Nalaman Niya na Hindi na Siya Kailangan pa ng Kaniyang Anak-anakan; Makaya Niya Kaya ang Napipinto Nilang Paghihiwalay?

“Aalis na ba kayo agad? Bakit hindi muna kayo kumain ng almusal? Naghanda ako ng paborito niyo,” aya ni Yaya Maring kay Jessica nang makita niya itong palabas ng bahay at nakagayak na kasama ang mga anak.

“Naku, hindi na po, Yaya. Nagmamadali po kasi kami dahil naghihintay ang mga biyenan ko sa amin. Pinagluto raw po niya kami kaya doon na lang kami kakain,” sagot nito sa kaniya na hindi man lang siya nagawang lingunin. Abala ito sa pag-intindi sa mga anak.

Hindi niya mapigilan ang makaramdam ng lungkot sa narinig gayunpaman ay tumango siya at ngumiti.

Marahil ay napansin ng babae ang pagkadismaya niya kaya’t nilapitan siya nito.

“Pasensya na po, sa susunod na lang po,” anito bago tinapik ang balikat niya.

Nang makaalis na ang mga ito ay matamlay niyang niligpit ang lahat ng pagkaing hinanda. Hindi man niya gusto, hindi naman niya maitatanggi, ay parang kumukurot sa kaniyang dibdib.

Pakiramdam niya ay hindi na siya kailangan pa nito.

Hindi man niya ito tunay na anak, iyon naman ang turing niya dito. Buong buhay nito siya na ang nag-aalaga kaya napakalapit ng loob nila sa isa’t-isa.

Advertisement

Gayunpaman, napagtanto niyang kahit na anong gawin niya, hindi pa rin mababago ang katotohanan na hindi siya ang tunay nitong ina. Isa lang siyang hamak na yaya, binabayaran para alagaan ito.

Noong tumanda na ito at tumuntong sa tamang edad, unti-unti niyang naramdaman na hindi na siya kailangan pa nito.

Nang magkaroon ito ng asawa at sariling pamilya, mas lalo siyang nawalan ng papel sa buhay nito. Hindi niya naman ito masisisi dahil alam niya na ganoon talaga ang buhay. Darating sa puntong kailangan na nitong tumayo sa sariling nitong mga paa.

Lalo lamang niyang nakumpirma ang hinala nang isang araw ay maulinigan niya ang pag-uusap ng mag-asawa.

“Kailangan natin ng bagong yaya para sa mga bata,” pahayag ni Rico, ang asawa ni Jessica.

Gusto niya man umalis upang irespeto ang pinag-uusapan ng mag-asawa ay hindi niya magawa. Nais niyang marinig ang sasabihin ni Jessica.

“Bakit naman maghahanap pa tayo ng iba? Nandiyan naman si Yaya Maring. Kilala na natin siya at mapagkakatiwalaan natin,” ani Jessica.

“Alam ko naman na mahal mo si Yaya at hangga’t maaari gusto mong dito lang siya sa atin pero alam mo naman na matanda na siya. Hindi niya na kaya pang sabayan ang mga anak natin, kailangan natin ng mas bata,” pangangatwiran ni Rico.

Advertisement

Matagal na hindi nakapagsalita si Jessica. Sa huli ay napabuntong hininga na lang ito bago mabigat ang loob na sumagot.

“Pag-iisipan ko pa.”

Sapat na ang narinig ni Maring kaya’t tahimik siyang naglakad palayo. Hindi niya napigilan ang maluha kahit na naiintindihan niya naman ang mag-asawa.

Nasasaktan lang talaga siya dahil buong buhay siyang nagsilbi sa pamilya. Hindi na amo ang turing niya sa mga ito kundi kapamilya.

Nang gabing iyon, mabigat ang dibdib niyang niligpit ang mga gamit. Kahit na anong oras, alam na niyang sasabihin ni Jessica ang desisyon na makabubuti para sa mga anak nito.

Alam niyang may punto ang suhestiyon ni Rico at ng nanay nito na palitan siya para maalagaan nang mabuti ang mga bata. Kaya naman anuman ang desisyong ng mag-asawa ay tatanggapin niya iyon nang maluwag sa dibdib.

“Yaya, pwede ko po ba kayong makausap?” tanong ni Jessica isang araw, halata sa mukha nito ang pagkabalisa.

Kilalang-kilala niya ito mula pa noong pagkabata kaya’t alam na alam niyang may gusto itong sabihin pero nag-aalinlangan pa ito.

Advertisement

“Oo naman. Ano ba ‘yon?”

Hindi ito nakasagot agad, tila iniisip pa kung paano mag-uumpisa.

Bumuntong-hininga na lang siya at nagdesisyon na unahan na ito.

“Anak, ‘wag ka nang mag-alala, dahil ayos lang sa akin. ‘Wag mo ako masyadong alalahanin,” nakangiti niyang sinabi dito.

Nanlaki ang mata nito.

“Talaga po? Hindi po kayo magagalit o magtatampo?” hindi makapaniwalang tanong nito.

“Oo naman. Naiintindihan ko naman ang desisyon niyong mag-asawa. Bakit naman ako magagalit? Sa katunayan, handang-handa na nga ang mga gamit na dadalhin ko sa pag-alis ko,” aniya.

Napakunot ang noo ni Jessica. Tila nagtataka.

Advertisement

“Ano pong ibig niyong sabihin? Aalis po ba kayo? Sa’n po kayo pupunta?” sunod-sunod na tanong nito.

“Oo. Hindi ba’t nagdesisyon na kayong mag-asawa na palitan ako bilang yaya ng mga bata? Kaya balak kong umuwi sa probinsya namin kapag nakahanap na kayo ng mapagkakatiwalaang papalit sa akin,” sagot niya.

Mas lalo lang nangunot ang noo ni Jessica, pagkatapos ay napatampal ito sa sariling noo, may bahagyang ngiti sa labi.

“Naku, Yaya Maring! Mukhang hindi tayo nagkakaintindihan! Hindi po kayo aalis… Hindi po iyon ang gusto kong sabihin!” bulalas nito.

Siya naman ngayon ang nalito sa narinig.

“Ang balak ho kasi naming mag-asawa ay magdagdag po ng dalawa pang kasama para may makatulong kayo sa ibang gawaing bahay at hindi kayo mapagod. Pero wala po kaming balak na paalisin kayo, maliban na lang kung kayo po mismo ang may gusto. Saan niyo po ba nakuha ang ideya na ‘yan?” naiiling na sabi nito.

Napamulagat siya sa sinabi ng babae. Kung ganoon ay kailangan pa siya ng mag-asawa?

“Narinig ko kasi kayong nag-uusap ni Rico noong isang gabi. Sa totoo lang, tama naman sila kaya inisip kong ‘yun na ang desisyon niyong dalawa. Tanggap ko naman kung sakali dahil mukhang hindi niyo na nga ako kailangan pa rito. Mas makakatulong kung mas bata ang mag-aalaga sa mga bata,” kwento niyo.

Advertisement

“Yaya, kahit na anong bata nila, wala pong kahit na sino ang papantay sa pag-aalaga niyo sa akin at sa pamilya ko. Alam po ‘yun ni Rico. Kailangan po namin kayo rito. Kayo lang po ang nag-iisang pinagkakatiwalaan naming mag-asawa,” nakangiti nitong paliwanag.

Nangilid ang kaniyang luha sa narinig. Mali naman pala ang iniisip niya.

“Pasensya ka na… Akala ko kasi papalitan niyo na ako,” pinunasan niya ang luha.

Nilapitan siya ni Jessica at niyakap nang mahigpit. Maging ito ay naiyak dahil sa nangyari.

“Hindi man po tayo magkadugo at hindi man nanay ang tawag ko sa inyo, anak niyo pa rin po ako. At kagaya ng tunay na ina, wala pong papalit sa inyo.”

Walang paglagyan ng saya ang puso ni Maring. Ngayon ay alam niya nang pamilya rin ang turing sa kaniya ng mga itinuturing niyang kapamilya.