Gigil na Gigil Siya nang Malamang Hindi Siya Imbitado sa Kasal ng Kaibigan; Pahiya Siya nang Malaman Kung Bakit

Labis ang gigil ni Gladys sa kaibigan na si Mae. Paano ba naman, nalaman niya na sa kanilang magkakaibigan, siya lang ang bukod tangi na hindi nito inimbita sa kasal.

Alam niya naman na matagal na silang hindi nagkikita, pero paano nito nagawa na i-itsapwera siya?

“Kung g-gusto mo, ikaw na lang ang plus one ko. Hindi naman makakapunta ang boyfriend ko,” alanganing alok ni Jana, isa rin sa mga kaibigan nila.

Matabang na tumango siya.

“Sige. Inimbita ko naman siya nung kasal ko, tapos ganito ang gagawin niya? Makakarinig talaga siya sa akin!” inis pa ring bulalas niya.

Sumisimsim siya ng kape nang may maisip. Napangisi siya sa ideya na makaganti sa ginawa sa kaniya ng kaibigan.

“Humanda siya,” sa isip-isip ni Gladys.

Ilang linggo pa lang bago ang kasal ay handang-handa na si Gladys. Bumili na siya ng mamahaling bestida, sapatos, at bag.

Advertisement

Plano niya kasi na talbugan ito sa araw ng kasal, bilang ganti sa hindi nito pang-iimbita sa kaniya.

Hindi niya rin sinabi sa kaibigan na may plano siyang pumunta sa kasal nito. Sosorpresahin niya na lang ito.

Maging ang regalo niya ay binonggahan niya. Para naman wala itong masabi.

Sumapit ang araw ng kasal.

Nagwisik pa siya ng mamahalin niyang pabango bago tinungo ang magara niyang sasakyan. Agad naman siyang pinagbuksan ng kaniyang drayber.

Habang papunta siya sa lugar kung saan gaganapin ang kasal ay panay ang sipat niya ng sarili sa dala niyang maliit na salamin. Siniguro niya rin na perpekto ang kaniyang make-up, at walang kahit na anong gusot ang suot niyang mamahaling bestida.

Napailing si Gladys nang sumagi sa isip niya ang kaibigan na ikakasal.

Alam niya na noon pa man ay inggit na ito sa kaniya. Pinili niya kasing pakasalan ang asawa niya na mayaman kaysa ang kaibigan nito na si Jerry.

Advertisement

Simula noon ay parang nagkaroon na ng lamat ang relasyon nila. Pero hindi niya naman inakala na aabot sila sa punto na hindi siya nito iimbitahin sa mahalagang araw sa buhay nito.

“Magkaibigan pa rin naman kami,” nakairap na bulong niya.

Nang makarating siya sa lugar kung saan gaganapin ang kasal ay marami-rami na rin ang tao.

May iilan na rin doon na kakilala niya.

“Uy, Gladys! Buti nakarating ka…” alanganing bati ni Nessa, ang matalik na kaibigan ng ikakasal. Base sa suot nito, nahinuha niya na isa ito sa mga abay sa kasal. May hawak pa itong bulaklak.

Ipinagtaka niya pa ang nakita niyang gulat sa mga mata nito nang makita siya.

“Bakit naman siya magugulat? Magkaibigan kami ni Mae,” sa loob-loob niya. Nagkakataka siya, ngunit nagsawalang kibo na lamang siya at tahimik na hinintay ang mga ikakasal.

Nilingon niya ang kararating lang na si Jana, isa sa mga kaibigan nila.

Advertisement

“Kilala mo ba ang mapapangasawa ni Mae? Parang hindi ko pa siya nakita,” kunot noong usisa niya.

Sasagot na sana ito, ngunit naagaw ang atensyon nila nang dumating ang babaeng ikakasal. Magandang-maganda ito sa suot nitong traje de boda. Tila nagliliwanag ang mukha nito, mababakas doon ang matinding saya.

Nang magkaroon si Gladys ng pagkakataon ay agad niyang nilapitan ang kaibigan.

“Mae…” tawag niya sa kaibigan.

Agad na bumakas ang gulat nito nang makita siya. Halatang hindi nito inaasahan ang presensya niya.

“G-gladys!” gulat na bulalas nito.

“Grabe ka, hindi mo man lang ako inimbita… kung hindi ko pa nalaman kay Jana, hindi pa ako makakapunta,” nakaingos na sita niya sa kaibigan.

“Hala, Gladys, hindi naman sa ganoon… may dahilan kung bakit hindi kita pinapunta…” paliwanag nito habang palinga-linga sa paligid na tila ba may hinahanap.

Advertisement

Bago pa siya makapagtanong ay may narinig na siyang nagsalita mula sa likuran ni Mae.

“Anong ginagawa ng babaeng ‘yan dito?”

Nang lingunin niya ang nagsalita ay nakita niya ang ina ni Jerry, ang dati niyang kasintahan. May mababakas na galit sa mukha ng babae.

“Tita…” saway ni Mae sa babae.

“Mae, hindi ba’t sinabi ko na na ayoko nang makita ang mukha ng babaeng ‘yan? May gana pa siyang magpakita rito, e pinagpalit niya si Jerry noon sa mayaman! Mukhang pera, iniwan ang asawa para sa pera!” sikmat nito habang matalim ang tingin sa kaniya.

Tila nanliit si Gladys sa hiya nang makita ang bulungan ng mga bisita.

“Ay, siya pala ‘yung nanloko kay Jerry noon…”

“Ang kapal ng mukha niyang magpakita rito!” 

Advertisement

Naramdaman niya ang paghawak ni Mae sa kaniyang kamay.

“Pasensya ka na, Gladys. Ito ang dahilan. Si Jerry, ang ex mo, ang pakakasalan ko. Hindi na kita inimbita kasi baka magkagulo lang,” nakangiwing paliwanag nito.

Napapahiyang nagyuko siya ng ulo. Matinding kahihiyan kasi ang nararamdaman niya.

“Sana kasi hinintay mo akong magpaliwanag. Sasabihin ko naman sa’yo…” ani Mae. Halata sa mukha nito ang awa, lalo pa’t tuloy pa rin ang bulungan.

“Umalis ka na. ‘Wag mong sirain ang magandang okasyon na ito…” malamig na wika ng ina ng dati niyang nobyo.

Habang pauwi ay napangiti nang mapait si Gladys. Napagtanto niya kasi na mayroon talagang mga kasalanan na hindi kayang ibaon sa limot—at paulit-ulit siyang mumultuhin kahit pa matagal na iyong nangyari.