Sa Unang Pagkakataon ay Magkikita Sila ng Kaniyang Textmate; Matipuhan Kaya Nila ang Isa’t Isa?

Kilig na kilig si Hershey. Pagmulat pa lang kasi ng mata niya ay bumungad na agad sa kaniya ang mensahe ng textmate niyang si Tim.

“Good morning! Kain ka na ng almusal.” May puso pa!

Nangingiti siyang nagtipa ng mensahe pabalik.

“Good morning. Ikaw rin, ‘wag ka papagutom.”

Ngiting-ngiting tumungo siya sa banyo para maghilamos.

Ilang buwan na rin ang lumipas simula noong makilala niya si Tim. Aksidenteng na-wrong send siya rito.

Hindi ito tumigil sa pangungulit, hanggang sa napilitan siyang mag-reply. Nakakaaliw naman ang lalaki kaya sa huli ay naging magkaibigan sila.

Limang buwan na niya itong kausap sa cellphone. Gabi-gabi silang magkausap sa tawag at kilalang-kilala na nila ang isa’t-isa.

Advertisement

Kasalukuyan siyang nagsesepilyo nang tumunog ang cellphone niya, tanda na may pumasok na bagong mensahe.

Nagmamadali siyang nagmumog bago patakbong kinuha ang cellphone niya na nakapatong sa kama.

“Hershey, pwede ba na magkita naman tayo? Gusto kitang makilala nang personal. Kung papayag ka, liligawan na rin kita.”

Napatili siya sa sobrang kilig nang makita ang mensahe ni Tim. Bagaman kasi nagkakamabutihan na sila, iyon ang unang beses na nagsabi ni Tim na liligawan siya nito.

Labis ang kabog ng dibdib ng dalaga. Sa wakas ay masisilayan niya na ang mukha ng taong nagpapakabog ng kaniyang dibdib.

Wala siyang kaide-ideya kung ano ang itsura nito. Pero pakiramdam niya ay gwapo ito. Paano niya nalaman? Aba, boses pa lang nito ay kinakikiligan niya na. Buong-buo ang baritono nitong tinig, na lalaking-lalaki ang tunog. 

“Bes, sigurado ka ba na pogi ‘yan? E, anong gagawin mo kung pangit?” natatawang usisa ng kaibigan niyang si Ella nang mabanggit niya rito ang pagkikita nila ni Tim. 

Siya naman ang natawa.

Advertisement

“Sira, ano ka ba! Hindi! Hindi siya panget. Nararamdaman ko,” aniya sa kaibigan.

Napapailing na ngumisi lamang ito.

“‘Wag ka nga masyadong umasa riyan. Mamaya niyan, madismaya ka,” payo nito.

Ngunit sa isip ni Hershey ay may ideya na siya kung anong itsura ni Tim. Sigurado siya na magugustuhan niya maging ang pisikal nitong katangian.

Siya naman ay walang ikinahihiya sa itsura niya. Bata pa lang siya ay alam niya nang maganda siya.

Kaya naman halos nasisiguro niya na na tuluyan nang mahuhulog ang loob ni Tim kapag nakita nito ang maganda niyang mukha.

Isang gabi bago sila magkita ay kausap niya si Tim.

“Paano kung hindi mo magustuhan ang itsura ko?” narinig niyang tanong nito sa kabilang linya.

Advertisement

Napangiti siya.

“Ano ka ba, hindi mangyayari ‘yun,” aniya.

“Buti naman. Hindi naman talaga mahalaga ang pisikal na itsura, hindi ba?”

Hindi na nakasagot si Hershey dahil tuluyan na siyang nilamon ng antok.

Kinaumagahan, pagmulat pa lang ng mata niya ay hindi na siya mapakali. Sabik na siyang makita si Tim!

Tumunog ang cellphone niya.

“Good morning! Makikita na rin kita sa wakas!” anang mensahe mula sa binata.

Halos hilahin na ni Hershey ang oras. Alas singko kasi ang usapan nila, pero alas tres pa lang ay bihis na bihis na siya.

Advertisement

Alas kwatro y medya pa lang ay nakarating na siya sa restawran kung saan nila napag-usapan na magkita.

Bago pumatak ang alas singko ay isang lalaki ang lumapit sa kaniya. May hawak itong cellphone. Malawak ang ngiti nito.

“Ikaw ba si Hershey?” anito.

Alanganin siyang tumango habang maang na nakatitig si lalaki. Hindi siya makapaniwala na ito si Tim! Parang gusto niyang maiyak!

Malayong-malayo kasi ito sa “Tim” na inaasahan niya. Ang Tim na binuo niya sa kaniyang imahinasyon ay matangkad, maputi, at gwapo! Subalit ang lalaking nakatayo sa harap niya ay kabaligtaran ng lahat ng nasa imahinasyon niya.

Malaki ang ngiti na umupo ito sa tapat niya.

Maraming tumatakbo sa isip ni Hershey ngunit isang bagay ang nais niyang gawin nang mga oras na iyon—kailangan niyang lumayo sa lalaki. Hindi niya inakala na ganoon pala ang itsura ng textmate niya!

“Uhm, a-aalis na ako… N-nalimutan ko na may l-lakad pa pala kami ni Mama…” utal-utal na paalam niya sa binata bago siya nagmamadaling tumayo.

Advertisement

“Bakit naman?” malungkot na tanong nito.

Naisip niya na prangkahin na ito, tutal ay hindi na naman sila magkikita ulit. At wala naman din siyang plano na i-text pa ito. Baka kasi marami pa itong babaeng malinlang.

Muli siyang naupo sa tapat nito.

“Sa totoo lang dismayado ako. Hindi ko naman kasi alam na ganyan pala ang itsura mo…” nakangiwing paliwanag niya.

“Sa susunod, magpadala ka na kaagad ng litrato, para alam na nung kausap mo at hindi na sila malinlang pa…” payo niya sa malumanay na boses.

Nang sulyapan niya ang lalaki ay bakas sa mukha nito ang matinding hiya.

Tumayo na siya upang umalis, ngunit pagpihit niya ay nakita niya na nakatayo roon ang isang gwapong binata. May hawak itong bulaklak na paborito niya—pulang rosas.

Tila nababatubalaning napatunganga siya sa lalaki sa harap niya. Napapitlag lang siya nang may magsalita.

Advertisement

“Tim! Paalis na si Hershey!” anang pangit na lalaki sa bagong dating.

Gulong-gulong nilingon niya ang lalaking kausap kanina.

“Teka, akala ko ba ikaw si Tim?” kunot noong usisa niya.

Umiling ito, nakakunot noo rin.

“Wala akong sinabi. Bago pa ako makapagpakilala, sinabi mo nang aalis ka…” nagkakamot ng ulong wika ng pangit na lalaki.

“Kung ganoon, ikaw si Tim?” nanlalaki ang matang wika niya sa gwapong lalaki.

Tumango ito, subalit wala itong kangiti-ngiti.

Unti-unting bumalik ang ngiti sa labi ni Hershey.

Advertisement

“Tim, ikaw pala ‘yan…” may bahagyang kilig na wika niya.

“Upo ka, mag-usap tayo–”

“Akala ko ba aalis ka na?” putol nito sa sasabihin niya.

Bago pa man siya makaimik ay muli itong nagsalita.

“Pinauna ko lang ‘yung kaibigan ko para hindi ka maghintay nang matagal, hindi ko naman inakala na malalait-lait pala siya,” dismayadong wika ni Tim.

Natameme si Hershey. Sa sobrang gwapo ng kaharap niya ay nalimutan niya na ang masasakit na sinabi niya sa kaibigan nito. Sa kamalas-malasan ay narinig pa nito ang ng sinabi niya!

“Hershey, hindi mo dapat sinusukat ang halaga ng tao base sa itsura nila. Kapag ganyan ka, hindi ka makakahanap ng mga taong tunay na magmamahal sa’yo,” naiiling na payo nito.

Bago pa siya makaimik ay tumalikod na ito at naglakad palayo. Ilang sandali pa ay nagmamadaling sinundan na rin ito ng isinama nitong kaibigan.

Advertisement

Naiwan siya na nakatulala.

Sinubukan niyang i-text at tawagan si Tim ngunit hindi na ito sumagot pang muli. Noong huli ay nalaman niya na nagpalit na ito ng numero.

Hinayang na hinayang si Hershey. Bukod kasi sa gusto niya sana maging boyfriend si Tim, isa rin itong mabuting kaibigan sa kaniya.

Ngunit dahil sa kababawan na pinairal niya, nawalan na siya ng minamahal, nawalan pa siya ng mabuting kaibigan.