Nagpanggap ang Lalaki Bilang Ama ng Babae; Malalim Pala ang Rason Nito sa Ginawang Panloloko
“Alice!” tawag ng tagapangalaga ng ampunan na si Ms. Jenny. Lumapit ang isang batang babae at agad napaluha si Fred nang makitang kamukhang-kamukha ito ng ina nito. “Siya ang tunay mong ama, Alice.”
Nagbalik sa alaala ni Alice ang lahat ng nangyari sampung taon na ang nakalipas. Tandang-tanda niya pa ang saya sa kaniyang puso nang araw na binalikan siya ng ama sa ampunan. Isang taong gulang pa lang siya nang mapunta siya sa ampunan. Hindi niya maalala ang rason kung bakit siya napadpad doon maliban sa dahil iyon sa aksidenteng kinasangkutan nilang pamilya, na dahilan din daw ng pagpanaw ng kaniyang ina. Ngunit ngayon ay hindi na iyon mahalaga sa kaniya, basta kasama na niya ang ama niya ay masaya siya.
Bilang selebrasyon ng kaniyang ika-labingtaong gulang ay talagang ipinaghanda siya ng ama ng isang magarbong party. Imbitado lahat ng malalaking pangalan sa business nila. Matapos batiin ang mga bisita ay hinanap ni Alice ang ama, ngunit hindi niya ito matagpuan dahil sa dami ng taong humaharang sa kaniya.
Napangiti siya nang sa wakas ay mahagip ng mata niya ang pamilyar na pigura nito. Mukhang malalim ang usapan nito at nang isang lalaking nakatalikod sa kaniya. Babatiin na sana niya ang mga ito ngunit napatigil siya nang marinig ang kaniyang pangalan.
“May balak ka pa bang sabihin kay Alice ang totoo? Kawawang bata kapag nalaman niyang hindi ikaw ang tunay niyang ama. Mukha pa namang napamahal na sa’yo,” natatawang sabi ng lalaki. Hindi makasagot ang kaniyang ama sa tanong ng lalaki.
“Ako sa’yo Fred, huwag mo na lang sabihin. Para siguradong mapapasayo lahat ng pag-aari ng mga totoo niyang magulang. Tutal sa’yo naman talaga iyon ‘di ba?”
Tila ba natulos sa kinatatayuan niya ang dalaga. Hindi siya makapaniwala sa narinig.
Ano raw? Hindi siya totoong anak ng ama niya? Inampon lang siya para makuha ang pag-aari ng kaniyang mga totoong magulang?
Tila hindi maubos ang tanong ni Alice sa isipan. Agad siyang tumakbo sa kaniyang kwarto upang itago ang pag-agos ng kaniyang mga luha. Sa isang iglap, tila ba bumaligtad ang buong mundo niya.
Sa kabila ng lahat, hindi pinahalata ni Alice sa ama ang kaniyang natuklasan.
“Alice, anak? Bakit parang matamlay ka yata?” nag-aalalang tanong ni Fred ilang araw lang ang nakalipas. Tipid na ngiti lang ang isinagot ni Alice sa ama.
Lingid sa kaalaman nito ay pinaiimbestigahan niya ito. Ayaw niyang basta paniwalaan lang ang mga narinig sa party. Buong buhay niya, simula nang kunin siya nito sa ampunan, ay pinuspos siya ng ama ng pagmamahal. Ayaw niyang basta paniwalaan na lahat ng iyon ay palabas lang.
Nang hapong iyon, natanggap na ni Alice ang resulta ng imbestigasyon. Nang basahin niya ang report ay tila ba tuluyang gumuho ang kaniyang mundo. Totoo nga! Totoong hindi niya tunay na ama si Fred! Hagulgol ang kawawang dalaga sa nalaman.
Nagulat siya nang bumukas bigla ang pinto ng kaniyang kwarto at mabilis na lumapit ang nag-aalalang si Fred.
“Anak? Bakit ka umiyak?” buong pag-aalalang sabi nito. Ngunit itinulak niya ito palayo at tuluyang sumabog ang kinikimkim niyang galit at hinanakit.
“Anong anak?! Hindi kita tunay na ama! Ano hong dahilan bakit niyo ‘to ginawa ha? Para makuha mo ang pera ng mga totoo kong magulang?!”
“Alice, huminahon ka. Totoo nga na hindi ako ang totoo mong ama. Sana patawarin mo ako…” nakayukong pag-amin naman ni Fred. Ngunit bago pa ito makapagpaliwanag ay galit na umalis na ng bahay si Alice. Para sa kaniya ay sapat na ang lahat ng kaniyang narinig.
Ilang linggong hindi nagpakita si Alice kay Fred. Ginawa naman ng huli ang lahat upang hanapin ang dalaga, ngunit sadyang matigas si Alice at ayaw nang makipag-usap dito.
Hanggang isang araw, isang lalaki ang naghahanap kay Alice. Kilala daw nito ang totoo niyang mga magulang. Sa huli ay hinarap din ito ni Alice upang masagot ang kaniyang mga katanungan. Nagulat siya ng makilala ang lalaki. Ito ang kausap ng ama niya noon sa party!
“Alice? Ako nga pala si Rico. Kaibigan ako ni Fred, at naging malapit din ako kina Klarence at Carol, ang mga tunay mong magulang. Narito ako para humingi ng tawad, at klaruhin sa’yo ang bagay-bagay, bilang pagtanaw na rin ng utang na loob sa ‘yong mga magulang. Malalapit na magkaibigan na talaga sina Fred at ang iyong mama at papa noong makilala ko sila. Nagpasya silang magtayo ng isang negosyo na naging matagumpay naman sa una. Ngunit nang medyo tumagilid ay doon nagsimulang mag-alala sina Klarence at Carol, lalo na’t ipapanganak ka na noong mga panahong iyon. Upang siguraduhing mabibigyan ka nila ng magandang kinabukasan ay nagawang pagtaksilan ng mga magulang mo si Fred. Dala ang malaking pera ay tumakas sila. Nalugmok sa utang si Fred dahil sa ginawa ng mga magulang mo, tinangka niyang maghabol pa matapos lumipas ang ilang taon. Ngunit doon niya napag-alaman na pumanaw na pala ang mag-asawa sa aksidente, at ang anak nila ay napunta sa ampunan. Sadyang galit si Fred sa dalawa ngunit malambot ang puso niya sa’yo kaya kinupkop ka niya. Hindi totoong para iyon sa pera, na kaniya naman talaga sa una, pero kinupkop ka niya dahil mahalaga sa kaniya ang mga magulang mo, at tinuturing ka niyang totoong anak.”
Sa puntong ito ay hilam na sa luha ang mga mata ni Alice. Kung tutuusin pala ay sila pa ng pamilya niya ang may atraso kay Fred. Ngunit hindi niya man lang pinakinggan ang panig nito.
Nang gabi ring iyon, bumalik si Alice sa kanilang bahay at agad niyakap ang kaniyang ama. Buong puso naman siya ulit na tinanggap nito nang walang alinlangan.
Sa puso niya, ito pa rin ang kaniyang amang nag-aruga sa kaniya. Hindi dahil kadugo niya ito, kung hindi dahil sa pagmamahal at sakripisyo nito para sa kaniya.