Inday TrendingInday Trending
Laging Nagbibigay ng Ulam sa Kapitbahay na Mag-asawa ang Ginang; Sadyang Mapagbigay Nga Ba Siya o May Pinagtatakpan Lamang?

Laging Nagbibigay ng Ulam sa Kapitbahay na Mag-asawa ang Ginang; Sadyang Mapagbigay Nga Ba Siya o May Pinagtatakpan Lamang?

“Hello, kapitbahay! Uy, nagluto ako ng pochero para sa hapunan namin, tikman mo, kapitbahay…” nakangiting sabi ni Aling Dahlia sa kaniyang kapitbahay na si Elsa, na bagong lipat lamang sa kanilang lugar.

“Ay naku Aling Dahlia, maraming salamat po! Nakakahiya naman sa inyo. Kahapon, nagbigay naman kayo ng paksiw na ayungin, tapos noong isang araw ay ginataang munggo. Baka ho manaba na ako niyan,” pasasalamat ni Elsa.

“Eh ‘di mabuti at nang magkalaman-laman ka naman! Oh siya, sige… mauna na ako ha, at magpapakain pa ako ng mga alaga ko,” sabi ni Aling Dahlia at umalis na rin.

Pumasok naman si Elsa sa kanilang bahay at inilapag sa mesa ang ibinigay na pochero ni Aling Dahlia.

“Aba, nakalibre na naman tayo ng ulam! Pochero naman ngayon,” sabi ng kaniyang mister na si Patrick. Kaliligo lamang nito.

“Oo nga eh. Mabait lang talaga siguro si Aling Dahlia kaya namimigay ng ulam. Bago lang tayo kaya baka paraan niya iyon para mag-welcome ng kapitbahay.”

“Oh baka naman crush niya ako,” pabirong banat ni Patrick.

“Ha? Saang lupalop mo naman ng daigdig nakuha ang ideyang iyan? May asawa na si Aling Dahlia, ano ka ba naman,” saway ni Elsa sa kaniyang mister.

“Eh kasi lagi ko siyang napapansin na panay sulyap dito sa atin, parang may hinahanap. Baka ako,” pabirong sabi ni Patrick.

“Masyado kang malisyoso! Wala iyon. Baka lang tinitingnan kung narito tayo para mabigyan niya tayo ng pagkain niya,” nasabi na lamang ni Elsa.

Sa mga sumunod na araw, si Elsa naman ang nagluto ng espesyal na ulam, upang mabigyan naman niya ng pagkain sina Aling Dahlia. Nagluto siya ng kare-kare.

“Aling Dahlia tikman mo po ang niluto ko, kare-kare. Specialty ko po iyan,” sabi ni Elsa.

“Hay naku nag-abala ka pa, Elsa! Pero salamat!” Sige, titikman ko ang masarap mong luto,” sabi ni Aling Dahlia. Napasilip naman si Elsa sa loob ng bahay nina Aling Dahlia. Napansin niyang marami itong mga appliances, at halos lahat ay nakabukas, lalo na ang aircon nito.

“Wow, napakarami naman po palang appliances nina Aling Dahlia! Yayamanin!” boladas ni Elsa. Namula naman si Aling Dahlia.

“Ay, ikaw naman, wala iyan! Padala ng anak ko sa ibang bansa, alam mo na, OFW,” matipid na sabi ni Aling Dahlia.

Maya-maya, isang ginang ang lumapit sa kanila.

“Dahlia, nakita ko yung kasera ng bahay na ito, mukhang maniningil ng pautang niya sa iyo, magtataka iyon kung bakit may kuryente ka pa eh samantalang pinutulan ka na dahil hindi ka pa nagbabayad,” saad nito.

Minabuti na lamang ni Elsa na umalis na upang hindi na marinig ang ibang mga bagay na hindi siya interesadong malaman, dahil problema naman iyon ni Aling Dahlia. Hindi niya napansin na pinadilatan nito ang matabil na ginang na nagbalita sa kaniya.

Makalipas ang isang buwan simula nang lumipat sina Elsa at Patrick sa kanilang tinutuluyan, natanggap na nila ang bill ng kuryente. Ganoon na lamang ang panlalaki ng mga mata ni Elsa nang makita ang halaga ng kailangan nilang bayaran: tumataginting na 8,000 piso! Samantalang telebisyon, ilaw, at ref lamang naman ang kanilang mga gamit na de-kuryente, at sa palagay nila ay hindi naman malakas ang kain ng konsumo sa bentilador.

“Paano umabot sa ganito ang konsumo natin sa kuryente?” nagtatakang tanong ni Patrick.

“Oo nga. Unless, may jumper… tingnan nga natin…” naisip ni Elsa.

At dahil dating nagtrabaho bilang lineman si Patrick, natuklasan nilang may ibang kawad ng kuryente na nakadugtong sa kanilang kuntador. Nang tugaygayin nila kung saan ito patungo, nanlaki ang mga mata nila nang malamang sa bahay ito nina Aling Dahlia.

Bumalik sa gunita ni Elsa ang narinig na pahayag mula sa matabil na ginang nang minsang magdala siya ng ulam sa bahay ni Aling Dahlia: na naputulan ito ng kuryente dahil sa hindi pagbabayad ng utang, kaya nakapagtatakang gumagana ang mga appliances nito tulad ng telebisyon, ilaw, at aircon ng mga sandaling napansin niya iyon.

“Kaya pala nagbibigay siya ng ulam para hindi natin mapansin ang mga kalokohan nila,” nanggigigil na sabi ni Patrick.

Mahinahon pa ring kinausap ng dalawa si Aling Dahlia. Hiyang-hiya naman ito sa ginawa niya at ng kaniyang mister. Nangako itong sila ang magbabayad ng naging konsumo nila sa kuryente dahil sa kanilang natuklasan.

Napagtanto ng mag-asawang Elsa at Patrick, na bagama’t may mabubuting kapitbahay pa rin naman, hindi lahat ay may mabuting intensyon, dahil kaya lamang sila gumagawa ng pabor o kabutihan ay dahil may pinagtatakpan.

Advertisement