Tinitiis Niya ang Pangmamalupit ng Asawa para sa Kaniyang mga Anak, Ito rin pala ang Rason Kung Bakit Naging Bayaran ang Kaniyang Pinsan

Sa labis niyang kagustuhang makasabay sa agos ng buhay, siya’y nagtiis sa kamay ng mapanakit niyang asawa matugunan lang ang pangangailangan ng kaniyang mga anak. 

Ito ang ginang na si Minda na nakapangasawa ng isang lalaking mula sa isang mayamang angkan sa kanilang probinsya. Wala man siyang nararamdamang kilig dito simula pa noong siya’y ligawan nito, pinagpatuloy niya ang pagpasok sa relasyon kasama ito para lang magkaroon siya ng magandang buhay. 

Hindi naman siya nagkamali sa pagpili rito dahil simula nang ikasal sila at magkaroon ng tatlong mga anak, masaganang buhay ang naranasan niya rito. Sa katunayan, halos buwan-buwan ay nagpupunta sila sa iba’t ibang bansa dahil sa mga business trip ng kaniyang asawa.

Kaya lang, tuwing ito’y nalalasing o kung hindi nama’y kapag may umayaw na investor sa kumpanyang pinapalakad nito, walang habas siya nitong sinasaktan kahit pa sa harap ng kanilang mga anak.

Ngunit dahil nga gusto niyang maging maayos din ang buhay ng kanilang mga anak, lahat ng ito ay kaniyang tiniis. Sabi niya pa sa mga anak sa tuwing nasasaksihan ng mga ito ang pangmamalupit sa kaniya, “Ayos lang si mommy, mga anak, hindi niyo kailangang magalit kay daddy. Siya ang magbibigay sa inyo ng magandang buhay.”

Samantala, kahit pa may sarili na siyang problema, hindi niya pa rin maiwasang hindi husgahan ang mga tao sa paligid niya lalo na ang pinsan niyang napag-alamanan niyang nagbebenta na ng katawan ngayon sa isang kilalang bar sa Maynila.

“Diyos ko! Walang-wala na ba talaga ‘yang si Honey? Masuwerte pa pala ako! Kahit na nanakit ang asawa ko minsan, mayaman pa rin ako!” sabi niya nang mapatunayan ito sa pamamagitan ng isa niya pang pinsan na nakasabay niya sa pamimili ng mga damit sa mall.

“Hindi ko ba alam doon sa pinsan natin! Mukhang desperada na talagang makabingwit nang mayamang lalaki para umasenso sa buhay!” nguso pa nito na talagang ikinailing niya.

Advertisement

“Kung pagbebenta ng laman ang trabaho niya, huwag na siyang umasang may magseseryoso sa kaniyang lalaki at magpapayaman sa kaniya! Nakakadiri siya!” sabi niya pa habang labis na nandidiri sa katawan ng pinsan.

Kinagabihan, habang inaayos niya sa damitan ng kaniyang mga anak ang napamili niyang damit, siya’y biglang niyaya ng kaniyang asawa sa isang bar para kitain ang mga investors nito at dahil wala naman na siyang gagawin pa, dali-dali siyang nagbihis at sumama rito.

Habang abala sa pakikipag-usap tungkol sa negosyo ang kaniyang asawa sa mga ibang lahing negosiyanteng naroon, nakuha ng isang lalaking pilit na hinuhubaran ang isang babae sa harap ng iba pang manginginom ang atensyon niya at nang kilalanin niya ang babaeng pilit na pumapalag, napagtanto niyang ito ang pinsan niya dahilan para dali-dali niya itong hilahin palayo sa mga lalaking iyon at kaniya itong dalhin sa palikuran.

“Ano, Honey, ito talaga ang gusto mong trabaho, ha? Gusto mo talagang ginagawa kang laruan at katatawanan ng mga lalaki para lang kumita ka ng pera?” inis niyang sigaw dito.

“Huwag mo nga akong pakialamanan. Kung ito lang ang trabahong tutugon sa pangangailangan ng mga anak ko, gagawin ko! Kagaya mong nagtitiis sa mapanakit mong asawa para magkaroon ng magandang buhay ang mga anak mo, nagtitiis din akong mab*stos para sa mga anak ko!” bulyaw din nito sa kaniya saka agad na bumalik sa mga lalaking iyon. 

Hahabulin niya sana ito ulit nang bigla siyang hablutin ng kaniyang asawa palayo at doon niya lang naalala na may kausap nga pala itong mga investors dahilan para siya’y agad na makaramdam ng takot.

“Pasensya na talaga, mahal, hindi ko kayang makitang binabast*s ang pinsan ko. Huwag mo naman sana akong saktan, pangako…” hindi na niya natapos ang sasabihin niya dahil siya’y agad nitong niyakap. 

“Nagulat ang mga kausap kong negosiyante sa ginawa mong kabayanihan. Huwag kang mag-alala, nasa maayos nang kamay panigurado ang pinsan mo at mabibigyan siya nang marangal na trabaho. Dahil din sa ginawa mo, hinangaan ako ng mga negosiyanteng kausap ko kaya lahat sila’y mag-iinvest sa kumpanya ko. Patawarin mo ako, mahal, sa mga pangmamalupit ko sa’yo. Pangako, simula ngayon, magiging mabuti na ako sa’yo,” sambit nito habang umiiyak dahil sa sobrang saya.

Advertisement

Wala siyang ibang magawa noon kung hindi maiyak din at maging masaya lalo na nang makita niyang nakadisenteng damit na ang kaniyang pinsan kasama ng isang negosiyanteng kausap ng kaniyang asawa.

Doon niya napagtantong lahat talaga ay gagawin ng isang ina para matugunan ang pangangailangan ng kanilang mga anak. Katulad niya, ito rin ang gustong gawin ng kaniyang pinsan dahilan para simula noon, hindi na niya ito muling husgahan bagkus patuloy niya itong tinulungan at sinuportahan.

Naging maayos na rin ang pakikitungo sa kaniya ng kaniyang asawa na nagbigay resulta sa pagiging masaya ng kanilang buong pamilya.