Inday TrendingInday Trending
Tinulungan ng Dalagang Ito ang Isang Batang Hindi Nakakalakad; Dahil doon ay Makakamtan Niya Pala ang Tunay na Pag-ibig

Tinulungan ng Dalagang Ito ang Isang Batang Hindi Nakakalakad; Dahil doon ay Makakamtan Niya Pala ang Tunay na Pag-ibig

Kagagaling lang ni Candy sa bakery, malapit sa kanilang tirahan, at binilhan ng pasalubong ang kaniyang mga pamangkin, nang kaniyang mamataan na tumatawid sa kalsada ang isang batang nakasakay sa isang wheelchair.

Kitang-kita ni Candy na nahihirapan ito sa pagtawid lalo pa at medyo mabagal ang takbo ng sinasakyan nito, at panay na ang busina ng mga sasakyang dumadaan din sa kalsada.

Napailing na lamang si Candy. Masama ang tinging kaniyang ipinukol sa driver ng kotseng kanina pa binubusinahan ang batang may kapansanan. Pagkatapos ay sinigawan niya rin ito.

“Hindi ka na naawa sa bata! Alam mong disabled na nga, hindi ka pa magpasensya!” aniya at hindi na binigyan pa ng pagkakataong makasagot ang naturang driver. Agad niyang hinawakan ang wheelchair ng bata at saka niya ito tinulungang makatawid.

“Ayos ka lang ba?” bakas ang pag-aalalang tanong niya sa bata na nakangiti naman siyang tinanguan.

“Salamat po, ate. Ang bait-bait mo po!” sabi pa nito sa kaniya.

“Naku, gan’on talaga kapag hindi maganda. Dapat, mabait ka!” biro niya saka siya tumawa. Natawa rin naman ang bata sa tinuran niya. “Huwag mo nang pansinin ’yong mga walang modong hindi marunong umintindi sa kalagayan ng iba. Malungkot ang buhay nila kaya sila gan’on,” dagdag pa niya.

“Ang swerte po siguro ng boyfriend mo, ate. Napakabait mo po, e,” maya-maya ay biglang naisingit ng bata.

“Boyfriend?” Muli siyang natawa sa tanong nito. “Wala nga ako n’on, e!”

Agad namang nangunot ang noo ng kaniyang kausap. “Bakit naman po?” takang tanong pa ng bata.

“E, wala kasing nanliligaw sa akin. Hindi naman kasi ako kagandahan, e. Magaganda na ang hanap ng mga lalaki ngayon, ano,” masigla pa ring sagot niya, kahit na ang totoo ay muli na namang bumalik ang lungkot niya nang maalala ang ginawang panloloko sa kaniya ng lalaking matagal na niyang hinahangaan.

Paano’y pinaasa siya nito. Ang buong akala ni Candy ay gusto siya ng binata kaya palagi siyang nilalapitan nito sa nakalipas na mga buwan. Hindi niya nga akalain na lalapitan siya ng isang katulad nito, kaya naman talagang malaki ang naging pag-asa niyang baka gusto nga siya ng binata katulad ng mga sinasabi nito, ngunit hindi pala…

Ang totoo ay bagksak ito sa eskuwela, at upang makabawi ay kailangan nito ang tulong niya bilang kilala siyang isa sa pinakamatalino sa kanilang unibersidad. Nalaman niyang ginagamit lamang pala siya nito at labis siyang nasaktan!

“Ano nga pala ang pangalan mo, ’ne?” pag-iiba niya sa kanilang usapan.

“Bella po, ate. Ikaw po?”

“Ako naman si Candy. Nice to meet you, Bella. Gusto mo ba ihatid na kita sa inyo, o may susundo sa ’yo?” alok ni Candy sa bata.

“Susunduin po ako ni kuya. Nagpunta lang po siya saglit sa botika kasi may nakalimutan po kaming bilhin. P’wede po bang samahan n’yo na lang po akong hintayin siya?”

Agad na pinaunlakan ni Candy ang hiling na iyon ng bata. Saglit pa silang nagkuwentuhan bago dumating ang sinasabi nitong kuya… na halos ikabigla naman ni Candy nang malaman niyang ang kuya pala ng batang tinulungan niya ay ang captain ng varsity team ng basketball ng kanilang unibersidad! Si George!

Ipinaliwanag ni Bella sa kapatid ang nangyari sa kaniyang kuya at laking pasasalamat naman nito kay Candy. Nagpakilala sila sa isa’t isa at nagkamayan.

Nagpaalam na sa dalawa si Candy, ngunit lingid sa kaniyang kaalaman, mula nang araw na iyon ay hindi na siya naalis pa sa isipan ng binatang si George.

Nagsimula siya nitong batiin sa eskuwelahan sa tuwing sila ay magkakasalubong. Noong una ay hanggang doon lang, hanggang sa unti-unti na rin siyang inaaya ni George na makasabay nito sa pananghalian. Sa totoo lang ay maraming nagtataka kung papaanong bigla na lang siyang napansin ng binata ngunit hindi naman maiwasan ni Candy ang kiligin, bagaman siya ay may pag-aalinlangang baka matulad na naman ito sa nangyari noon.

Ngunit pinatunayan ni George na kaiba siya sa naunang hinahangaan ni Candy. Matalino naman kasi ang binata. Bukod doon ay masipag din ito at tahimik. Unti-unting lumalim ang kanilang samahan hanggang sa isang araw ay bigla na lamang siyang kinausap ni George.

“Candy, gusto kita at gusto kong manligaw sa ’yo.” Halos hindi mapakurap si Candy nang sabihin iyon ni George sa kaniya na agad naman nitong tinupad.

Umabot ng halos isang taon ang panliligaw sa kaniya ni George ngunit naging matiyaga ito. Kailan man ay hindi siya nito minadali kaya naman talagang nahulog din ang loob ni Candy sa binata. Sa wakas ay sinagot niya ito ng matamis na oo at walang pagsidlan ang tuwa nito!

Hindi niya akalain na dahil lamang sa minsan niyang pagtulong ay mahahanap niya ang tunay niyang pag-ibig.

Advertisement