Simula nang Manalo sa Lotto ay Nag-iba na ang Ugali ng Babaeng Ito; Karma pala ang Babawi sa Panandalian Niyang Pagkapanalo

“Wow, mare! Napakalaki na ng bahay mo!” manghang-manghang ani Melissa sa kaibigang si Amor matapos siyang imbitahin nito sa bago nitong tahanan. Sa totoo lang ay hindi niya mapigilang makaramdam ng inggit ngunit ganoon pa man ay nananatili siyang masaya para dito. “Napakasuwerte mo,” sabi pa niiya na nakangiti habang umiinom ng juice na ipinahanda nito.

“Ang ganda, hindi ba? Akalain mong dati-rati, nakikitira lang kami sa isang butas ng apartment mo, ngayon, mas maganda na ang bahay ko sa ’yo,” nakangisi namang sagot sa kaniya ni Amor na mabilis na nakapagpaalis ng ngiti sa labi ni Melissa. Hindi niya nagustuhan ang tinuran nito, lalo na ang tono nitong tila nagmamalaki.

Ganoon pa man ay hindi na lamang pinansin iyon ni Melissa. Iniisip niya na baka nagkamali lamang ito ng paggamit ng salita kaya naman mabilis niya iyong kinalimutan. Kilala naman kasi niya ang kaibigan niyang ito sa loob ng halos labinlimang taon nilang pagiging matalik na magkaibigan. Mabait ito at kahit kailan ay wala itong ipinakitang hindi maganda sa kapwa.

Ngunit maya-maya pa ay may napapansin na si Melissa. Paano kasi, kanina pa panay ang pagpaparangya ni Amor sa kaniyang mga mamahaling gamit, maging ng kaniyang mga bagong kubiyertos.

“Tingnan mo itong telebisyon ko, Melissa. Noon ay nakikinood lang ako sa inyo, ngayon, kung itatapat mo rito ang telebisyon n’yo ay magmumukha iyong patapong basura.” Humalakhak pa si Amor matapos iyong sabihin sa kaniya.

Talagang nagtataka na si Melissa. Hindi niya alam kung bakit ganoon ang trato nito sa kaniya ngayon gayong wala naman siyang ipinakitang masama rito noon? Bagkus ay pinatira niya pa nga ito nang libre, noong wala silang matirahan dahil sa sobrang hikahos ng pamilya nito sa buhay. Isang buwan pa lang mula nang ito ay manalo sa lotto, nguinit tila nakikita na ni Melissa ang idinulot ng pagkakaroon nito ng pera.

“May problema ba tayo, Amor?” lakas-loob na tanong niya sa kaibigan. “Paano mo ako nagagawang pagsalitaan nang ganiyan?” nasasaktan pang tanong niya.

“Matagal ko nang gustong gawin ito, Melissa. Sa totoo lang ay nagpapanggap lang naman akong kaibigan mo dahil kailangan namin noon ang tulong mo. Pero ngayong mas marami na akong pera sa ’yo ay hindi na kita kailangan. Sa katunayan ay inimbita lang kita rito para bayaran ang mga naitulong mo sa amin noon, nang sa ganoon ay wala na akong utang na loob sa ’yo,” sagot naman sa kaniya ni Amor na ikinagulat ni Melissa.

Advertisement

Napailing siya, lalo na nang ilapag ng dating kaibigan ang isang bungkos ng pera sa kaniyang harapan. Hindi na siya nagdalawang isip na kunin iyon at umalis na ng bahay nito. Simula noon ay hindi na siya muling nakipagkita rito.

Nabalitaan ni Melissa na talagang nagbago na si Amor. Kung dati ay napakamatulungin nito sa iba, ngayon ay dumamot na ito kung kailan nagkaroon ito ng mas malaking pagkakataong tumulong sa iba. Kung dati ay mabait ito at mahusay makisama, ngayon ay halos lahat na yata’y galit sa kaniya dahil sa ugaling ipinapakita niya.

Sa kabila ng mga balitang ’yon ay pilit pa ring inaalala ni Melissa ang masasayang araw na nagkasama sila ng matalik na kaibigan. Minsan ay nahihiling niya pang sana ay hindi na lang ito nanalo sa lotto upang hindi ito nagbago. Ngayon kasi ay animo na ito ibang tao.

Sa paglipas pa ng mga taon ay tuluyan nang nawalan ng balita si Melissa tungkol kay Amor. Nakalimutan na rin niya ang dating kaibigan lalo pa at nagsisimula nang lumago ang negosyong itinayo niya gamit ang perang ibinayad sa kaniya ni Amor noon. Unti-unti ay mas gumanda pa ang buhay ni Melissa at ng kaniyang pamilya.

Hanggang isang araw, akma sanang magtatapon ng basura si Melissa sa labas ng bahay na kabibili lamang niya, nang makita niyang may isang babaeng pulubi na nagkakalkal ng kanilang basurahan. May dala itong sako at nakahawak ito sa kaniyang tiyan na mukhang nagugutom.

Nilapitan ito ni Melissa para sana alukin ng pagkain ngunit ganoon na lang ang gulat niya nang makilala kung sino ang nasabing pulubi—si Amor!

Napag-alaman niya na dahil hindi naman nito ginamit ang pera nito upang magnegosyo ay naubos lamang iyon sa wala. Ngayon ay bumalik ito sa pagiging mas mahirap, dahil mukhang binawi na ng karma ang swerteng ipinahiram sa kanila.

Masama man ang naging huling pagkikita nina Melissa at Amor ay hindi nagdalawang isip si Melissa na tulungang muli ang kaibigan. Kinupkop niya ito at inalagaan at dahil doon ay labis na nagsisi si Amor sa lahat ng kaniyang naging kasalanan. Totoong binago siya ng pagkasilaw niya sa kaniyang yamang hindi naman pala pangmatagalan.