Inday TrendingInday Trending
Labis na Mapang-insulto ang Manager na Ito sa mga Aplikanteng Nag-a-apply sa Kanilang Kompanya; Pagsisisihan pala Niya ang Isang Beses na Pagsusungit Niya

Labis na Mapang-insulto ang Manager na Ito sa mga Aplikanteng Nag-a-apply sa Kanilang Kompanya; Pagsisisihan pala Niya ang Isang Beses na Pagsusungit Niya

Hindi nakaligtas sa paningin ng human resources manager na si Sir Wilson ang pagiging aligaga at kabado ng isa sa kanilang mga aplikante nang umagang iyon. Sa tingin pa lamang niya ay natutukoy na niya na isa itong fresh graduate at ito ang unang pagkakataong sasabak ito sa isang interview.

“Mukhang may bago na namang mabibiktima ng pang-iinsulto ’yang si Sir Wilson, kawawa naman.”

“Kaya nga, e. Ewan ko ba kung bakit napakasama ng ugali n’yang HR manager natin. Wala namang ginagawang masama sa kaniya ’yong mga tao, kung laitin niya’y akala mo kung sino’ng nakatataas sa lipunan.”

Palagi na lamang gan’on ang usapan sa opisina ng kanilang kompanya ngunit walang pakialam doon si Wilson. Basta para sa kaniya ay nasa kaniya naman ang lahat ng karapatan na gawin at sabihin ang lahat ng gusto niya sa kanilang mga aplikante dahil sa kaniyang posisyon.

“Why do you think we should hire you?” unang tanong ni Sir Wilson sa baguhang aplikanteng iyon, pagkaupong-pagkaupo pa lamang nito sa kaniyang harapan.

Dahil biglaan ay tila nablangko agad ang aplikante at hindi ito agad nakasagot. Doon ay napangisi tuloy si Sir Wilson.

“Wala kang maisagot? Tingin ko, dapat, lumayas ka na sa harap ko. Marami pang naghihintay na aplikante.”

“Sir, huwag po. Kailangang-kailangan ko po ng trabaho ngayon. Manganganak na po ’yong girlfriend ko,” pagsusumamo naman ng binata sa kaniya.

“Mister, wala akong pakialam. Bawal ang mahihina ang ulo rito sa kompanya namin kaya, please…” Itinuro niya rito ang pintuan ng kaniyang opisina.

Wala nang nagawa pa ang binata kundi ang lumakad na lamang palabas na bagsak ang dalawang balikat, habang si Sir Wilson naman ay nangingisi habang nagpapatawag ng susunod na aplikante.

Ang tingin niya sa kaniyang sarili’y isang mataas na tao na dapat ay tinitingala at pinangingilagan, lalo na ng mga baguhan… ngunit lingid sa kaalaman ng lahat, ginagawa lamang niya iyon upang punan ang lahat ng kaniyang insecurities na noon pa man ay pilit niyang itinatanggi.

Sa tuwing nakakapanlait siya ng ibang tao, pakiramdam niya ay napupunan niya ang kakulangan sa kaniyang sarili. Pakiramdam niya ay nararapat na siyang katakutan. Tila naging sakit na niya ang ganoong pag-iisip.

Normal lang ang araw na iyon kay Sir Wilson. Nang matapos ang kaniyang trabaho ay uuwi na naman siyang may ngisi sa labi dahil nakapangbiktima na naman siya ng mga aplikante ngayong araw.

Dahil nasira ang kaniyang sasakyan ay kailangan niyang mag-commute ngayon. Naglalakad na siya patungo sa terminal ng bus na kaniyang sasakyan pauwi ay napadaan siya sa isang eskinita. Wala naman sana siyang balak na huminto roon ngunit may isang taong bigla na lang humigit sa kaniya!

Madilim ang eskinitang ’yon kaya naman hindi niya gaanong maaninag ang taong gumawa n’on, pero alam niyang may balak itong masama sa kaniya.

“Kung holdap ’to, kunin mo na lahat ng laman ng bag ko, huwag mo lang akong sasaktan,” takot na aniya ngunit pinilit niyang magpakakalmado.

“Wala akong pakialam sa pera mo,” maiksing sagot naman ng isang pamilyar na tinig na kaniyang nakikilala.

Napalunok sa takot si Wilson. Hindi niya inakalang tatambangan siya ng aplikanteng nilait niya kanina!

Naging mabilis ang mga pangyayari. Namalayan na lang ni Wilson na nakahandusay na siya sa lupa dahil sa sobrang dami ng pinsala na kaniyang natamo. Hanggang sa magdilim na ang kaniyang paningin.

Nagising na lamang si Wilson na nakahiga sa isang kama sa ospital. Ayon sa kaniyang napagtanungang nurse ay may nakakita sa kaniya kung saan siya nawalan ng malay matapos siyang gulpihin ng binatang aplikanteng kaniyang nilait nang araw na iyon.

Dahil mag-isa na lang sa buhay ay wala man lang siyang maasahang mag-asikaso sa kaniya habang siya ay nagpapagaling. Ni wala man lamang nagnais na dumalaw sa kaniya kahit ang mga katrabaho niya, samantalang naipaalam naman na niya sa kanilang opisina ang nangyari sa kaniya.

Doon ay tila nahabag si Wilson sa kaniyang sarili. Ganoon pa man, alam niyang lahat ng nangyari sa kaniya ay kasalanan niya. Masama ang kaniyang ugali kaya wala siyang kasundo. Wala siyang kaibigan. Kung kailan tila wala na siyang pag-asa ay saka niya pa napagtanto ang lahat ng kaniyang pagkakamali. Hindi niya alam kung kailan siya mawawala. Ayaw niyang lisanin ang mundo na puro masasamang bagay lang ang maaalala ng mga nakakakilala tungkol sa kaniya. Doon ay wala nang nagawa si Wilson kundi ang umiyak na lang at mangako sa sariling simula ngayon ay pipilitin niyang magbago.

Advertisement