Minamaliit Niya ang mga Delivery Rider Tuwing Mali o Sira ang Dumadating na Produkto sa Kaniya; Nakahanap Siya ng Katapat Niya

Tuwing may depekto o kung hindi nama’y mali ang natatanggap niyang produkto mula sa pinag-order-an niyang tindahan sa internet, sa mga delivery rider nagagalit ang ginoong si Fidel. Katakot-takot na paliwanag man ang gawin ng mga delivery rider kapag siya’y may reklamo, hinding-hindi niya ito pinakikinggan.

Palagi niyang katwiran sa mga ito, “Sinong t*nga ang tatanggap ng produktong idedeliver niya nang hindi man lang tinitingnan ang kalidad nito? Ikaw ang may kasalanan! Dapat, tinitingnan at binubusisi mo muna bago mo ideliber sa kustomer!”

At kapag sumagot o nagpaliwag pa ang mga delivery rider na hindi nila pupwedeng galawin ang parsela o kahit tingnan ang loob nito, sandamakmak na pangmamaliit ang kaniyang binabato sa mga ito. Minsan pa nga’y mayroon siyang pinagmumumurang delivery rider dahil hindi nagana ang inorder niyang selpon mula sa isang online shop.

Ilang beses man din siyang paliwanagan ng kaniyang asawa at ilan nilang kapitbahay na nakakasaksi kung paano niya tratuhin ang mga delivery rider, nagagalit pa siya sa mga ito.

“Huwag niyo akong pakialamanan, ha! Kung gusto niyong makialam, kayo ang magbayad sa walang kwentang produktong ito!” sigaw niya sa kaniyang mga kapitbahay na todo awat nang minsan niyang duru-duruhin ang isang rider.

“Huwag ka na kasing umorder sa mga online shop, mahal, palagi ka na lang gan’yan, eh. Nakakahiya ka na!” sigaw ng kaniyang asawa na ikinagalit niya dahilan para ito naman ang kaniyang pagbuntunan ng galit.

Hindi na mabilang ang ganitong eksena sa kanilang bahay dahil paulit-ulit man siyang nagrereklamo, panay pa rin naman ang pagbili niya sa online shop ng kung anu-anong bagay.

Isang araw, nagising siya sa tawag ng isang delivery rider na agad ikinainit ng ulo niya.

Advertisement

“Talagang ngayon mo idedeliver ‘yan sa akin? Wala ka bang orasan, ha? Alas nuwebe pa lang ng umaga!” bulyaw niya rito matapos niya sagutin ang tawag.

“Ah, eh, sir, ganitong oras po talaga ang simula ng delivery namin. Saan po ba banda ang bahay niyo?” malumanay na tugon nito dahilan para siya’y walang magawa kung hindi sabihin ang eksaktong lugar ng kanilang bahay.

Pagkarating ng rider, katulad ng nakagawian niya, binuksan niya sa harap nito ang inorder niyang sapatos at katulad ng iba niyang order na napagpainit ng ulo niya, mali ang size na naibigay sa kaniya.

“Diyos ko, ano ba naman ‘to? Hindi naman ganito ang itsura ng sapatos na inorder ko! Ang liit-liit din ng size na binigay sa akin! Ginag*go mo ba ako?” galit niyang sigaw dito.

“Naku, pasensya na po, sir. Hindi ko naman po alam na gan’yan ang kalidad ng inorder niyong sapatos,” paliwanag nito na lalo niyang ikinainis.

“Kasalanan ko pa?” tanong niya rito.

“Hindi naman po sa gano’n, sir. Ang akin lang po, wala naman po akong kasalanan d’yan. Huwag niyo naman po akong pagsalitaan at angasan nang gan’yan,” sabi pa nito.

“May kasalanan ka! Tinatanggap mo ang isang delivery nang hindi man lang binubusisi ang laman!” sigaw niya.

Advertisement

“Sir, hindi po namin pwedeng buksan…” hindi na niya pinatapos ang sinasabi nito at agad na niya itong sinapok sa mukha.

“Sumasagot ka pa!” bulyaw niya pa rito matapos mapahiga sa kalsada dahil sa lakas ng suntok niya.

“Hindi lang ako basta delivery rider. Abogado rin ako. Kaya kung ako sa’yo, humanap ka na ng abogado kayang ilaban ang kasong isasampa ko sa’yo. Magkita na lang tayo sa korte at sabay nating panuorin kung paano mo tinapakan ang pagkatao ko. Hindi mo ako nabili, sir,” kalmado nitong sabi matapos tumayo saka pinakita sa kaniya ang ID nitong nagpapatunay na ito’y abogado at ang bidyo ng kanilang pag-uusap na talagang labis na ikinataranta ng kaniyang asawa.

“Hindi lang ikaw ang ginagan’yan niyan, sir, maraming mga rider ang nilalapastangan niyang sigang ‘yan!” sigaw ng matanda nilang kapitbahay na ikinangisi ng naturang rider.

Magkahalong takot at kaba man ang nararamdaman niya, desidido pa rin siyang lumaban. Naghanap siya ng abogadong magtatanggol sa kaniya pagkatanggap na pagkatanggap niya ng isang sulat na siya’y pinaanyayahan sa korte. Hinanap niya ang pagkatao ng naturang rider upang mahanapan ito ng butas. Ngunit imbes na butas ang makita niya, nalaman niyang umaapon pala ito ng mga batang kalye kaya nagdodoble kayod upang matugunan ang pangangailangan ng mga ito dahilan para siya’y mawalan na ng pag-asang manalo sa kaso. 

Kahit anong galing ng abogado niya, wala itong nagawa dahil sa dami ng delivery rider na nagpatunay ng kawalang-hiya*n niya. Dagdag pa rito ang mga kapitbahay nilang hindi rin nagpatinag upang patunayan ang pagkakasala niya.

“Patawarin niyo ako, patawad po!” iyak niya sa harap ng mga ito, ngunit imbis na siyang kaawaan, tinapik lang siya sa balikat ng abogadong nasuntok niya at sinabing, “Mabilis naman ang panahon sa loob ng kulungan. Sapat na ‘yon para mabago mo ang ugali mo,” na labis niyang ikinapanghina.

Doon niya labis na naunawaang mali ang ginagawa niyang pangmamaliit sa trabaho ng iba na para bang pati pagkatao ng mga ito ay kaniya na niyang nabili.

Advertisement

Gustuhin man niya sanang bumawi sa mga ito dahil sa kaniyang pagkakasala, wala siyang magawa kung hindi ang unang ayusin ang kaniyang sariling pag-uugali habang nasa loob ng kulungan.