Inday TrendingInday Trending
Hindi Nakuntento ang Dalaga sa Isang Beses Lang na Pagpaparetoke; Ikapapahamak Pala Niya ang Labis Niyang Pagpapaganda

Hindi Nakuntento ang Dalaga sa Isang Beses Lang na Pagpaparetoke; Ikapapahamak Pala Niya ang Labis Niyang Pagpapaganda

“Ang ganda ng ilong mo, girl! Nagpadagdag ka rin pala ng dibdib?” Taas-noong tinanguan ni Dennise ang sinabing iyon ng kaniyang kaibigang si Aurora, habang bakas sa mga mata nito ang paghanga.

Aba, dapat lang! sa isip-isip niya. Ilang buwan niyang pinag-ipunan ang perang ginamit niya sa kaniyang pagpapaganda, ’no! Katakut-takot na pag-o-overtime sa trabaho ang ginawa niya, idagdag pa ang labis na pagtitipid niya sa kaniyang budget sa pagkain at bills.

“Oo, pati nga itong jawline ko ay idinamay ko na. Ang ganda, ’di ba?” Kumindat pa si Dennise at iniipit ang buhok sa kaniyang tainga para mas makita ng kaibigan ang kaniyang ipinagmamalaking ganda!

“Grabe, friend, ang bongga mo na! Siguradong wala nang mas gaganda pa sa ’yo dito sa lugar natin!” sabi pa ni Aurora na lalo namang nakapagpalawak ng pagkakangisi ni Dennise.

Nasa ganoong pag-uusap ang dalawa, sa teresa ng bahay nina Dennise ay bigla na lamang dumaan sa kanilang tapat ang dalawang kapitbahay nilang kilalang mga tsismosa sa kanilang lugar. Nagbubulungan ang mga ito, ngunit ganoon pa man ay hindi pa rin iyon nakaligtas sa kanilang pandinig lalo na kay Dennise.

“Aba’y napakaganda naman talaga n’yang si Mirasol. Tingnan mo at halos wala nang tumalo sa kaniya sa tuwing magkakaroon ng beauty pageant dito sa atin. ’Yan ang dahilan kaya halos magkandarapa ang mayayamang kalalakihan sa kaniya, e.”

“Naku, sinabi mo pa. Ako nga’y nagtataka kung bakit wala pang natitipuhan ’yang si Mirasol… pero sa bagay, may karapatan naman siyang mamili nang maigi dahil sa angkin niyang ganda at katalinuhan. Hindi ba at ’yan, e, nagtapos na cum laude noong siya ay kolehiyo?”

“Ay, oo, natatandaan ko ’yon. Nagpa-letson pa nga ang kaniyang ama noon, e…”

Agad na nakadama ng matinding inggit at panliliit sa kaniyang sarili si Dennise nang marinig nila ni Aurora ang pag-uusap na ’yon. Hindi man nagsasalita ang kaibigan ay alam niyang alam nito na hindi niya nagustuhang malaman na mayroon pa ring nakahihigit sa kaniya.

Sa totoo lang ay matagal nang kinaiinggitan ni Dennise ang kapitbahay nilang beauty queen na si Mirasol. Noon pa man ay pinangarap na niyang maungusan ito sa kahit na anong paraan, at iyon din ang dahilan kung bakit siya nagpasyang magparetoke.

Bata pa lang sila ay palagi na siyang ikinukumpara kay Mirasol. Kahit nga ang mga magulang niya ay hanga rito, samantalang sa kaniya ay hindi!

“Dennise, ano ka ba! Maganda ka pa rin para sa akin. Huwag mo nang intindihin ’yong iba,” maya-maya ay pag-aalo ni Aurora sa kaniya nang mapansin nitong bigla siyang nawala sa mood. Mabuti na lang talaga at naging best friend niya ito at mayroon siyang karamay sa tuwing makakadama siya ng insecurity. Sa tuwina ay palagi na lamang pinalalakas ni Aurora ang kaniyang loob…

Ngunit ngayon, alam ni Dennise na hindi na sapat iyon para sa kaniya. Sa pagkakataong ito ay gusto niya talagang matalo si Mirasol kahit man lang sa pagiging maganda!

Dahil doon ay nagpasya si Dennise na muling sumabak sa pagpaparetoke sa ikalawang pagkakataon. Nais na niyang ubusin doon ang lahat ng kaniyang mga naipon para sa kaniyang sarili at wala nang makakapigil sa kaniyang gawin iyon kahit pa ang kaibigang si Aurora at ang kaniyang ama’t ina.

Isinikreto ni Dennise sa mga ito ang kaniyang balak, hanggang sa dumating na lang ang oras ng kaniyang muling pagpapaopera ng mukha. Iyon nga lang, dahil kapos na siya sa budget ay kinailangan niyang maghanap ng ibang doktor na nag-o-offer ng mas murang operasyon at swerteng nakahanap naman siya.

Labis ang pagkagulat ng mga nakakakilala kay Dennise nang sa ikalawang pagkakataon ay nakita nila siyang nakabenda na naman ang mukha! Laman na naman siya ng tsismisan at pangungutya, imbes na paghanga!

Sa wakas ay tuluyan nang gumaling ang panibagong mga opera ni Dennise! Noong mga unang linggo ay labis ang naging paghanga niya sa kaniyang sariling ganda, kahit ng mga kapitbahay nilang noong una’y nangutya sa kaniya.

Ngunit nang medyo tumagal iyon, napapansin ni Dennise na unti-unti ay tila may nadarama siyang kakaiba sa kaniyang mukha. Paano’y tila nangingitim ang kaniyang balat. Namamaga rin ito at kumikirot. Hanggang sa marami na ang nakakapansin na tila nahuhulas agad ang kaniyang retoke.

Nagpasiyang magpa-check up si Dennise matapos niyang maramdaman ang mga sintomas na iyon, at doon niya nalaman na nagkaroon pala ng malaking pakakamali ang ikalawang operasyong isinagawa sa kaniya ng isang pekeng doktor!

Mabuti na lamang at agad niyang naagapan ang pag-uumpisa ng pamumulok ng kaniyang laman sa mukha at iba pang parteng kaniyang ipinaopera! Labis ang naging pagsisisi ni Dennise. Dahil sa kaniyang sobrang inggit sa ibang tao ay muntik na siyang mapahamak.

Natutunan niyang hindi naman masama ang maghangad na ikaw ay gumanda, ngunit dapat ay ginagawa mo iyon upang ikaw ay sumaya at hindi upang makaangat ka sa ibang tao.

Advertisement