”

“Itay, bigay po iyan ng kompanya dahil sa aking performance at dedikasyon. Dati po, kayo lang po ang gumagawa ng kotse-kotsehan ko. Ngayon po, totoong kotse na po, at alay ko po iyan para sa inyo. Itay, masasabi ko pong matagumpay na ako, dahil napapasaya ko na po kayo ngayon!” naluluhang sabi ni Otep sa kaniyang Itay. Nagyakap nang mahigpit ang mag-ama at hindi nila mapigilan ang pagbalong ng mga luha sa kani-kanilang mga mata.

Para kay Otep, ang kaniyang pagtatagumpay ay dahil sa kaniyang Itay, kaya marapat lamang na ibalik dito kung anuman ang pag-aaruga at pagmamahal na ibinigay nito sa kaniya, simula noong bata pa lamang siya.

Advertisement