Tila Perpekto na ang Buhay ng Tanyag na Doktora; Halos Mawasak ang Mundo Niya nang Matuklasan ang Pagtataksil ng mga Taong Kaniyang Pinakamamahal

Tila Perpekto na ang Buhay ng Tanyag na Doktora; Halos Mawasak ang Mundo Niya nang Matuklasan ang Pagtataksil ng mga Taong Kaniyang Pinakamamahal

FamilyMiracleStories

Mula umaga hanggang gabi’y ‘di nauubusan ng kliyente si Doktora Rizza. Palibhasa’y lahat ng mga nagpupunta sa kaniyang klinika ay gumaganda, sumeseksi at kumikinis. 

Bukod kasi sa pagiging batikang cosmetic surgeon ay mahusay rin siyang dermatologist. Halos labing limang taon din niyang inaral ang medisina sa isang tanyag na unibersidad sa Amerika.

Milyonarya, maganda, may mayaman at guwapong asawa. Sa kasalukuyang edad niyang 56 ay hindi mo maaaninag ang kahit ano’ng bakas ng katandaan.

Madalas pa nga siyang pinagtitinginan ng mga kabataang lalaki tuwing namamasyal sa mall. Kaya naman hindi pumapayag ang asawang si Ralph na lumakad ito nang walang kasamang mga body guards. Minsan ay siya na mismo ang nagbabantay sa misis.

Naging mas kumpleto pa at masaya ang kanilang buhay nang isilang ang napakagandang anak na si Marie sampung taon na ang nakalipas.

Itinuturing niyang miracle baby si Marie sapagkat 46 taong gulang na siya nang ipanganak ang bata. Sa unang buwan pa lamang ng kaniyang pagbubuntis ay sinabihan na siya ng OB-GYNE na maliit ang tiyansang mabuhay ang bata.

Maaaring maisilang niya ito nang buhay ngunit hindi ito tatagal ng isang araw dahil sa napakaliit nitong puso at napakababang timbang.

Gayunpaman ay hindi sumuko ang doktora. Gabi-gabing nananalangin nang taimtim si Rizza at nagmakaawa sa Panginoon na magkaroon ng himala sapagkat bilang isa ring doktor, alam niyang napakababa ng tiyansang mabuhay ng kaniyang anak.

Agad namang nagdesisyon si Ralph na dalhin sa Amerika ang misis upang doon manganak. Matalik na kaibigan kasi ng mister ang head OB-GYNE sa isang ospital sa Los Angeles, California na si Dr. Martin.

Sa sobrang hirap ng dinanas sa panganganak ay nakatulog ng mahimbing sa buong CS section operation si Rizza. Ilang beses na siyang naturukan ng anesthesia sa pagpapaopera ngunit kakaiba ang epekto sa kaniya ng gamot na tinurok nang manganak. Kahit anong laban sa antok ay hindi niya iyon nakayanan.

Nang magising siya’y nasa recovery room na siya. Gulat na gulat siya nang makita ang sanggol sa kaniyang tabi. Sa laki ng bata ay tila anim na buwan na ito. Samantalang sa kaniyang mga ultrasound ay napakababa ng timbang ng bata. Normal din ang mga resulta ng lahat ng tests na ginawa sa sanggol.

“That’s the effect of the vitamins we gave you, Doctor Rizza,” pagpapaliwanag ni Dr. Martin.

Dahil nga isa rin siyang doktor ay alam niyang hindi siyensiya ang sumagip sa buhay ng kaniyang anak bagkus ang pinagdarasal niyang himala.

“Ralph, ito na siguro ang regalo sa atin ng Diyos na napakatagal na nating hinihiling. Isang himalang pinagdarasal ko ng maraming taon,” lumuluhang saad ni Rizza.

Ngayon ay sampung taong gulang na si Marie. Sa murang edad ng anak ay kabi-kabila na ang alok dito upang maging commercial model. Palibhasa’y kutis porcelana at napakaganda. Pirmeng puna ng mga tao’y namana ng bata ang kutis sa kaniyang ina habang kamukhang-kamukha naman daw nito ang ama.

Bukod sa masayang pamilya ay nakahanap din siya ng mga mapagkakatiwalaang tauhan. Ang sekretaryang si Melissa, ang yaya ni Marie na si Ruby, ang kasambahay na si Aling Ising, at ang drayber na si Mang Dolfo.

Sa buong sampung taong paninilbihan ni Melissa sa kaniya, ni minsan ay hindi ito um-absent. Pinagagalitan pa nga niya ito tuwing pumapasok kahit may sakit. Ngayon, sa edad na 33 ay wala pa rin daw itong balak mag-asawa.

Minsan ay inuusisa niya ang sekretarya kung bakit tila wala itong planong lumagay sa tahimik ngunit tipid na ngiti lamang ang sinasagot nito sa kaniya.

Si Ruby naman ay halos sariling anak na ang turing kay Marie. Isang taon lamang ang tanda nito kay Melissa. Masaklap ang nakaraan ni Ruby sapagkat nawalan ito ng anak. Gaya niya’y naging maselan ang pagbubuntis ng babae. Madalas ay napapagkamalang nakababatang kapatid niya si Ruby sapagkat parehas silang napakaganda. Kahali-halina rin ang hubog ng katawan ng dalagang ina. 

Si Aling Ising at Mang Dolfo naman ay sadyang mabubuting tao rin. Sa palagay niya’y may lihim na relasyon ang dalawa sapagkat ilang beses niya nang nahuhuli ang mga ito na lumalabas mula sa iisang silid. 

Imbes na mainis ay natatawa pa siya sa dalawa. Mas matanda kasi ng mga ilang taon ang mga ito sa kaniya at pareho pang single kaya naman mas magiging masaya pa nga siya kung magkakatuluyan sila.

“Mama Ruby, let’s go to my room now. I’m sleepy,” inosenteng paanyaya ni Marie.

“Nagseselos na ako ha, parang kayo na talaga ang mag-nanay. Nagiging magkamukha na rin kayo oh!” nagbibirong lambing ni Rizza.

“Yes, Mama Ruby is my mom because she is daddy’s darling,” saad ng bata.

“Ganiyan talaga ang daddy mo, Marie. Lahat ng babae ay tinatawag niyang darling ngunit isa lang ang kaniyang tinatawag na love at ako ‘yon,” maamong sagot ni Rizza sa anak.

“Ah… Eh… Sige po doc, sasamahan ko na si Marie sa room niya,” tila ‘di mapakaling pagpapaalam ni Ruby.

Tuwing sumasapit ang gabi’y nagtataka naman si Rizza sapagkat pirmeng umaalis sa kama si Ralph. Nang minsang tanungin niya ito’y natawa lamang ang mister.

“Sa edad natin love, normal na yata ito. Ikaw naman ay hindi yata tao kundi bampira. Sa kilos mo’t porma’y parang bagets na bagets ka pa. Ni hindi kita makitaan ng signs of aging,” malambing na panunuyo ng mister.

Dahil buo naman ang tiwala sa asawa’y palagay ang loob ni Rizza na nasa garden lamang ito at nagbabasa ng libro.

Hanggang sa dumating ang araw na hinding-hindi malilimutan ni Rizza.

Alas dos y medya ng madaling araw nang maramdaman niyang humiga sa kama ang anak na si Marie habang humihikbi.

“Baby, what happened?” tanong ni Rizza sa anak.

“Mama Ruby and dad are doing it again with Tita Melissa… at dad’s office, they forgot to lock the door,” lumuluhang sagot ng anak.

Tila binuhusan ng malamig na tubig si Rizza. 

“W-what do you mean, baby?” nanginginig niyang tanong. Tila umandar na ang kaniyang imahinasyon.

Hindi sumagot ang anak ngunit tuloy tuloy ang agos ng mga luha nito.

Agad namang bumangon si Rizza at nagsuot ng bath robe, mabilis niyang tinungo ang opisina ng mister.

Nanlaki ang mga mata niya nang makitang walang saplot ang mga ito.

Nakapatong ang mister kay Melissa habang hinahalikan nito si Ruby.

Gulat na gulat ang tatlo nang makita ang naninigas na si Rizza.

“Mga baboy kayo! Nakakadiri kayo! Nakita pa kayo ng anak ko!!! Magsilayas kayo sa pamamahay ko!!!”

Mas lalo siyang nagulat sa inasta ni Melissa.

Tumayo ito mula sa pagkakahiga sa carpet at pumamewang pa sa kaniya.

“Bruha ka! Matagal ko nang hinihintay ang pagkakataong ito,” saad ng dalaga.

Agad naman itong sinegundahan ni Ruby. Nakayakap pa ito sa kaniyang mister habang tinitingnan siya mula ulo hanggang paa.

“Ang tagal naming nagtiis manilbihan sa ‘yo. Sobrang boring mong tao. Matandang nagmumurang kamatis!” matapang na sigaw ni Ruby.

“Love, let me explain,” hinihingal pang pagpapaliwanag ni Ralph habang nagsusuot ng jogging pants.

Nang magtangka itong lumapit ay agad inayudahan ng sampal ni Rizza ang mister.

“Love…. I am so sorry…” 

“Sige, magpaliwanag ka, Ralph! Ano ‘to??? Bakit?!”

Bigla namang sumabad si Ruby sa usapan.

“Ni minsan ba’y hindi ka nagtataka kung bakit malayo ang loob sa ‘yo ni Marie? Nauto ka ng pananampalataya mo, Rizza! Anak ko si Marie at kabit ako ni Ralph! Huwag kang magalit sa akin dahil isa lang ako sa MGA KABIT ng asawa mo! Pagpapakilala niya’y biyudo raw siya. Nabuking lang namin siya nang mapanood ka namin sa TV, ipinagmamalaki mo pa sa lahat na loyal ang asawa mo! Isa kang hangal, Rizza! Pasalamat ka nga’t nabigyan ko kayo ng anak!” 

Nagtangkang magsalita si Ralph ngunit inunahan agad ito ni Melissa.

“18 pa lamang ako nang makilala ko si Ralph. Spoiled na spoiled ako sa kaniya. Kami ni Ate Ruby. Pirme siyang nasa condo na binili niya para sa akin kaya’t nahulog din ang loob niya kay ate.

Kasundong-kasundo niya rin ang mama at papa namin kaya nga kahit ano’ng inis sa ‘yo ni Mama Ising at Papa Dolfo dahil sa mga kaartehan mo’y ‘di sila makaalis sa poder mo!”

Lalong nanlambot si Rizza sa narinig. Napaluhod na lamang siya. Tila pinagbagsakan siya ng langit at lupa. Ultimo anak niya’y hindi pala tunay na kaniya.

Tila bata namang humahagulgol si Ralph. 

“Love, patawarin mo ako! Matagal ko nang nais ipagtapat ang lahat sa iyo ngunit tinatakot ako ng buo nilang pamilya. Tulungan mo akong makalaya sa impyernong buhay ko! Love…. Nagawa ko lang lahat ng iyon dahil sa kagustuhan kong magkaroon tayo ng anak…”

Biglang naging manhid si Rizza. Ang pinakamamahal at pinagmamalaking mister ay tila naging isang estranghero sa kaniyang mga mata. Ang pagmamahal na nadarama niya dito ay napalitan ng matinding takot at galit.

“Mama…. Mama Rizza, are you okay?” wika ni Marie habang nagpupunas ito ng luha.

Nagmadali namang nagbihis ang magkapatid nang makita si Marie.

“Ah… Eh… Marie… Anak… Halika na’t matulog na tayo,” nauutal na wika ni Ruby.

“Huwag na huwag mong hahawakan ang anak ko! Lumayas kayong lahat sa pamamahay ko kundi’y isusumbong ko kayo sa pulis!” sabay turo ni Rizza sa kaniyang cellphone. Mabuti na lamang at nairecord niya ang lahat ng pangyayari.

Nagtangka pang hablutin ng magkapatid ang kaniyang cellphone ngunit hinarangan sila ni Ralph.

“Tama na! Ayoko na! Pagod na akong maging sunod-sunuran sa inyong magkapatid! Pati na rin sa mga pananakit at pananakot ng tatay niyo! Sige Rizza, magsumbong ka sa pulis. Handa na akong makulong matapos lang ang lahat ng ito!” matapang na sagot ni Ralph.

Bigla namang dumating si Mang Dolfo na may hawak na baril. Nakatutok iyon kay Ralph.

“Naka! Matagal na kitang binabalaan, Ralph! ‘Di ako magaatubiling pasabug*n ang ulo mo! Iabot mo ‘yang cellphone sa akin!”

Nanindigan si Ralph at nag-agawan sila ni Mang Dolfo sa baril.Biglang pumutok ang baril at bumulagta si Mang Dolfo.

Sa takot ni Melissa at Ruby at agarang nagtatakbo ang mga ito. Hinatak pa nito si Marie ngunit ayaw sumama ng bata sa dalawang babae.

“No! I will stay with Mama Rizza, she’s my mom!” mariing pahayag ng bata.

Walang nagawa si Ruby at Melissa. Iniwan nilang duguan ang ama at nagaagaw buhay. Iniwan rin ni Ruby ang anak.

Agad namang tumawag si Rizza sa pulis at nireport ang nangyari.

Matagal na palang naka-blotter ang buo nilang pamilya sa pulisya. Saad ni Ralph, kapag may nangyaring masama sa kanila ni Rizza’y ang pamilya nila ang mananagot.

Agad na pinosasan ang magkapatid pati na rin ang kanilang ina.

Napakaraming ebidensya ng pananakot at pangingikil ng pera ang binigay ni Ralph sa mga pulis.

Totoo pala ang sinasabi nito.

Pati ang pagtabi niya sa magkapatid ay sapilitan palang pinagagawa sa kaniya ng dalawa.

Lumipas ang limang taon at dinapuan ng matinding karamdaman si Ralph.Sa awa ni Rizza sa mister ay natutunan niya na rin itong patawarin.

Matapos ang anim na buwan ay binawian na ito ng buhay.

Limpak limpak na pera ang naiwan ng mister.

Gumawa ng kasulatan si Rizza na anuman ang mangyari sa kaniya’y walang makukuha ang tunay na ina ni Marie at ang pamilya nito sa kaniyang maiiwang yaman.

Mabuti na lamang at maayos ang papeles ng bata. Ang legal na ina nito sa papel ay si Rizza kaya’t wala talaga silang kahabol-habol sa bata.

Habang lumalaki’y tumindi rin ang galit ni Marie sa tunay na ina at pamilya nito. 

Kahit nakalaya na sila’y ayaw silang harapin o kausapin ni Marie.

Nagpasya ang mag-ina na manirahan sa Amerika.

Doon na nakapagtapos ng pag-aaral si Marie at natupad na rin ang pangarap niyang maging isang matagumpay na pediatrician. 

Sa ngayon ay nakapag-asawa na siya ng isang mabait na Amerikanong abogado at may dalawa na silang anak. 

Kasama nila sa bahay si Rizza na talaga namang tuwang-tuwa sa kaniyang mga apo. 

Wala talaga sa dugo ang pagiging ina kundi nasa puso. May mga taong hindi binayayaang magdalantao ngunit hinubog ng Diyos upang maging isang ina.

More Stories