Nagtataka ang Anak Kung Bakit Naglalagay ng Lipstick sa Labi ang Kaniyang Tatay; May Ikinukubli Nga Ba Itong Lihim sa Kaniyang Buhay?
Nagulat si Princess nang makita niya ang kaniyang ama na pasayaw-sayaw sa harap ng salamin. Napansin niyang tila ngiting-ngiti pa ito, na malayong-malayo sa personalidad nito na istrikto at seryoso. Nang makita siya nito, agad itong nagpormal.
“Oh Princess, kumain ka na ba?” tanong nito. Napailing na lamang si Princess at umalis na lamang sa gawing pinto ng kuwarto ng kaniyang ama.
Nagtataka si Princess, 8 taong gulang, sa ikinikilos ng kaniyang amang si Joselito. Napapansin niya kasi, palihim ito kung makipag-usap sa kaniyang inang si Marta. Kapag gusto naman niyang tanungin kung ano ang pinag-uusapan nila, humihinto ang mga ito, upang marahil ay hindi na siya magtanong ng kahit ano.
Gusto niyang tanungin ang kaniyang Tatay kung ito ba ay may inililihim sa pagkatao nito; kung ito ba ay isang “beki.” Batay kasi sa kaniyang mga napapanood sa telebisyon, kadalang beki o lalaking may pusong babae ang mga lalaking may lipstick, lalo na at kulay-pula. Iyan kasi ang nakikita niya sa mga beking artista.
May tatlong beses na niyang nakikitang nagpapahid ng lipstick si Joselito, pagkatapos ay sasayaw-sayaw sa harap ng salamin. Hindi lamang iyon, nakita niya minsan sa bag nito na mas marami pa itong lipstick kaysa sa kaniyang nanay.
“Nanay, hindi po ba lalaki si Tatay?” minsan ay natanong ni Princess kay Marta. Napatigil naman sa pagluluto ito at napatingin kay Princess.
“Ha? Saan galing ang mga tanong na iyan, Princess? Bakit naman sumagi sa isip mo iyan?” sa halip na sagutin ang tanong ni Princess ay ito ang nauntag ng ina.
“Eh kasi po minsan, nakita ko siyang naglalagay ng lipstick sa mga labi niya. Ang pula-pula pa. Mas mapula pa sa lipstick ninyo. Eh, hindi ba, pambabae lang ang lipstick? May pusong babae po ba si Tatay?” inosenteng tanong ni Princess.
Hindi naman napigilan ni Marta ang matawa.
“Ikaw talagang bata ka… malalaman mo rin kapag umamin na mismo ang tatay mo. Mas maganda kung sa kaniyang manggagaling ang lahat!”
Lalong nalito si Princess sa sagot ng kaniyang Nanay. Kaya naman, sa kaniyang Ate Ysabelle siya nagtanong, ang kaniyang pinsan, na nasa 18 taong gulang. Tinawagan niya ito sa pamamagitan ng video call.
“Uy Princess, anong problema? May itatanong ka ba sa assignment mo?”
“Wala po, ate. May itatanong lang po ako. Beki po ba si Tatay?” inosenteng tanong ni Princess.
“Ha? Si Ninong Joselito? Bakit mo naman nasabi?” takang-takang tanong ni Ate Ysabelle.
“Kasi ilang beses ko na siyang nakikitang naglalagay ng lipstick sa mga labi niya. Hindi ba babae lang ang gumagawa no’n?” tanong ni Princess.
“Ganito kasi iyon Princess. Hindi porke’t nagli-lipstick na ang lalaki, eh beki na. Halimbawa, ang mga artista… kailangan nilang maglagay ng kaunting lipstick para naman magmukhang buhay ang mga labi nila,” paliwanag ni Ate Ysabelle.
“Pero ate, pulang-pula po eh. Mas mapula pa kay Nanay. Wala pa akong nakitang ganoon na mga Tatay,” saad ni Princess.
“Princess, anak… gusto mo ba talagang malaman kung bakit ako naglalagay ng lipstick?” bigla ay sabi ni Joselito. Kanina pa pala ito nakikinig sa usapan nina Princess at Ysabelle.
“Ay sige Ninong, ikaw na po ang magpaliwanag kay Princess. Mas mainam po na sa inyo na manggaling!” saad ni Ysabelle at nagpaalam na ito kay Princess.
“Tatay, bakit nga ba kayo naglalagay ng lipstick sa mga labi?” tanong ni Princess.
“Sumama ka sa akin mamayang hapon. May pupuntahan tayo,” nakangiting sabi ni Joselito.
At sumama nga si Princess sa kaniyang Tatay. Nagtungo sila sa isang hotel, at dumiretso sa isang dressing room. Sa harap mismo ni Princess, naglagay ng puting make-up sa mukha si Joselito, at pagkatapos, makapal na pulang lipstick.
Maya-maya, nagsuot ito ng makulay na damit na may bilog-bilog. Tapos, nagsuot ito ng peluka. Isa palang payaso si Joselito!
“Anak, isa akong payaso o clown tuwing hapon. Ayoko na sanang sabihin sa iyo kasi hindi mo naman kailangang malaman. Ang tawag dito, sideline. Bukod sa trabaho ko, kinakailangan ko ring gawin ito, para sa iyo, anak ko, kasi lumalaki ka na, at gusto kong paghandaan ang pag-aaral mo, para hindi ka matulad sa akin na hindi nakatapos ng pag-aaral,” paliwanag ni Joselito.
At naunawaan na ni Princess ang lahat.
Isa si Princess sa mga pumapalakpak ngayon sa kaniyang Tatay, na nagpapasaya sa mga kagaya niyang bata. Tuwang-tuwa siya dahil ibang-iba ang galaw, kilos, at paraan ng pagsasalita nito bilang payaso, at iba naman bilang haligi ng tahanan. Ikukuwento niya kay Ate Ysabelle at sa kaniyang Nanay ang kaniyang mga napanood: kung gaano kahusay na payaso si Joselito.