Siya ang Napag-iiwanan sa Kanilang Magkakaibigan, Darating pa kaya ang Panahon na Siya naman ang Magtatagumpay?

Sa apat na magkakaibigan, si Lando na lang ang tanging napag-iiwanan at walang trabaho. Ang pinakabata sa kanilang magkakaibigan na kamakailan lang nagtapos ng pag-aaral ay isa na ngayong inhinyero sa ibang bansa, ang isa pa ay isa nang beteranong pulis at ang isa pa ay maganda na rin ang buhay sa ibang bansa dahil sa mga negosyo nito. Habang siya, ang pinakamatanda sa grupo, hanggang ngayon ay isa pa ring certified tambay sa kanilang barangay na taga bigay direksyon sa mga delivery rider na naliligaw. 

Ilang beses man siyang pinagtangkaang bigyan ng pera ng kaniyang mga kaibigan para siya’y magkapagsimula, lagi niya itong tinatanggihan dahil ayaw niya ng pakiramdam na kinaaawaan lalo na ng mga kaibigan niyang mas bata pa sa kaniya. “Ako nga ang kuya nila tapos ako pa tutulungan nila? Dapat ako ang tumulong sa kanila, eh!” lagi niyang sambit habang binabatuk-batukan ang sarili.

Minsan, ginagawa niya na lang katatawanan ang mapait niyang buhay sa kalsada lalo na kapag kausap niya sa video call ang mga kaibigan niyang ngayon ay mayayaman na.

“Anong balita sa’yo, Kuya Lando? Wala ka pa rin bang trabaho?” tanong ng pinakabata sa kanila na si Ben.

“Sino bang nagsabi sa’yong wala akong trabaho, ha! Parang hindi mo namang alam ako ang tagapagbigay ng direksyon sa mga taong naliligaw dito sa barangay natin! Wala nga lang akong sweldo!” biro niya saka tumawa nang napakalakas.

“Naku, kuya, sabi sa’yo, tanggapin mo na ang perang binibigay ko. Pwede mo ‘yong gamitin para makapag-aral ka muli o kung hindi nama’y gamitin mo sa pagnenegosyo!” sabat pa ng isa na agad niyang ikinailing.

“Huwag niyo na akong alalahanin! Kayang-kaya ko ang buhay ko! Gusto kong ako mismo ang maghihirap para sa tagumpay na inaasam ko!” sambit niya pa saka niya agad iniba ang usapan upang huwag na siyang makaramdam nang panliliit.

Kinabukasan, siya’y muling nagbakasaling makipagpalaran sa Maynila pagkatapos ng ilang buwan niyang pamamahinga sa paghahanap ng trabaho roon. Sakto namang may nakita siyang hotel sa internet na naghahanap ng empleyado dahilan para agad-agad siyang magpasa ng aplikasyon dito at agad na magpunta roon para sa interbyu.

Advertisement

Kaya lang, katulad ng mga dating interbyung kaniyang naranasan, sabi sa kaniya ng dalagang nakausap niya roon, “Tatawagan na lang po namin kayo, sir.”

Pero hindi siya roon tumigil, binaybay niya iba pang kumpanya roon at siya’y sumubok na mag-apply. Sa kasamaang palad, kung hindi siya natatanggap, walang bakanteng posisyon sa mga kumpanyang iyon dahilan upang ganoon na lang siya mawalan ng pag-asa.

Bandang alas-sais ng gabi, nagpasiya na siyang umuwi. Habang naghihintay ng tren sa terminal, pinipigilan niya na lang ang maiyak dahil sa kamalasang mayroon siya.

Walang anu-ano, may isang ginoo ang tumabi sa kaniya. Tila pagod na pagod ito at kaniyang naririnig ang pagkulo ng tiyan nito. May hawak din itong makapal na dokumento na tila isang business proposal.

“Mukhang napalaban po kayo para ipaliwanag ang buong dokumentong ‘yan sa mga kumpanya rito sa Maynila, ha,” sabi niya rito.

“Ah, eh, oo nga, eh. Awa naman ng Diyos, may kumpanyang tumanggap sa negosyo kong ito. Ikaw ba? Mukhang galing ka rin sa bakbakan, ha? Kamusta naman ang araw mo rito sa Maynila?” masaya nitong tanong.

“Ito, sir, wala na namang tumanggap, eh. Mahirap talaga kapag walang pinag-aralan. Hindi sapat na masipag ka lang at matiyaga, dapat talaga may diploma ka,” buntong-hininga niya.

“Sino namang nagsabi sa’yo niyan? Ako nga, sipag at tiyaga rin ang puhunan ko rito. Wala man akong diploma, pinatunayan ko na may alam din ako sa mga bagay-bagay! Huwag kang mawalan ng pag-asa! Gusto mo bang tulungan kita?” tugon nito na agad niyang ikinaisip.

Advertisement

“Paano naman po? Sa tanda kong ‘to, sobrang purol na ng utak ko,” sagot niya na ikinailing nito.

“Ako’ng bahala, halika, sumama ka sa maliit kong opisina!” yaya nito saka siya agad na hinila papasok sa kakadating lang na tren. 

Doon nga ay masusi siyang tinuruan ng ginoo paano pumasok sa isang negosyo. Hirap na hirap man siyang intindihin ang mga salitang ginagamit nito na ngayon niya lang narinig, tinulungan niya rin ang sarili niyang makaintindi hanggang sa araw-araw na siyang bumalik sa opisina ng ginoong ito upang matuto.

Habang inuumpisan ng ginoo ang proyekto sa isang kumpanya, siya ang ginawa nitong kanang-kamay at sekretarya. Sa ganoong paraan, natututo na siya, kumikita pa siya ng pera na sasapat sa pang-araw-araw niyang pangangailangan.

Hindi rin nagtagal, nang matapos nila ang proyekto, agad na umingay ang pangalan ng ginoong kasama niya dahil marami ang bumili sa produktong ginawa nilang dalawa.

Doon sila nakahakot ng sandamakmak na investors na nagbigay resulta sa paggawa nila ng sariling kumpanya. Rito na nagsimulang umasenso ang buhay niya hanggang sa tuluyan na siyang yumaman katulad ng kaniyang mga kaibigan.

“Mga utol, mayaman na rin ako katulad niyo!” balita niya sa mga ito nang muli silang magkausap lahat.

“Masaya kami para sa’yo, kuya! Hinahangaan ka naming lahat!” sabi ng mga ito na talagang nagpataba sa kaniyang puso.

Advertisement

Hindi talaga natin mapipilit ang panahon. Kung mauna man silang magtagumpay kaysa sa’yo, asahan mong darating din ang oras na ikaw naman ang kanilang papalakpakan. Habang wala pa ang oras ng tagumpay mo, matuto tayong pumalakpak para sa iba.