Nagparetoke Dahil sa Paulit-ulit na Pagkabigo sa Pag-ibig ang Dalaga; Tuluyan na nga ba Siyang Magiging Masaya?
“Ysbeth? Ikaw na nga ba iyan?”
Hindi makapaniwala ang mga kaibigan ni Ysbeth sa malaking pagbabago sa anyo ni Ysbeth. Sumailalim kasi ito sa plastic surgery matapos ang limang sunod-sunod na break-up sa mga naging kasintahan nito. Iisa ang laging sinasabi ng mga ito: isa siyang “hipon.”
“Yes! Wala na iba. Ako nga pala si Ysbeth, ang sinayang nila!” masayang sabi ni Ysbeth sabay taas pa ng mga kamay at pag-pose pa. Nagpalakakan naman ang kaniyang mga kaibigan; tunay na napakaganda kasi ng pagkakagawa sa kaniyang mukha. Matangos na ang kaniyang ilong at naayos ang kaniyang mga labi.
“Kapag nakita ka ni Anton, tiyak maglalaway iyon sa iyo! Mag-post ka na sa social media para makita ka na niya! Dalian mo na girl!” nasasabik na sabi sa kaniya ni Lia.
“Magkano naman ang nagastos mo sa ultimate retoke mo, girl?” tanong sa kaniya ni Maylyn, na sa una ay tutol sa kaniyang balak na pagpapa-plastic surgery.
“Mga anim na digits friend, talagang nag-loan pa ako sa Pag-IBIG para lang makuha ang aking pag-ibig! Tingnan lang natin ngayon kung hindi magsisi ang mga Herodes na nang-iwan sa akin, kapag nakita na nila ako ngayon,” saad ni Ysbeth.
“True! Sa panahon ngayon, wala nang pangit girl, wala ka lang pera!” natatawang hirit ni Grace.
“So anong balak mo na maganda ka na ngayon?” tanong naman ni Daisy.
“Wala pa. Enjoy muna. Saka, alam mo na… haharot. Char!” pabirong banat naman ni Ysbeth. Nagkatawanan naman ang iba paniyang mga kaibigan.
Dahil sa limang mga lalaking nakarelasyon ni Ysbeth na iniwanan din siya at ipinagpalit sa ibang mga babae, humantong siya sa desisyong magpaayos ng mukha, dahil nasasaktan siya kapag sinasabihan siyang hipon. Sa totoo lang, balingkinitan ang kaniyang pangangatawan, subalit pagdating sa kaniyang mukha, lagi na lamang sinasabing “takpan na lamang ng unan o kumot.” Sakit, ‘di ba?
Iba naman ang naging reaksyon ng kaniyang pamilya, lalo na ang kaniyang Nanay at Tatay, sa kaniyang pagbabagong-anyo.
“Anak naman, sino pa ang maniniwala na anak ka namin? Masyado nang matangos ang ilong mo, yung tipong kaunting ihip ng hangin, parang matatanggal na. Baka sabihin ng mga tao, hindi ka namin tunay na anak at napulot lamang sa dumi ng kalabaw!” pamumuna ng kaniyang Nanay.
“‘Nay naman eh… pagbigyan na ninyo ako. Minsan ko lang maramdaman na magandang-maganda ako. Huwag na kayong KJ!” bara naman ni Ysbeth sa kaniyang Nanay.
“Hindi naman sa pinakikialaman ka namin, Ysbeth, pera mo naman ang ginastos mo riyan, pero sana tinanong mo muna kami kung pabor ba kami sa gagawin mo. Masakit para sa amin ng Nanay mo na ipabago mo ang mukha mo: para mo na ring sinabing ayaw mo sa mga mukha namin!” nagtatampong saad naman ng kaniyang Tatay.
Nilapitan niya ang kaniyang mga magulang. Nagtungo siya sa pagitan ng mga ito, at parehong inakbayan.
“‘Nay, ‘Tay… huwag po kayong mag-isip nang ganiyan. Mahal na mahal ko kayo, at hindi ko po ikahihiya na kayo ang mga magulang ko. Kaya lang po, may mga bagay lang po ako na gustong mabago sa sarili ko, dahil sa idinidikta ng ibang tao. Kung haharap man po ako sa Diyos ngayon, at tinanong niya ako kung anong ginawa ko sa sarili ko, sasabihin ko po sa Kaniya, Mas pinaganda ko pa po ang ibinigay Ninyo,” sagot ni Ysbeth.
Subalit akala ni Ysbeth ay matutuwa at manghihinayang ang kaniyang mga ex-boyfriend na nang-iwan sa kaniya dahil sa kaniyang hitsura. Pinagtawanan lamang siya ng mga ito, lalo na ang mga kasalukuyang nobya ng mga ito. Tinawag pa siyang desperada at plastikada.
“Akala ko pa naman babalikan nila ako kapag nagpapalit na ako ng anyo!” umiiyak na saad ni Ysbeth sa kaniyang mga kaibigan.
“Alam mo Ysbeth, hindi mo naman kailangang gawin ang ginawa mo para sa kanila. Kung hindi ka nila kayang tanggapin, anuman ang hitsura o pagkatao mo, hayaan mo sila! Kaming mga nagmamahal sa iyo, mga kaibigan at pamilya mo, tanggap ka namin, kahit ano ka pa,” paliwanag ni Lia.
“Tama, girl! Pero huwag ka na malungkot kasi nariyan na iyan eh, alangan namang ipabalik mo pa ang dati mong mukha. Baka naman mawalan ka na ng mukha kapag ginawa mo iyon. Enjoy mo lang and move forward!” saad naman ni Daisy.
“Maraming salamat mga beh! Mahal na mahal ko kayo!” naiiyak na sabi ni Ysbeth sa kaniyang mga tunay na kaibigan.
Hindi naglaon, bagama’t marami ang humahanga sa “bagong ganda” ni Ysbeth, marami ring negatibong bagay ang naidulot ng kaniyang pagpaparetoke, dahil lagi siyang tinatanong kung siya ba talaga ang nasa ID, o kaya naman, sa immigration ay lagi siyang nahaharang dahil iba na ang mukhang nakikita niya sa pasaporte.
Minsan, namimiss din niya ang dating siya. Saka niya napahalagahan ang dati niyang ganda. Bakit ganoon, talaga bang makikita mo lamang ang halaga ng isang bagay kung wala na ito?
Napagtanto ni Ysbeth na hindi sapat na batayan ng kagandahan ng tao ang kaniyang mukha: dahil ang tunay na nagpapaganda sa tao ay ang kaniyang ugali, at kung paano siya nakikisama sa lahat.