Labis ang Pagkasabik ng Dalagita sa Nalalapit na Pag-uwi ng Kaniyang Amang OFW; Ngunit Hindi Dahil Gusto Niya na itong Makita Kundi Dahil sa Pasalubong Nito
“Precious, tingnan mo si Jade. Kanina pa panay ang selfie doon sa bagong cellphone na ipinadala sa kaniya ng mama niyang nasa abroad,” sabi ng kaibigan niyang si Kyla habang kumakain sila ng fishball sa tabi ng kalsada, malapit sa kanilang bahay nang hapong iyon.
Napaismid naman si Precious nang lingunin niya ang tinutukoy ng kaibigan at nakita niya nga si Jade na mayabang na ipinararangya ang kaniyang bagong cellphone sa mga kaibigan nito.
“Bago nga, old model naman,” may kalakasang sagot naman ni Precious. Sinadya niya talagang lakasan nang bahagya ang pagkakasabi n’on upang makarating iyon sa pandinig ng kabilang grupo at hindi naman siya nabigo. Agad na naglingunan sa kanilang direksyon si Jade at ang mga kaibigan nito.
“Hayaan mo ’yan, Jade, inggit lang ’yan sa ’yo,” pag-aalo naman ng kaibigan ni Jade dito dahil kulang na lamang ay umusok ang ilong nito sa inis.
Ngunit hindi pa rin tumitigil si Precious. Nginisian niya pa ang mga ito bago muling binalingan si Kyla. “Huwag kang mag-alala, Kyla. Next week ay uuwi na ang papa kong OFW rin at sigurado akong marami siyang iuuwing gadgets para sa akin tulad ng pangako niya.” Sinulyapan niyang muli ang grupo nina Jade bago siya nagpatuloy. “Kaya bakit ako maiinggit diyan sa mga ’yan?”
Nagtawanan sila ni Kyla at iyon na ang naging mitsa upang lapitan siya nina Jade.
“Ano ba’ng problema mo, Precious? Wala naman kaming ginagawang masama sa ’yo, a! Inaano ka ba?” galit na anas ng hindi na nakapagpigil na si Jade.
Mabuti na lang at bago pa matuloy ang away ay may naparaan nang tanod sa kanilang lugar at inawat ang namumuong tensyon sa kanilang pagitan. Pare-pareho silang pinauwi nito upang hindi na lumaki pa ang gulo. Sinabi rin ng tanod sa kanilang mga magulang ang nangyari kaya naman napagalitan pa ng kaniyang ina si Precious.
Ipinangako ni Precious sa kaniyang sarili na pagdating ng kaniyang ama ay agad niyang ipararangya sa mga ito ang kaniyang mga pasalubong. Sa totoo lang ay mas may pakialam pa siya sa mga pasalubong na dala ng kaniyang ama kaysa sa isiping makakasama niya nang muli ito makalipas ang ilang taong pagkakalayo nila upang mabigyan siya nito ng magandang buhay.
Dumating nga ang araw na pinakahihintay ni Precious. Nang araw na iyon ay maaga siyang umalis sa kanilang bahay upang sunduin ang kaniyang ama sa airport at talaga namang hindi mapakali sa kasabikan ang dalagita. Sa isip-isip niya, sa wakas ay makakamtan na niya ang matagal na niyang hinihiling!
Ngunit ganoon na lang ang pagkadismaya niya nang sa pag-uwi ng kaniyang mga magulang ay walang dala ang kaniyang ama kundi ang kaniyang sarili lamang!
“Mama, papa, ano po’ng nangyari? Nasaan ang mga pasalubong ko?” Bakas ang galit sa tinig ni Precious para sa mga magulang, ngunit tiningnan lamang nila siya ng isang malungkot na tingin.
“Anak, ipapaliwanag ko sa ’yo ang lahat…”
Ikinuwento sa kaniya ng ina ang lahat ng nangyari sa kaniyang ama sa ibang bansa sa nakalipas na mga buwan. Napag-alaman niyang nagkasakit pala ito roon at hindi nakapagtrabaho kaya naman hindi nito nabili ang kaniyang mga hinihiling. Mabuti na nga lang at mabait ang amo nito kaya naman kahit hindi ito nakapagtatrabaho ay sinusuportahan pa rin ang kaniyang ama sa pagpapagamot at pagpapadala ng pera sa pamilya nito sa Pilipinas.
Hindi akalain ni Precious na ganoon na pala katindi ang dinaranas na hirap ng kaniyang ama sa ibang bansa, pagkatapos ay ni hindi man lamang niya kailan man naisip na kumustahin ang kalagayan nito. Sa tuwing sila ay magkakausap sa telepono, ang palagi niyang bukambibig ay ang tungkol sa kaniyang mga luho.
Labis na nagsisi si Precious at kalaunan ay humingi siya ng tawad sa mga magulang. Tinanggap na rin niya na may iba pang mas mahahalagang bagay kaysa ang magkaroon ka ng mga pinakabagong gadget na kung minsan pa nga ay pinag-uumpisahan pa ng mga away o hindi pagkakaunawaan. Natutunan ni Precious na humingi ng tawad para sa mga nagawa niyang kayabangan laban sa grupo nina Jade. Tinanggap niya ang kaniyang pagkakamali at mas pinagtuunan na lamang ng pansin ang kanilang pamilya kaysa sa kung anu-anong mga bagay na wala namang kabuluhan.
Ipinaramdam ni Precious sa kaniyang mga magulang ang pagmamahal na noon ay hindi niya naipakita sa kanila at labis na galak ang naging hatid n’on sa kanilang buhay.