Inday TrendingInday Trending
Hindi Matanggap ng mga Anak ng Donya ang Desisyong Bigyan ng Mana ang Kanilang Kasambahay; Ikinagulat Nila ang Dahilan

Hindi Matanggap ng mga Anak ng Donya ang Desisyong Bigyan ng Mana ang Kanilang Kasambahay; Ikinagulat Nila ang Dahilan

Malaki ang galit ng magkakapatid na Lorinda, Lorena at Lorenzo sa kanilang ina na si Donya Trinidad. Nalaman kasi ng mga ito na mas malaki ang nakuhang mana ng kanilang katulong na si Monica kaysa sa kanilang magkakapatid.

“Ano kaya ang nakain ni mama at binigyan ng mana ang muchachang iyon?” inis na sabi ni Lorena.

“Wala na yata sa wastong katinuan ang mama. Imbes na ibigay sa atin ang lahat ng mana ay binahaginan pa ang isang hamak na katulong lang? Take note, mas malaki pa ang nakuha niya kumpara sa atin na mga tunay niyang anak,” himutok ni Lorinda.

“Siguro ay inuto-uto ng katulong na iyon si mama para bigyan din siya ng mana? Hindi talag ako makapaniwala na pati ang babaeng iyon ay nagkaroon ng malaking parte sa kayamanan at ari-arian ng pamilya,” sabad naman ni Lorenzo.

Ang hindi nila alam ay naririnig sila ng kanilang ina at kasama nito ang pinagkukuwentuhan ng mga anak na si Monica. Ang dalaga ang palaging kasa-kasama ni Donya Trinidad sa mansyon. Ito ang nag-aalaga sa matanda, ito rin ang nagpapakain at nagpapaligo rito. Magaan ang loob ng donya kay Monica kaya ‘di nakapagtataka na bigyan din niya ito ng mana. Ang ‘di lang matanggap ng mga anak niya ay kung bakit mas malaki ang ibinigay rito kumpara sa kanila na dugo’t laman?

“Ma’am?” biglang sabi ni Monica sa amo.

“Ano iyon, hija?”

“N-nakakahiya naman po sa mga anak niyo, ma’am. Bakit niyo naman po ibinigay sa akin ang malaking parte ng inyong mana? Kung tutuusin po ay mas may karapatan po sila roon dahil sila an inyong mga anak samantalang ako ay isang hamak na katulong lamang dito sa mansyon?”

Napangiti si Donya Trinidad sa tinuran ng dalaga.

“Hindi nasusukat sa dugo ang pagtitiwala, hija,” tanging sagot ng matanda.

‘Di pa rin makapaniwala si Monica sa manang ibinigay sa kaniya ng amo. Kalahati ng kaniyang pagkatao ay natutuwa dahil sa ibinigay ng matanda ay mabibigyan niya ng magandang buhay ang kaniyang pamilya ngunit ang kalahati ay nagsasabing mali na iyon ay tanggapin sapagkat wala siyang karapatan sa yamang iyon na dapat na magmay-ari ang mga tunay na anak ng mabait na donya. Kaya isang desisyon ang pumasok sa isip niya. Nang sumunod na araw ay kinausap niya ang tatlong anak ni Donya Trinidad.

“Ang lakas din ng loob mong magpakita sa amin, muchacha! Matapos mong bilugin ang ulo ni mama para ibigay sa iyo ang malaking parte ng yaman niya!” singhal ni Lorinda nang makita ang katulong.

“Ang kapal ng mukha mong babae ka! Ano’ng ipinakain kay mama para pamanahan ka?” gatol ni Lorena.

“Sorry po, pero hindi ko po kagustuhan ang ginawa ni Donya Trinidad. Ako nga rin po ay nagulat nang ibigay niya sa akin ang malaking parte ng mana,” mahinahong tugon ni Monica sa dalawang babae.

“Sinungaling! Ang sabihin mo ay inuto mo si mama at siniraan mo kami sa kaniya para sa iyo ibigay ang mas malaking parte ng kayamanan!” galit na sabi ni Lorenzo.

“Ang bagay sa iyo ay ganito…” biglang sumabat si Lorinda at sinabunutan ang dalaga.

“Huwag po, maawa kayo sa akin, ma’am!”

Habang sinasabunutan ni Lorinda si Monica ay walang habas namang pinagsasampal ni Lorena ang kaawa-awang dalaga. Pinagtulungan siyang saktan ng magkapatid.

“Iyan ang nababagay sa mga katulad mong dukha. Hindi sa iyo nararapat na magkaroon ng yaman dahil isa ka lang muchacha at mahirap. Sa amin dapat na mapunta ang kayamanan ni mama at hindi sa iyo. Ang nararapat lang sa iyo ay sa putikan kung saan ka nababagay!” wika pa ni Lorena habang patuloy na inginungudngod sa sahig ang mukha ni Monica.

“Maawa kayo sa akin!” hagulgol ng dalaga.

Maya maya ay nagulat sila nang may biglang sumigaw sa kanilang likuran.

“Anong kaguluhan ito? B-bakit ninyo sinasaktan si Monica?!” galit na wika ni Donya Trinidad kasama ang Abogado nito na si Atty. Salvador.

Tinulungan ng abogado si Monica na makatayo. Patuloy pa rin ang pag-iyak ng dalaga. Hinarap ng matanda ang tatlong anak.

“Iyan ang dahilan kung bakit ibinigay ko sa kaniya ang malaking parte ng aking mga ari-arian at kayamanan. Magpasalamat nga kayo at binigyan ko pa kayo ng mana!” singhal ng matanda.

“Bakit mama? Sabihin mo nga sa amin kung bakit mas pinili niyong bigyan ng mas malaking mana ang katulong na iyan samantalang kami ang mga totoo mong anak?” tanong ni Lorenzo.

“Hindi ko nakakalimutan na mga anak ko kayo pero ako, itinuring niyo ba akong ina? Akala ba ninyo ay hindi ko alam na pinagtangkaan ninyo ang aking buhay? Narinig ko na pinag-uusapan ninyong tatlo na lagyan ng lason ang kapeng itinimpla ninyo sa akin para tuluyan akong manghina at mawala na ako sa inyong landas para mapasainyo ang lahat ng kayamanan ko. Hindi kayo nagtagumpay dahil hindi ko ininom ang kapeng iyon at itinapon ang laman ng tasa. Nagkukunwari lang akong mahina para akalain ninyo na nagtagumpay na kayo sa maitim ninyong balak. Kailan ba kayo naging anak sa akin? Palagi kayong wala rito sa mansyon. At ilang beses niyo ba akong dinalaw sa aking kuwarto para kumustahin man lang? Kahit iyon ay hindi ninyo nagawa. Ang tanging kasama ko lang ay si Monica na hindi lang mga gawain ng isang katulong ang ginawa, inaalagaan niya ako, minahal at itinuring na para niyang ina. Mas naging anak ko pa nga siya kaysa sa inyong tatlo. Siya na isa lamang katulong at hindi ko kadugo pa ang totoong nagmalasakit sa akin. Kaya sinabi ko kay Atty. Salvador ang desisyon kong ibigay kay Monica ang mas malaking parte ng aking mga ari-arian at kayamanan dahil sa inyong apat, siya ang mas karapat-dapat. Ngayon, sabihin ninyo sa akin kung bakit siya ang binigyan ko ng mas malaking kayamanan kumpara sa inyo na pinagtangkaan pa ang aking buhay? Magpasalamat kayo sa akin dahil sa kabila ng inyong ginawa ay pinatawad ko pa rin kayo at binigyan ng mana,” hayag ng matanda.

Walang mukhang naiharap ang tatlong anak ni Donya Trinidad sa kaniyang mga tinuran. Laking pagsisisi at panlulumo nila dahil sa pagpapabaya at pagtatangka sa buhay ng kanilang ina ay kaunting mana lang ang nakuha nila. ‘Di pa rin makapaniwala si Monica sa ginawa ng kaniyang amo. Nagpapasalamat pa rin ang dalaga kay Donya Trinidad dahil sa wakas ay maiaahon na niya ang pamilya sa kahirapan dahil sa manang kaniyang nakuha. Sinuklian lang ni Donya Trinidad ang kaniyang kabutihan.

Advertisement