Palagi na Lang May Hawak na Mapa ang Ulyaning Matanda; Sa Pagmamagandang Loob ng Binata’y Malaki pala ang Matatanggap Niyang Biyaya

“Hijo, sundan natin itong mapa ko. Halika, samahan mo ako.” Hindi pinansin ng isa sa mga binatang tagapag-alaga ng matandang si Joselito, sa home for the aged, ang kaniyang mga sinasabi, bagkus ay patuloy lamang ito sa pagpapalit ng kaniyang damit.

“Sige na, hijo. Halika na, samahan mo na ako! Gusto kong puntahan ulit ang mansyon ko bago ako mawala sa mundo,” ngunit muli ay sabi nito na ipinagduldulan pa sa mukha ng binata ang hawak nitong mapa.

“Sinabi nang ayaw ko, e!” napipikong sigaw naman ng nasabing tagapag-alaga nito na nasaksihan ni Rico.

“Pare, huwag mo namang ganiyanin ’yong matanda. Alam mo na ngang nag-uulyanin kaya ganiyan, hindi mo pa intindihin,” naiiling na saway niya sa kasamahan na agad naman siyang kinunutan ng noo.

“Kabago-bago mo pa lang dito, akala mo kung sino ka nang umasta sa akin. Bakit hindi mo subukang ikaw ang mag-alaga sa isang ito? Tingnan ko lang kung hindi ka mapundi!” sabi pa nito sa kaniya na agad naman niyang tinanggap.

“Bago lang ako pero hindi ako bulag. Nakita ko kung paano mo itulak at sigawan si lolo. Tandaan mo, pare, tatanda ka rin! Kung ayaw mong mag-alaga sa kaniya, ako na!” mariin namang sagot ni Rico sa kasamahan na agad namang tumayo at walang pasabing nilampasan siya. Naiwan sa kaniya si Lolo Joselito na noon ay hindi pa tapos magbihis. Ipinagpatuloy ni Rico ang pag-aasikaso sa matanda.

“Hijo, halika, samahan mo ako sa mansyon ko at sundan natin itong mapa,” maya-maya ay sabi sa kaniya ng matanda. Napangiti naman si Rico. Alam niya kasing dating bilyonaryong negosyante noon si Lolo Joselito na ayon sa bali-balita ay nalugi mula nang ito ay magkasakit. Ngayon ay wala na raw itong natitirang yaman kundi ang mansyon nito kaya naman naaawa siya sa matanda. Wala rin daw kasing kaanak na gustong kumupkop dito kaya basta na lamang nila itong inilagay sa home for the aged.

“Bakit po gusto n’yong bumalik sa mansyon, lolo? Ayaw n’yo ba rito? Wala naman po kayong kasama roon, e,” sabi naman ni Rico.

Advertisement

“Kukunin natin ang yaman ko, hijo. Nandoon sa mansyon. Nakasulat dito sa mapa ko. Dalian mo! Gusto kong bumalik sa mansyon bago man lang ako mawala sa mundo,” sagot naman nito na ikinakunot ng kaniyang noo.

“Huwag po kayong magsalita nang ganiyan, lolo. Mahaba pa ang magiging buhay n’yo. Pero, sige. Gagawan ho natin ng paraan na makabalik kayo. Ipagpapaalam ko ho kayo.”

Ganoon nga ang ginawa ni Rico. Kahit walang bayad ay naglaan siya ng oras upang samahan ang matanda sa dati nitong mansiyon, dala ng awa niya sa matanda. Naaalala niya kasi ang lolo niyang namayapa na noon lamang isang taon kay Lolo Joselito.

Bakas ang saya sa mukha ni Lolo Joselito nang muling makabalik sa kaniyang mansiyon. Masaya rin naman si Rico dahil sumigla ulit ito.

“Halika, hijo. Sundan natin itong mapa ko!” maya-maya ay aya sa kaniya ng matanda. Tutal ay narito na lamang din naman sila ay pinagbigyan na lamang ito ni Rico. Wala kasing ibang gagawa n’on kundi siya lang.

Nakarating sila sa tapat ng isang pintuan sa mansiyong iyon. Laking pagtataka naman ni Rico nang tila biglang lumakas si Lolo Joselito at nagawa nitong tumayo mula sa kanyang wheelchair upang buksan ang naturang pinto. Pagkatapos ay inaya siya nitong papasok na animo isang matinong tao at hindi isang nag-uulyaning matanda…

Sa loob ng naturang silid ay naabutan niya ang isang lalaki. “Ako si Atty. Arnaldo, abogado ako ni Don Joselito at gusto kitang batiin dahil ikaw ang napili upang maging tagapagmana niya ng lahat ng kaniyang iiwanang yaman,” bungad nito sa kaniya na agad namang ipinagtaka ni Rico.

Napatingin siya sa matanda na ngayon ay nakita niyang nagsusuot na ng isang pormal at eleganteng damit na animo bumalik ito sa pagiging isang bilyonaryong negosyante! “Salamat sa kabutihang ipinakita mo sa akin, hijo. Hindi naman totoong isa akong ulyaning matanda at nalugi na ang kompaniya ko. Gawa-gawa ko lang ’yon para mapili ko kung sino ang karapat-dapat na maging tagapagmana ko ngayong matanda na ako,” pagpapaliwanag pa nito. “At ikaw ’yon, hijo.”

Advertisement

Sa isang iglap ay biglang nagbago ang buhay ni Rico. Hindi niya akalaing totoo pala ang sinasabi ni Lolo Joselito tungkol sa yaman nito, at ngayon ay ipinasa na nito sa kaniya ang lahat! Nalaman niyang kaya pala nito nagawa iyon ay dahil makailang ulit na pinagtangkaan ng kaniyang mga kaanak ang buhay ng don, kaya minabuti nitong magpanggap na wala nang pera at nag-uulyanin upang lubayan siya ng mga ito at nang sa ganoon ay mahanap din niya ang susunod na magmamana ng kaniyang mga pinaghirapan.

Ngayon ay masayang namumuhay si Rico kapiling ng buo niyang pamilya sa mansyong pagmamay-ari ng matandang walang pagdadalawang isip na ipinapasa sa kaniya ang lahat ng kaalaman nito sa negosyo. Iyon ay dahil lamang sa pagiging mabuti ni Rico kahit sa isang nag-uulyaning matanda.