Galit na Galit ang Bisor na Ito sa Isa sa Kaniyang Trabahador Dahil sa Paulit-ulit Nitong Kapalpakan sa Trabaho; Lingid sa Kaniyang Kaalaman ay May Malaki Pala Itong Problema
Matindi ang pagkakakunot ng noo ni Sir Philip, ang bisor ni Marc, habang kinakausap nito ang naturang empleyado. Paano ba nama’y simula pagpasok pa lamang nito kanina sa trabaho ay animo wala na ito sa sarili. Pagkatapos ay makailang ulit na itong nakagagawa ngayon ng kapalpakan!
Isa sa pinakamasipag at pinakamahusay na empleyado ng kompanya nila si Marc, ngunit hindi alam ni Sir Philip kung bakit nagkakaganito ngayon. Kaya naman nagpasiya na siyang lapitan ito at kausapin.
Mainit din ang ulo ni Sir Philip kaya naman imbes na maayos na pag-uusap ay nauwi sa matinding panenermon ang ginawa niya kay Marc. Halos mapahiya ito sa ibang empleyado ng kompanya na nakadirinig sa mga sinasabi niya, ngunit nanatiling nakayuko lamang ito’t hindi umiimik.
“Bakit ganito? Napakarami mong palpak ngayong araw, Marc?! Ano ba’ng pumasok sa utak mo? Ayaw mo na ba sa trabaho mo?!” gigil na aniya pagkapasok pa lang ni Mark sa kaniyang opisina. “Pinapasweldo ka nang maayos dito kaya gawin mo rin nang maayos ang trabaho mo!”
“Ano, Marc? Wala ka bang balak magsalita? Ano’ng gusto mong mangyari? Tanggalin kita ngayon?!” nanggagalaiti pa ring pagpapatuloy ng bisor.
Tila doon naman natauhan si Marc. Nag-angat ito ng tingin mula sa pagkakayukod at habag na tumingin sa kaniyang bisor. “Hu-huwag po, sir! Nakikiusap po ako, pasensiya na po,” pagmamakaawa naman ni Marc.
“Bigyan mo ako ng magandang dahilan kung bakit hindi dapat kita tanggalin ngayon?”
“S-sir, kasi…” Tila hindi maituloy ni Marc ang kaniyang nais sabihin. Napayukod ito at bago pa tuluyang ibuka ang kaniyang bibig ay naunahan na iyon ng pagtulo ng luha. “Sir… iyong nanay ko po, isinugod sa ospital kaninang umaga.”
Napamulagat si Sir Philip sa narinig. Hindi niya inaasahan ang sagot na iyon ni Marc! Agad na nakadama ng pagsisisi ang bisor dahil sa masasakit na salitang nasabi niya kanina sa isa sa pinakamasipag pa man din niyang empleyado, gayong ngayon lamang ito nagkamali nang gan’on!
“Bakit hindi mo sinabi agad?” Lumambot agad ang tinig ng bisor. “Pasensiya ka na sa mga nasabi ko. Hindi ko alam na may pinagdaraanan ka,” dagdag pa nito pagkatapos ay tinapik pa sa balikat ang empleyado.
“Ayos lang po ’yon, sir. Aminado naman po akong wala ako sa focus ngayon dahil sa mga nangyari. Namomroblema lang po ako dahil kailangan namin ng malaking halaga para maipa-opera namin siya.”
Nakadama ng matinding awa ang bisor para sa kaniyang empleyado. Gustuhin man niyang tulungan itong ipagamot ang nanay nito’y hindi naman niya magawa dahil wala rin siyang sapat na halagang maiaalok dito.
“May naiisip ako, Marc. Sasabihin ko ito sa mga nakatataas. Titingnan ko kung maaari ka nilang pahiramin ng pampagamot sa inay mo.”
“Talaga po, sir?!” Tila nabuhayan naman ang binata sa kaniyang narinig.
Tumango-tango si Sir Philip bilang pagkukumpirma sa kaniyang sinabi at halos mapatalon naman sa tuwa si Marc.
“Maraming salamat po, sir! Sobrang laking tulong po nito para sa akin!” anito at ramdam niyang tila nabunutan ito ng tinik sa dibdib.
“Isa pa, Marc, papayagan na kitang umuwi ngayong araw para naman mapuntahan mo ang nanay mo sa ospital. Mag-leave ka muna nang ilang araw at ako na ang bahalang magbayad sa mga araw na iyon na hindi mo maipapasok. Ipagdarasal kong maging maayos na ang lagay ng iyong inay.”
Wala nang inaksaya pang sandali si Sir Philip. Agad niyang ipinaabot sa nakataas ang sitwasyon ng kanilang empleyado. Ipinaalam niya rin sa mga ito kung gaano kasipag at kagaling si Marc sa kaniyang trabaho kaya naman nasisigurado niyang nararapat lang para dito ang kanilang tulong.
Dahil sa mabisang pangungumbinsi ni Sir Philip, isang araw lang ang lumipas ay agad nang naaprubahan ng kompanya ang pagpapahiram ng pera kay Marc upang maipagamot nito ang kaniyang ina. Wala itong tubo at unti-unti lang ang magiging pagkaltas sa sahod nito sa oras na maging maayos na ang lagay ng inay nito.
Bukod doon, marami rin sa kanilang mga katrabaho ang nag-ambag-ambag upang magbigay ng tulong sa binata. Dahil doon ay naisakatuparan kaagad ang pagpapaopera sa inay nito at labis naman ang tuwa ni Marc dahil doon.
Naging matagumpay ang operasyon ng kaniyang ina, dahil sa tulong ng kaniyang bisor na si Sir Philip. Hindi niya akalaing ang panenermon nito nang araw na iyon pa pala ang magiging daan upang masolusyonan niya ang kaniyang problema.