Kinain Niya ang Pagkain ng Kinaiinisan Niyang Katrabaho; Maya Maya’y Mabahong Amoy ang Kumalat sa Sinasakyan Nilang Bus

Kahit nasa tamang edad na ang dalagang si Myrtel, hindi niya pa rin magawang kontrolin ang kaniyang pagiging maldita at madamot. Lalo na kung ang pinag-uusapan ay ang kinaiinisan niyang katrabaho na si Edna. 

Sa katunayan, wala naman talaga itong ginagawang masama sa kaniya. Sadyang nag-iinit lang ang kaniyang ulo sa tuwing nakikita niya itong pumapalpak sa trabaho dahil alam niya, bilang manager ng restawran, siya ang mapapagalitan ng kanilang amo sa bawat pagkakamali nito.

Kaya naman, sa tuwing dumarating ang pagkakataon na may mali itong nagagawa o kaya’y may nababasag itong gamit sa kanilang pinagtatrababuhang restawran, katakot-takot na pangmamaliit ang kaniyang binabato rito.

Katulad na lang nang matapunan nito ng tubig ang isa sa mga suki nilang kustomer sa restawran. Harap-harapan niya itong pinahiya sa mga kustomer nila noong araw na ‘yon.

“Inutil ka ba talaga, ha? Sa dami-dami ng pupwedeng matapunan, talagang si madam pa ang tatapunan mo?” sigaw niya rito dahilan para makuha niya ang atensyon ng lahat ng mga kumakain noong oras na iyon.

“Naku, ma’am, hindi naman niya sadya. Sa totoo nga niyan, ako ang nakatabig sa kaniya kaya niya natapon sa akin ang tubig,” paliwanag ng natapunang kustomer na hindi niya inintindi.

“Hindi, ma’am, talagang mapurol lang ang utak nito kaya pagpasensyahan niyo na po ‘to. Hayaan niyo po ako ang bahala rito,” sagot niya saka masamang tinitigan ang katrabahong nakatungo na lang dahil sa sobrang pagkahiya.

“Pasensya na po, ma’am. Babayaran ko na lang po ang nabasa niyong damit,” sabi nito sa kustomer, sasagot pa lang sana ang ginang, agad na niyang hinila sa kusina ang katrabaho at doon ito pinaulanan ng sermon na rinig hanggang sa labas ng kanilang restawran.

Advertisement

Hindi pa roon natapos ang pangmamalupit niya rito. Tuwing nakikita niya itong masaya kasama ang kapwa nila mga empleyado, gumagawa siya ng paraan upang magmukha itong kawawa.

Kagaya na lang noong team building ng kanilang kumpanya. Sama-sama silang magkakatrabaho sa isang bus ngunit ni isa, walang gustong tumabi sa kaniya. Habang ang kinaiinisan niyang katrabahong si Edna, napagigitnaan ng mga bibo at nakakawili nilang katrabaho na talagang ikinainggit niya.

Kaya naman, nang ibilin sa kaniya ng kanilang boss ang pagkain ng mga hawak niyang empleyado, agad niyang tinago ang pagkain nito at inilagay sa kaniyang bag saka niya pinamigay sa iba ang mga pagkaing may pangalan pa sa kani-kanilang lalagyan.

“Ma’am, wala pong pagkain si Edna?” tanong ng isang empleyado sa kaniya.

“Aba, malay ko! Baka akala ni ma’am, hindi natin kasama ang b*bitang ‘yan! Wala namang magandang natutulong ‘yan sa restawran, eh!” patawa-tawa niyang sabi habang tinitingnan ang nakatungong dalaga.

“Hayaan mo, Edna, hahatian ka na lang namin ng pagkain!” sabat ng isa pang empleyado na ikinapintig ng tainga niya.

“Hindi ba’t bawal maghati-hati ng pagkain ngayon dahil sa kumakalat na sakit? Hayaan niyo siyang magutom kaysa magkasakit kayong lahat!” babala niya sa lahat saka pinainggit dito ang pagkaing kinakain niya.

At dahil nga ayaw niyang mahalata ng iba na kinuha niya ang pagkain ng katrabaho, pati pagkain nito, patago niyang kinain saka tinapon sa basurahan ng bus ang lalagyan nito.

Advertisement

“Kawawang, Edna. Panigurado, kumukulo na ang tiyan niya ngayon dahil sa gutom,” nakangisi niyang sabi ngunit pagkatapos noon, biglang humilab ang tiyan niya at siya’y napaut*t. 

“Ang baho naman!” sigaw ng isa niyang katrabaho.

Pilit man niyang pinigil ang muling paglabas ng masamang hangin sa katawan niya, hindi niya ito kinaya at ang malala pa roon, may kasama na itong dumi dahilan para magtilian sa baho ang ibang empleyado.

“Nasobrahan ka yata sa pagkain, ma’am!” kantyaw ng isa.”Hindi talaga natutulog ang karma!” sigaw pa ng isang empleyado dahilan para magtawanan ang lahat.

Nagulat naman siya nang siya’y abutan ng short ni Edna at isang panloob na hindi pa nagagamit. Kinausap din nito ang drayber at nagpahanap ng matitigilang palikuran at doon niya tinapos ang tawag ng kalikasan.

“Bakit ngayon ka pa nag-amok? Pinapahiya mo naman ako, eh!” inis niyang sabi habang hinihimas ang kaniyang tiyan na patuloy na humihilab.

Paglipas ng ilang minuto, muli na rin siyang nakabalik sa kanilang bus. Ang mabahong amoy na naiwan niya ay napalitan na ngayon ng amoy ng pabango ni Edna dahilan para ganoon na lang siya makonsensya sa lahat ng ginawa niyang masama rito.

Bago tuluyang umalis ang bus, siya’y muling bumaba at bumili ng makakain sa convenience store na naroon. Lahat ng pagkaing binili niya ay iniabot niya kay Edna saka siya humingi ng tawad at nagpasalamat dito. 

Advertisement

Sa sobrang tuwa ng kanilang mga katrabaho dahil sa ginawa niyang iyon, halos magiba ang bus na kanilang sinasakyan dahil sa pagwawala, tilian, at pagyayakapang ginawa ng mga ito.

“Sa wakas! Babait na si Ma’am Myrtel!” sigaw pa ng isa na labis niyang ikinatawa.

Simula noon, hindi na siya muling nakaramdam ng pagkainis sa dalaga. Bagkus, pinakitunguhan niya ito nang mabuti upang gumaling ito sa pagtatrabaho.

Sa gayon, napalapit na siya sa kaniyang mga katrabaho, labis pa siyang hinangaan ng kanilang boss dahil sa paggaling ni Edna sa pagtatrabaho.