Malaki ang Galit ng Babaeng Ito sa Kaniyang Kaeskuwela; Isang Sikreto ang Babago sa Pananaw Niya Tungkol Dito

Masama ang tinging ipinukol ni Ariana sa kaeskuwelang si Milka matapos siyang patirin nito. Nananatili siyang nakaplakda sa sahig ng kanilang kantina at ngayon ay pinagtatawanan ng mga kapwa niya estudyante.

“Ang lampa mo naman,” komento pa ni Milka habang nakaarko ang isang kilay nitong mapagmataas at nakangisi ang labi.

“Hindi ako lampa. Sadiyang masama lang talaga ang ugali mo!” galit namang sagot ni Ariana nang siya’y makatayo na bago ito agad na tinalikuran. Hindi na niya binigyan pa ng pagkakataon si Milka na muling magsalita.

Pinilit niyang kalmahin ang kaniyang sarili. Alam niyang kahit naman manggalaiti siya ay hindi pa rin titigil si Milka sa ginagawa nitong pamb*-b*lly sa kaniya dahil simula noong unang araw pa lang ng kanilang pasukan ay ganito na ang trato nito sa kaniya. Hindi niya nga maintindihan kung bakit siya inaapi nito, gayong mabait naman ito sa iba. Wala naman siyang matandaang may masama siyang ginawa rito kaya ganoon na lang ang galit nito sa kaniya.

Nasa kalagitnaan ng practice ang buong klase nina Ariana at Milka nang araw na ’yon para sa gaganaping event sa kanilang eskuwelahan kung saan napiling mag-perform ang kanilang buong section, nang magpaalam si Ariana sa kanilang guro na magbabanyo lamang. Kanina pa kasi siya nagpipigil ng ihi, at ngayon ay hindi na niya kaya.

Nang payagan ng guro ay dumiretso na si Ariana sa C.R. ng kanilang silid-aralan, ngunit paglabas niya ay isang nakakalat na notebook ang muntik na niyang matapakan, dahil nakakalat iyon sa sahig. Mukhang nahulog iyon ng may-ari kaya naman dinampot niya iyon at binuklat upang malaman kung kanino.

Ganoon na lang ang pagkunot ng noo ni Ariana nang malamang kay Milka ’yon. Dahil sa kyuryosidad ay nagpasiya siyang basahin kung para saan ba ang notebook na ’yon at ganoon na lang ang tuwa niya nang malamang iyon pala ay talaarawan ng kaeskuwela niyang bully!

“Sigurado akong may mahahanap ako rito na maaari kong ipanakot sa kaniya para naman makaganti ako!” bulong pa ni Ariana sa sarili at itinago sa kaniyang bag ang naturang notebook.

Advertisement

Pag-uwi ni Ariana sa kanilang tahanan ay hindi na siya nag-aksaya pa ng panahon. Dumiretso siya sa kaniyang kwarto at doon ay nagkulong upang umpisahang basahin ang talaarawan ni Milka… ngunit may hindi inaasahang nabasa si Ariana doon.

“Dear Diary,

Ngayong araw ay may nakilala akong kaeskuwela na ang pangalan ay Ariana. Napakaganda niya, matalino at gusto ko sana siyang maging kaibigan ngunit noong uwian na ay nakita kong sinundo siya ng kaniyang papa…at nalaman kong ang papa niya ay ang pulis na nagpakulong sa daddy ko noon.”

Nagulat siya sa nakitang nilalaman ng unang pahina ng naturang talaarawan. Pulis kasi ang kaniyang ama, kaya naman hindi malabong totoo nga ang sinasabi ni Milka sa sulat niya! Dahil doon ay patuloy niya iyong binasa…

“Alam mo ba, Diary, hindi naman ako galit kay Ariana o sa papa niya, e. Hindi ko naman kasi totoong daddy ang ipinakulong ng papa niya dahil ampon lang ako. Isa pa, sinasaktan din ako n’on. Hindi ko rin alam kung paano nalaman ni daddy na kaklase ko ang anak ng pulis na nagpakulong sa kaniya, pero nagulat na lang ako nang utusan niya akong pahirapan daw si Ariana. Gusto niyang saktan ko si Ariana dahil kung hindi ay siya raw ang gagawa n’on. Kaya naman napilitan akong maging b*lly kahit na ayaw ko namang gawin ’yon…”

Biglang tumulo ang luha ni Ariana sa mga nabasa niyang sinabi ni Milka sa sulat. Napag-alaman niya na tinatakot pala ito ng lalaking nag-ampon sa kaniya kaya ito napipilitang b*lly-hin siya sa eskuwelahan! Talagang malaki ang sira sa ulo ng lalaking ’yon, kaya naman hindi na nagdalawang isip pa si Ariana na ilapit iyon sa kaniyang ama upang tulungan si Milka.

Malaki ang galit niya kay Milka noon ngunit dahil sa mga nabasa niya ay biglang nagbago ang kaniyang pananaw. Nagulat pa nga ito nang sabihin ni Ariana na alam na niya ang totoo at ganoon na lang kalabis ang hiya ni Milka.

“Patawarin mo ako. Ginawa ko lang ang mga bagay na ’yon sa takot na baka totoong saktan ka talaga ni daddy. Kaya kaysa siya ang gumawa ay ako na lang para naman hindi ka mapahamak,” nayuyukong paghingi pa nito ng paumanhin.

Advertisement

Pinatawad naman agad ni Ariana si Milka at sa tulong ng kaniyang ama ay nakaalis ito sa kustodiya ng masamang taong umampon sa kaniya. Ngayon ay nabubuhay na sila nang masaya bilang magkapatid matapos itong kupkupin ng mga magulang niya.